Ang Bagong Myembro ng Konseho

57 4 9
                                    

Maaga pa lamang kinabukasan ay nagpunta na ng Karza si Kameer. Nagtaka sya na pinadiretso sya sa silid aklatan ng Karza imbes sa opisina ng hari. Nadatnan  niya roon si Hasmid, na nakaupo at nagbabasa ng aklat. Matapos ihatid ay umalis ang kasama niya.

"Magandang umaga, Kameer." Bati sa kanya ni Hasmid.

"Hindi ko naiintindihan kung bakit mo ako ipinatawag, Haring Hasmid." Nakangiting sabi ni Kameer.

"Mabuti na iyan ang tanong mo, imbes na itanong sa akin kung bakit dito ka sa silid aklatan dinala." Isinara ni Hasmid ang binabasang aklat at tumayo. "Sumunod ka sa akin."

Tumayo si Hasmid at akmang aalis sa silid. Tumigil siya nang mapatapat siya kay Kameer.

"Hindi ba't maiging ipaliwanag mo muna sa akin kung bakit ko kailangang sumunod?" tanong ng lalaki sa kanya.

"Ah, mukhang nakakalimutan mo kung sino ang kaharap mo Kameer."  Nakangiting sabi ni Hasmid. Hinawakan niya sa balikat ang kaharap na lalaki. Sa isang iglap, biglang nagpakawala ng malamig na enerhiya si Hasmid, dahilan upang manigas sa yelo ang balikat na hinawakan ng lalaki.

"Hindi mo ako masisindak sa ganito Kamahalan," sabi ni Kameer. Hinawakan nito ang nanigas na balikat at gumamit siya ng mahika upang ibalik ito sa dati. Bahagyang lumiwanag ang bahaging iyon at wala pang limang segundo ay tila walang nangyari.

"Hmmm, mabuti," sagot ni Hasmid. "Nais kitang bigyan ng posisyon sa konseho ng Andartika."

"Ano?" takang tanong ni Kameer. 'Tama ba ang narinig ko?'

Muling umupo si Hasmid. Sumunod naman si Kameer.

"Kung totoong anak ka  ni ama," sambit ni Hasmid. "Nararapat lamang na bigyan ka ng tungkulin bilang maharlika ng Andartika. Hindi importante sa akin kung nagtaksil si ama kay ina. Ang kasalanan niya ay hindi maaaring ipasa sayo."

"Mawalang galang na sayo kamahalan," nakangiting sambit ni Kameer, "subalit sa tingin ko'y nahihibang ka na."

Ngumiti si Hasmid. "Hindi na bago sa pandinig ko iyan. Nais mo itong tanggihan?"

"Hindi ka ba kinakabahan na maaaring maagaw ko sayo ang trono ng Andartika, haring Hasmid?"

Umiling si Hasmid. "Hindi sumagi sa isipan ko yan."

Huminga ng malalim si Kameer. "At ano naman ang naiisip mo na posisyon na ibibigay mo sa akin?"

Ngumiti si Hasmid.


Kumalat sa Zaethiska ang pormal na pagtanggi ni Luxurie sa alok na kasal ng Alya. Marami sa kanilang mamamayan ang sang-ayon sa ginawa ng kanilang pinuno, ngunit marami rin ang nag-alala dahil na rin sa kawalan ng tagapagmana sa trono ng Zaethiska. Ngunit kahit gayon, wala ni isa sa konseho ng Zaethiska ang nagtangka na ilabas ang impormasyon tungkol doon, sa takot nila na maaaring may gawin si Vinshen sa kanila.

Maaga kinabukasan ay nagpunta si Vinshen sa dating opisina niya sa Varteia. Ilang araw na ang nakararaan nang tanggapin  ni Luxurie ang alok nina Raizen na bumalik sa hukbo ng Zaethiska at ilang araw na rin ang nakararaan nang magsimulang sanayin nina Raizen ang mga batang heneral ng Zaethiska.

Marami sa mga Dayanata ang namamangha pa rin sa pagkakita kay Vinshen roon na walang suot na uniporme ng isang heneral. Sinundan ng tingin ng mga Dayanata ang pigura ni Vinshen na patungo sa opisina sa Varteia. Nadatnan ni Vinshen ang Zyden Hyda sa silid na iyon kasama sina Raizen at Beyar.

"Magandang umaga, Vinshen." Bati ni Raizen sa kanya.

"Bakit nyo ako ipinatawag?" tanong ni Vinshen.

Nagkatinginan ang mga naroroon sa silid bago sumagot.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 05, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

AndartikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon