KABANATA DALAWA

13 1 2
                                        

Nagising si Jessie mula sa mahimbing na pagkakatulog sa balikat ng kaniyang asawa. Naramdaman niyang hindi umaandar ang bus at tahimik ang paligid maliban sa mahinang usapan ng mga pasahero.

"Mahal gising ka na pala. Nasa ibang daan tayo ngayon dahil traffic sa main road. May tatlong sasakyan na nakaharang sa daan kaya pinahinto ang bus," paliwanag ni James sa kaniyang asawa na kakagising lang.

"May aksidente ba kaya tayo huminto?" pagtatakang tanong nito sa asawang lalaki.

"Oo yata," tugon niya sabay tingin sa unahan ng bus kung saan makikita ang nasa labas.

Samantala ay kinakabahan ang driver at ang konduktor nang marinig ang mabilis na kaluskos sa loob ng kakahuyan. Nakatayo lang silang dalawa na hindi gumagalaw sa kanilang kinatatayuan.

"May tao ba diyan?" tanong ng driver na medyo nilakasan ang kaniyang loob.

Dalawang dilaw na mata ang biglang lumitaw sa madilim na kakahuyan dahilan upang umatras ang dalawa. Isang nakakatakot na angil ang nagpatakot sa driver at konduktor.

"Pre mukhang kailangan na nating tumakbo," nanginginig na wika ng konduktor.

Pero hindi pa rin sila kumikilos kahit na lumalapit na ang halimaw sa kanila. Isang kulay berdeng halimaw ang humahakbang papalapit sa kanila at handa silang lapain. Parang parisukat ang mukha, matutulis na mga ngipin, matatalim na titig ng mga mata, walang tainga sa magkabilang bahagi ng ulo at parang isang malaking tao ang anyo ng katawan. Kasing-tangkad ito ng normal na bus.

Napansin ni Manuel ang halimaw kaya tinanggal niya ang earphone na nakasalampak sa magkabila niyang tainga. Bigla na lang siya natulala nang makita niya ang nakakatakot na halimaw.

Ginalaw ng konduktor ang kaniyang paa sa direksiyon kung saan ang bus nakahinto.

"Aaaaaaaaaaaaaahhhhhhhh!!" sigaw ng konduktor at tumakbo. Pero wala pang dalawang segundo ay nahuli siya ng halimaw gamit ang malalaki nitong mga kamay.

Hindi pa nakatakbo ang driver ay dinakip rin siya ng halimaw dahilan upang sumigaw siya ng malakas at umagaw sa atensiyon ng mga pasahero ng bus. Ang mag-asawa ay napatayo dahil sa narinig na sigaw.

Napatayo naman si Manuel at humarap sa mga pasahero habang nanginginig at kinakabahan sa takot.

"Anong nangyayari sa labas?" tanong ni Perla.

"H-huwag po kayong g-gumawa ng mga ingay," pautal-utal na paalala ni Manuel habang minimuwestra niya ang kaniyang dalawang kamay na parang pinapakalma sila.

"Ano yung sigaw na iyon?" parang pabulong na tanong ni Raul na nakaidlip kanina.

"Maniwala po kayo o sa hindi may halimaw po na umatake kina Manong driver at sa konduktor," paanas na wika ni Manuel na tila hindi na pautal-utal magsalita.

Tumayo naman si Raul at pinuntahan ang bahagi ng bus kung saan ang windshield. Tumabi naman si Manuel sa daan. Sinilip ni Raul ang labas pero wala siyang may nakitang bakas ng dalawang tao na lumabas kanina.

"Tumawag na lang tayo ng pu–"

Naputol ang susunod na sasabihin ni Raul nang may biglang kumalabog sa ibabaw ng bus. Napasigaw ang mga kababaihan sa gulat pati na rin si Gabby.

Sinenyasan naman ni Manuel ang mga pasahero na tumahimik.

Halata sa mga mukha nila Janine at Wilson ang pangamba habang magkayakap sa isa't-isa. Sinusubukan naman ni Christian na humanap ng signal sa kabila ng takot na nadarama. Maluha-luha naman ang mag-ina habang niyayapos ni Perla ang kaniyang anak. Magkayakap naman ang mag-asawa at hinahaplos ni James ang balikat ni Jessie.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 25, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PasaheroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon