Ikatlong Kabanata
Ikaw ay unang nakilala
Sa gubat ng Lionardia
Lumiwanag ang iyong mga mata
Ngiti sa iyong mukha ay tunay na kaaya-aya
"Kay lamig ng tubig dito sa batis, Tarel. Napakalinaw at napakatahimik ng paligid. Nakakawala ng pagod."
"Oo nga mahal na prinsesa!"
Nandito kami ngayon ni Tarel sa gitna ng gubat na matatagpuan sa Lionardia. Maliit lamang ito kumpara sa Kagubatan ng Ediaprus, ngunit gaya nito ay mataba ang lupain rito. Malalaki at matatayog ang mga puno at halaman. Maraming mga prutas na maaring kainin. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na mapangiti dahil sa ganda ng naturang lugar. Maraming mga bulaklak at paru-paro. Sariwa ang hangin at tunay na nakakagaan ng pakiramdam.
Natagpuan ko ang batis ng minsang ako ay nangaso. Ang lokasyon nito ay nasa pagitan ng Kaharian ng Xiphias at kagubatan ng Ediarpus. Ayon sa mga mamamayan ng Lionardia ay walang sino man ang may lakas ng loob na pasukin ang gubat sapagkat malapit na ito Kaharian ng Xiphias. Natatakot sila at baka hindi mamalayan na nasa teritoryo na pala sila ng ibang kaharian ng walang pahintulot. Hindi nila nanaising magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawang kaharian lalo pa at maganda ang kanilang pagkakaibigan.
Ayon kay pinunong Linus, ang Kaharian ng Xiphias ay pumapangalawa sa sandatahang lakas na meron ang Levencia, ngunit mahina ang kanilang pwersa sa paggamit ng mahika. Magkaganun man ay kayang-kaya nitong manakop ng ibang kaharian ngunit kasali sila sa isang kasunduan ng mga kaharian ng Artheria, na walang kahit na anong kaharian ang maaaring manakop at magsimula ng digmaan dito. Matagal na ang kasunduang iyon, hindi pa ako naisisilang noon at hanggang ngayon ay ginagalang pa rin nila ang kasulatang iyon. Ayon din kay pinunong Linus, ay pinag-iisipan ng mga namumuno na magkaroon ng pag-aaral sa kakulangan o kahinaan ng bawat kaharian para sila ay matulungan. Kagaya na lamang ng Xiphias, kulang sila sa kaalaman sa mahika kaya magbibigay ng tulong ang Levencia para mapalago nila ito. Magtutulungan ang bawat kaharian sa kanila-kanilang kakulangan. Ngunit ang ibang mga hari at namumuno ay nagdadalawang isip o di kaya ay hindi sang-ayon dito. Baka gamitin lamang raw ito ng iba laban sa kanila. Kaya hanggang ngayon ay hindi pa nila sinasa publiko ang tungkol roon.
"Sayang nga lang at wala si Tikaa, mahal na prinsesa. Nasisiguro kong magugustahan niya dito. Ang ganda dito mahal na prinsesa."
"Huwag ka nang malungkot, Tarel. Sa susunod ay isasama na natin siya."
Ngayon ko na lang ulit narinig si Tarel na tawagin akong mahal na prinsesa. Natutunan na rin nitong tawagin ako sa ngalan ibinigay ng kabigan nitong latangan sa akin. Nagpaalam si Tikaa na may aasikasuhin raw sila ng kanyang capo sa kabisera ng Levencia. Ilang araw din silang mawawala ngunit babalik rin bago ang anihan.
Marami na kaming nakalap na impormasyon tungkol sa mga magnanakaw at gumagawa na kami ng hakbang upang mahuli sila. Alam kong mapagtatagumpayan ko ang misyon na ito, lalo na at malaki ang tiwala ng aking amang hari sa akin.
Sumandal ako sa isa sa mga batong naroon at tumingala sa kalangitan. Ipinikit ko ang aking mga mata nang tumama ang sinag ng araw na nagmumula sa pagitan ng mga naglalakihang mga dahon. Biglang umihip ang hangin ngunit hindi ko alintana ang lamig na hatid nito. Bagkus ay napangiti ako at dinamdam ang katahimikan ng kapaligiran. May ibong nag-aawitan, ang palaspas ng mga dahon kapag umiihip ang hangin, at may iba't ibang uri ng mga naglalakihan at nagagandahang mga bulaklak na lumulutang sa batis.
Ngunit biglang naglaho ang ngiti sa aking mga labi nang makita kong muli ang mukha ng dayo sa aking balintataw. Lalo na ang berdeng mga mata nito habang nakatitig sa akin. Bigla kong naimulat ang aking mga mata at ganoon na lamang ang panlalaki ng mga iyon nang makita ko ang parehas na berdeng mga mata na nakatunghay sa akin. Tila pinaglalaruan ako ng aking paningin, hindi agad ako nakakilos.
BINABASA MO ANG
Earnica Latrice Leventis: Ang Huwad Na Tagapagmana
FantasyNaniniwala si Prinsesa Earnica na siya ang puputongan ng korona at susunod na mamumuno sa buong kaharian ng Levencia. Ang isa pinakamakapangyahirang kahariaan sa buong Artheria. Bata pa lamang ito ay laging sinasabi ng kanilang amang hari na balang...