Simula

45 9 1
                                    

Simula

Pagdating

Sabi nila, hindi pa man tayo ipinapangak ay naisulat na ang ating magiging tadhana sa mundo. May patutunguhan na tayo hindi pa man natin pinipili ang daang tatahakin ngunit paano kung ang tadhanang ito ay hinahadlangan na kaagad ng estado natin sa buhay?

Magiging katotohanan pa ba ang tadhana kung ang estado mo sa kasalukuyan ang nagsasampal sa'yo sa katotohanang ang tadhana ay gawa-gawa lamang? Na walang ibang susulat nito kung hindi ikaw lang?

Kung ikaw ay isa sa mga nabibilang na mahirap ang estado sa lipunan, kahit ano'ng gawin mong pagsisikap kung ang mga matataas na antas na mismo ang pipigil sa'yo para marating ang pangarap mo, kung ang estado mo sa buhay ang hadlang, mas pipiliin mo na lang manatili kung nasaan ka.

Ngunit, hindi ako ganyan pinalaki ng nanay ko. Kung may pangarap ka, kung magsisikap ka, kahit pa saang estado ka ng lipunan nabibilang, may karapatan ka at nararapat mong maabot ang mga minimithi mo. Walang estado ni tadhana ang makakapigil sa'yong lumipad ng malaya at ipagaspas ang pakpak mo.

Abala ang lahat ng mga tagapagsilbi ngayon sa mga gawain. Napupuno ng iba't-ibang mga dekorasyon ang boung mansyon maging ang kabouan ng hacienda Esquivel. Itinuturing ng boung angkan na espesyal ang araw na ito dahil may importanteng mga panauhin ang darating ngayong araw.

Boung ingat kong sinusunod ang bawat utos ng mayordoma ng boung mansyon sa akin. Kanina niya pa pinapaalala sa aming lahat na hindi kami pwedeng pumalpak lalo pa't mahigpit na ibinilin iyon sa amin ng senyora Olivia.

Hapon na nang matapos kami sa lahat ng mga gawain at isa-isa na ring dumating ang mga panauhin ng pamilya. Karamihan sa kanila ay lulan ng mga mamahaling sasakyan. Halos lahat sila ay nabibilang sa mga mayayamang pamilya galing pa sa ibang bayan at ang iba naman ay kasosyo nila sa negosyo na galing pa sa Maynila.

Maliwanag ang boung hacienda lalo na sa malaking bulwagan ng mansyon kung saan ipagdadaos ang pagdiriwang. Rinig sa boung paligid ang malamyos na musika na ipinapatugtog ngayon.

Lahat ng mga kawaksi ay nakasout ng puting damit, puting apron at puting panyo na nagsilbi naming pangpatong sa ulo at palatandaan na rin kung ano ang aming papel sa pagdiriwang na ito. Lahat ay usap-usapan ang pagdating ng binatang Esquivel na kalaunang tatawagin rin naming senyorito bilang paggalang sa kaniyang katayuan sa boung hacienda.

Marami akong namataang mga dalaga na galing sa mga matataas na antas ng lipunan. Malamang ay nakarating sa kanila ang balita sa pagiging binata ng senyorito. Maaaring nais nilang ipakilala ang kanilang dalagang anak sa nag-iisang tagapagmanang lalaki ng mga Esquivel at baka sakaling isa sa kanila ang matipuhan ng senyorito.

Tahimik lang kaming nakatayo sa gilid ng bulwagan upang hintayin ang anumang ipag-uutos sa amin. Nakahanda na ang lahat at hinihintay na lamang ang pangunahing panauhin. Rinig ko mula sa mga kasama ko rito na papunta na ang senyorito galing sa paliparan.

Wala na rito ang senyorito para mag-aral sa Maynila nang magsimula akong magsilbi kaya hindi ko alam kung ano ang itsura niya sa personal. Tanging sa mga larawan ko lamang siya nakikita pero alam kong may itsura siya at kahit sino ay mahuhumaling sa kaniya. Kaya noon pa man talaga ay nais nang makita ng ibang mga kawaksi rito ang senyorito lalo na 'yong mga nakasaksi sa pagkalaki niya hanggang sa umalis ito upang mag-aral sa Maynila.

Lahat kami ay napadako ang tingin sa entrada ng mansyon nang makarinig nang paparating na sasakyan. Nakita ko kung paano napatayo ng maayos at nag-ayos ang ibang dalaga kahit pa bakas sa mga mukha nila ang tuwa na pilit nilang tinatago. Malamang ay pareho kaming lahat ng iniisip ngayon— dumating na ang kanina pa namin hihintay.

Incarnadine (Verdurous Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon