Ikaanim na Kabanata

13 4 0
                                    

Ikaanim na Kabanata

Sakay


Sout ang bestida'ng ibinigay ni Manang Selya sa akin, lumabas ako sa maliit naming kuwarto sa loob ng kubo.

Natagpuan ko si Nanay na nasa kusina at nagluluto.

"Nay..." Malambing kong pagtawag sa atensyon niya.

Dahan-dahan naman siyang pumihit paharap sa akin. Kaagad akong umikot sa harapan niya para ipakita ang sout kong bagong bestida. Naisipan kong isout 'to ngayon dahil ngayon lang ulit ako nakapagsout ng bagong bestida.

Lahat ng mga bestida ko ay mga luma na at pughaw na ang mga kulay. Gustong-gusto ko itong ibinigay ni Manang Selya dahil sa ganda at tingkad ng kulay ng tela ng bestida.

"Aba! Ang ganda naman ng bestida mo anak!" Masayang saad niya habang pinagmamasdan akong isinasayaw ang sarili paikot para mas maipakita pa ang sout na bestida.

"Oo nga po eh! Bigay ito sa akin ni Manang Selya kahapon," masayang sagot ko.

Matamlay namang ngumiti ang nanay sa akin. Namumutla ang mga labi niya, halos puti na rin ang lahat ng buhok niya at malaki ang ikinabagsak ng katawan niya. Mukhang naging sampung taon ang itinanda niya sa orihinal niyang edad dahil sa sakit niya ngayon. Gayunpaman, makikita pa rin sa itsura niya ang kakaibang gandang taglay noong kabataan niya.

Naglakad siya papunta sa akin at na-alerto ako nang sa pagtapak niya ay muntikan na siyang matumba. Mabuti na lamang ay kaagad ko siyang nahawakan at naiwasan ang posibleng pagbagsak niya.

Inakay ko siya papunta sa pahabang upuan na gawa sa kahoy at inalalayang makaupo.

"Ayos lang po ba kayo?" Nag-aalala kong tanong sa kaniya. Mahina naman siyang tumango at saglit na ipinikit ang mga mata pagkatapos ay tumitig sa mga mata ko.

"Ayos lang ako anak ko. Maayos lang ang nanay, huwag kang mag-alala hm?" saad niya at tinapik ng isang beses ang kamay kong nakahawak sa braso niya.

"Sigurado po ba kayo?" Naniniguro kong tanong sa kaniya.

"Oo anak, huwag mo na akong alalahanin. Dahil lang siguro ito sa mainit na panahon," mahina niyang sagot.

Napabuntonghininga naman ako at napatitig kay nanay. Naaawa ako sa sitwasyon niya, kung pwede ko lang siyang bilhan ng bentilador na kagaya no'ng ginagamit ng mga kawaksi sa mansyon ng mga Esquivel ay ginawa ko na. Pero may kamahalan kasi 'yon at tsaka kailangan pa naming magbayad sa kuryente, gastos na naman.

Ngumiti ako at umupo sa gilid niya. Niyakap ko siya patagilid at maingat na inihilig ang pisngi ko sa balikat niya.

"Huwag kang mag-alala nay! Balang araw, maibibili kita ng bentilador kagaya no'ng nasa mansyon ng mga Esquivel," nangangarap kong saad sa kaniya kasabay ng mataimtim na pagdarasal sa Panginoon na sana ay dinggin ang munti naming dalangin.

"Makita ko lang bago ako mawala sa mundo na may magmamahal at mag-aalaga sa'yo higit pa sa pagmamahal at pag-aalaga ko ay sapat na para sa akin, Cherry," saad niya na nagpabangon sa akin mula sa pagkakahilig sa kaniya.

"Nay!" Sita ko.

Ayaw ko talaga kapag ganyan siya kung magsalita sa akin, para kasi siyang magpapaalam sa akin at kailanman hindi na kami magkikita.

"Nagsasabi lang ako ng totoo, Cherry," malumanay niyang wika.

Tinulungan ko si nanay sa paghahanda sa agahan naming dalawa at sa paghuhugas na rin ng mga pinagkainan namin pagkatapos. Ayaw ko pa sana siyang iwan dahil sa kalagayan niya ngunit pinilit niya akong pumasok sa trabaho at nanigurong ayos lang siya.

Incarnadine (Verdurous Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon