Chapter 5: Amorphous

1.9K 147 83
                                    

Noah:

Ilang linggo ang lumipas. Nakagaanan ko na ng loob ang iba kong kaklase. Nakakausap ko na silang lahat nang maayos maliban sa binatang nagngingitngit sa inis habang nakaupo sa kanan ko.

Ipinapapaypay ni Mrs. Aguilar ang mga index card sa mukha nito. Nakasulat dito ang iba't ibang tanong tungkol sa subject namin. "Okay, so what is the name of Isaac Newton's three extremely important laws?" malakas na tanong nito.

Tinaas ni Adam ang kamay niya. May dalawang segundo bago ito sumagot. "Laws of Motion," ani ni Adam.

"Right again, Mr. Ambrosi!" bulyaw ni Mrs. Aguilar. Nakasuot ito ng scarf kahit mainit sa loob ng kuwarto. Malalaki ang kanyang hikaw bagay sa hugis ng pabilog niyang mukha. "Okay class, we need two representatives for the district Physics Quiz bee. Adam is currently leading this selection process. Galingan ninyo naman!"

Tahimik lamang ako kahit naririnig ko na ang bulungan ng iba kong kaklase sa likod. Pinipigilan kong tumawa habang sinusulyapan ko ng tingin si Adam na magkasalubong pa rin ang kilay sa akin.

"As if naman may gusto talagang sumali," biro ni Alex. Abala ito sa pagguhit sa notebook niya habang walang pakialam sa mga tanong ng guro namin.

"Taenang selection process iyan, daig pa surprise quiz," reklamo ni Ethan. Malamang ay iniisip niya kung anong oras matatapos ang klase dahil ilang minuto nang lagpas ito sa itinakdang oras. Humahagikgik silang dalawa sa likuran.

"Psst! Ang iingay ninyo, marinig kayo ni Ma'am. Baka i-compare na naman tayo sa ibang section," saway ni Bien.

Matiyagang iginala ni Mrs. Aguilar ang mata nito. Hindi ako sa kanya nakatingin dahil tila minamagnet ng mga mata ni Adam ang ulo ko.

"How about you Mr. Arroyo?" Nagulat ako nang tawagin ni Mrs. Aguilar ang aking apelyido. Mabilis akong napaupo nang tuwid at napatingin sa gitna. "Mukhang hindi ka pala-recite, ha? Baka magalit ang Tita Norma mo niyan. In this school, you gain more merits with recitation. I heard you have a good record from your previous school?"

"Yes po," barotono kong sagot. Minsan lamang akong magsalita sa klase dahil tinatantsa ko pa kung paano sila pakikisamahan. Malalim ang boses at pinilit kong huminahon kahit alam kong nakatitig si Adam mula sa aking likuran.

"Okay, please stand up," utos ng aming guro.

Dahan-dahan akong tumayo at maririnig ang mahinang tilian ng mga babae sa likod. Natatawa pa ako tila tumatagos sa batok ko ang matatalim na tingin ni Adam.

"Tss!" narinig kong bulong niya.

Halata ang pagkabanas ni Adam sa reaksyon ng mga classmate namin. Napalingon ako kay Jade. Ang lagkit ng tingin nito sa akin. Bihira ko lang rin siya kausapin dahil naiilang ako sa kanya. Halatang excited itong marinig muli ang boses kong bihira kong iparinig sa kanila.

"Tsk, let's see nga kung may ibubuga ka," bulong muli ni Adam. Nanggagalaiti ito dahil sa mga reaksyon ng crush niya. Pasimple kong nilingon si Adam ngunit bago ko pa siya ngitian ay humataw na ng tanong si Mrs. Aguilar.

"Who is the physicist who is more famous for his cat than for his equation?"

"Schrodinger, Erwin," napakabilis kong sagot. Wala pang isang segundo umalingawngaw ang malalim kong boses sa loob ng silid.

"Ano ang term na ginagamit to describe an orbit's farthest point from Earth?" malakas na tanong ni Mrs. Aguilar.

"Apogee po," mas mabilis kong tugon. Nanlalaki na ang mata ng buong klase gayon din ang guro kong binabalasa na ang mga index card niya.

Ark and Apple (The Time Traveler's Boyfriend Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon