Chapter 14: Baril-barilan

2K 145 33
                                    


Noah:

Year: 1997, Batanes (Past)

Bakasyon, wala kaming inatupag ni Nico kundi ang maglaro sa talampas. Masaya kaming naglalaro ng baril-barilan sa ilalim ng punong Narra. Tanging halakhak ng dalawang bata ang umaalingawngaw sa buong paligid. Mga batang walang muwang sa mundo.

Para sa aming dalawa ni Nico, ang mga nangyayari sa totoong buhay ay ang mga napapanood lang namin sa telebisyon. Sa mga oras na ito, pilit naming ginagaya ang isa sa mga eksenang aming napanood. Nagpanggap akong pulis samantalang kunyari ay kawatan naman si Nico.

"Hoy, Nico! Sumuko ka na. Napalilibutan na kita," halkhak ko. Nakataas ang aking kamay gamit ang maliit na sangang hawak ko habang nasa likod ng puno.

"Tanga! Isa ka lang, paano mo ako papabilibutan?" bulol na sigaw ni Nico habang sinisipon pa sa likod ng puno. Mayroon siyang hawak na manipis na kahoy na binali namin upang mag hugis baril.

"Bulol! Ang baho ng hininga mo, tumatagos sa puno!" pagtukso ko sa kanya. Hindi namin magawang maging seryoso dahil natatawa kami sa mga pinagsasabi namin.

"Hindi mo ako mahuhuli. Magpadala ka ng isang sampung piso kung gusto mong pakawalan ko ang mga hostage," udyok ni Nico. Nilaliman nito ang kanyang tono upang gayahin ang mga kontrabida sa telebisyon.

"Time first! Teka lang, bakit may hostage?" tanong ko. Biglang akong napalabas sa tinataguan ko at humarap kay Nico. Lalo akong natawa nang makita ko ang seryoso niyang mukha na tila alam niya ang mga pinagsasabi niya.

"Eh, iyon ang napanood ko sa T.V., eh," paliwanag ni Nico. Ang dungis ng mukha nito at may natuyo pang sipon sa kanyang pisngi.

"Okay. Tapos, bakit isang sampu lang ang hinihingi mo?" pagtataka kong muli.

"Eh, hindi ba iyon ang pinakamahal? Iyon kasi ang pinaka malaking binibigay sa akin ni Daddy, eh," paliwanag ni Nico habang sinusubukang magbilang sa daliri nito.

Natatawa na ako sa itsura niya. Inipit niya ang kahoy sa kanyang kilikili habang nagbibilang gamit ang maliit niyang mga daliri. Halatang hindi pa pamilyar si Nico sa mga salapi.

Nagtatawanan kami at nagpatuloy sa paglalaro nang biglang mahulog si Kuya Adam sa gilid ng puno.

"Oops!" sigaw ni Kuya Adam nang magawa nitong bumagsak sa kanyang mga paa. Napatingin ito sa pamilyar na tanawin sa kanyang harapan. Nakataas pa ang kanyang mga kamay sa langit habang pinagmamasdan ang malawak na dagat. "Yes, my favorite place!"

"Kuya Adam!" sabay naming tawag ni Nico. Pareho kaming napayakap nakahubong binatang matiyaga naming hinintay. Mabilis na napaupo si Kuya Adam at tinakpan ang harapan niya.

"Mamaya na ang yakap. Noah, may dala ka bang damit ko?" tanong ni Kuya Adam.

Nginitian niya ako habang pinanggigigilan ang aking mga pisngi. Muli siyang napatingin sa mga dahon sa itaas namin. Pumikit siyang saglit habang humihinga nang malalim.

"Ito po, oh." Mabilis kong inabot ang bag na dala ko. Hinawakan ko si Nico na muling binalikan ang pagbibilang ng kanyang mga daliri. "Nico, tara. Doon muna tayo. Magbibihis lang si Kuya Adam."

Matapos ang ilang minuto ay natapos sa pagbihis si kuya. Lumapit ito sa amin ni Nico na nakaupo sa likod ng puno. Abala si Nico sa pagaayos ng kanyang baril na yari sa kahoy habang ang nakuha kong sanga ay sapat na para sa akin.

"Anong ginagawa ninyo?" tanong ni Kuya Adam.

Lumuhod ito upang mas mausisa ang mga ginagawa namin ng aking pinsan. Sinimulan niyang haplusin ang magulong buhok ni Nico.

Ark and Apple (Published Under Pop Fiction)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon