Chapter Three

445 9 0
                                    


MAAGANG dinalaw ni Ramonchito ang puntod ng kanyang ina. Dinalhan niya ito ng paborito nitong puting rosas at pagkatapos ay umusal siya ng panalangin.
"I wish you were still here, Mama," pabulong niyang sabi. "Kung naririto lang sana kayo ay hindi ako mahihirapan nang husto sa pagkawala ni Rafaela."
A year ago ay namatay si Betina, ang kanyang ina, dahil sa cancer of the liver. Marahil ay kasama na sa mga naging paghihirap nito nang nabubuhay pa ang kabiguan sa pag-ibig. Iisang lalaki lang ang inibig nito nang totoo at iyon ay walang iba kundi ang kanyang ama, si Dr. Saturnino Valdez, na siya ring ama ni Theodore.
Naging doktor ng kanyang ina ang kanyang ama sa isang ospital. Nang niligawan nito ang kanyang ina ay inilihim nito ang katotohanang may-asawa na ito. Huli na nang malaman ni Betina na pamilyadong tao si Saturnino. May isa na itong anak at kasalukuyang dinadala ng asawa ang ikalawang supling. Ngunit buntis na rin noon ang kanyang mama.
"Abortion ang naisip kong solusyon noon," minsan ay ipinagtapat ng kanyang ina habang nakaupo sila sa garden set at pinagmamasdan ang bahay na katatapos lamang niyang ipatayo para dito.
"Masamang-masama ang loob ko noon sa paglilihim ng papa mo sa tunay niyang pagkatao," pagpapatuloy nito habang nakaguhit ang pait sa magandang mukha. "I was three months pregnant when I learned that he is married. And when I told him I'm pregnant, tinalikuran na niya ako dahil natakot siyang baka ikasira iyon ng pamilya niya.
"Nagdesisyon akong apelyido ko ang ipagamit sa 'yo. Ipinangako ko sa aking sarili na gagawin ko ang lahat upang gumanda ang kinabukasan mo. So, this is it." Nakangiting tiningnan siya nito. "You're a good engineer now. At ngayon pa lang ay alam ko nang malayo pa ang mararating mo. I'm so happy to have you, son."
Napangiting niyakap niya ito. Professor ito sa Ateneo de Manila University. Magaling ding sales agent ng isang kilalang insurance company kaya napag-aral siya ng engineering sa Mapua. May mga sandaling nahirapan din sila sa kanilang pamumuhay, ngunit nakakaraos din sila kahit papaano.
Right after graduation ay pumasok siya sa isang engineering firm. Hindi naman siya nahirapan dahil sa kanyang magandang scholastic records. Sa simula pa lang ay nakita na ang kanyang potentials kaya mabilis ang kanyang pagsulong hanggang sa ma-promote siyang head engineer. Malaki ang kinikita niya sa bawat proyektong napupunta sa kanya.
Sa kabila ng tagumpay na iyon ay nanatili sa kanyang dibdib ang poot niya sa amang si Saturnino Valdez. Maraming taon ang lumipas bago sila nito ipinahanap. Yumao na ang kanyang ina nang matagpuan siya si Saturnino. Sa simula ay naging matigas siya sa kabila ng paghingi nito ng tawad.
Kailan lamang nagdesisyon si Ramonchito tanggapin sa kanyang buhay ang kanyang ama at ang legal na pamilya nito. Si Theodore ang matiyagang nakiusap sa kanya. Ito rin ang tumulong sa papabagsak na kabuhayan ni Rafaela. Ngayon ay pag-aari na rin nito ang puso ng dati niyang kasintahan, subalit wala naman siyang nadaramang galit para sa kapatid. Nang talikuran niya ang dating kasintahan ay ito ang pumuno sa mga pagkukulang niya sa babae.
"Bye, 'Ma," nang matapos ang pagbabalik-gunita ay paalam ni Ramonchito sa puntod ng kanyang ina. "I have to move on. Pero gusto kong makalimutan muna nang ganap si Rafaela. I'm leaving kaya hindi muna kita madadalaw sa mga susunod na araw." Pagkasabi niyon ay mabagal na niyang tinungo ang kinapaparadahan ng kanyang sasakyan.
LIWANAG na nagmumula sa sikat ng araw ang gumising kay Bridget nang umagang iyon. Sapo ang masakit na ulong umupo sa kama siya at sumandal sa headboard. Napangiti siya nang maalala si Ramonchito. Kinapa niya ang kanyang mga labi. Ang tanging natatandaan niya kagabi ay ang mga halik nito. Sapat na iyon upang isipin niyang okay na uli sila ng binata.
Naisip ni Bridget na tawagan ito sa bahay.
"Nakaalis na po si Kuya," pagbabalita ng nakasagot na maid. "Magbabakasyon daw po siya. Hindi po sinabi kung saan dahil ayaw niyang maistorbo at hindi ko rin po alam kung kailan siya babalik. Baka po matagalan."
Parang binagsakan ng langit si Bridget sa narinig. If everything was okay between them, hindi aalis si Chito nang walang pasabi. Isasama siya nito kung saan man ito pupunta. But, no. Everything was not really okay. Pilit lang niyang pinaniniwala ang kanyang sarili, ngunit ang totoo ay hindi siya magugustuhan ni Ramonchito dahil si Rafaela pa rin ang talagang mahal nito.
Sa naisip ay hindi na naman niya napigilan ang pagluha. Namalayan na lamang niya ang sariling idina-dial ang numero ng telepono ng kaibigang si Demie. "Let's have a party," luhaang sabi niya nang sumagot ito.
"Bridget!" excited na bulalas nito. "Welcome back!"
Isa si Demie sa mga kasa-kasama niya noon sa mga disco houses, bars at maging sa inuman at kalokohan. In short, bad influence. Kasing-edad niya ito. Produkto ng broken family kaya nalulong sa barkada at bisyo.
Ngunit ngayon ay wala nang dahilan upang patuloy siyang magpakahibang sa isang lalaking imposibleng magkaroon ng pagtingin sa kanya. She had to go back to her past life. Iyon lamang ang tanging paraang alam niya upang maibsan ang paghihirap ng kalooban niya nang mga sandaling iyon.
ABURIDO si Bridget habang nakaupo sa corner table sa isang restaurant sa Timog nang hapong iyon. Walang signal ang cell phone niya kahit saan siya pumuwesto. Sa tapat niya ay iiling-iling na nakamasid lamang si Demie.
"Dead spot," pagkaraa'y saad ni Demie. "Nag-aaksaya ka lang ng panahon."
"Pa'no malalaman ni Carla na kanina pa namumuti ang mga mata natin sa kakahintay dito?" kunsumidong tanong ni Bridget na ang tinutukoy ay ang isa pa nilang kaibigan. "Akala ko ba'y ipinaalala mo sa kanya na mag-iinuman tayo sa rest house ni Gel sa Tagaytay mamaya? Do you know what time is it?" Sumulyap siya sa relo. "Five thirty. Anong oras pa tayo makakarating sa Tagaytay nito?"
"Ewan ko ba sa babaeng 'yon," ani Demie. "Lasing yata kagabi kaya hindi naintindihan ang mga sinabi ko."
Tumayo siya at iniwan ito.
"O, saan ka pupunta?" tanong ni Demie at sumunod sa kanya.
"Sa labas ako tatawag. Baka may signal." Natagpuan ni Bridget ang sarili sa parking lot. Network busy nang network busy pa rin. "Shit!" sa inis ay naibulalas niya, sabay hagis ng cell phone. Bumagsak iyon sa walang bubong na likod ng isang Ford F150.
Walang alinlangang umakyat si Bridget sa sasakyan at kaswal na dinampot ang cell phone niyang bumagsak sa sahig ng Ford. Pagbaba niya ay saka pa lamang niya narinig ang isang baritonong tinig mula sa kanyang likuran.
"I saw what happened," sabi ng lalaking may pamilyar na boses. "Hindi mo ba alam na puwede kang idemanda sa ginawa mong ito?"
Hindi niya alam kung nagkataon lang o talagang kilala niya ang nagmamay-ari ng boses. Nakumpirma ang katanungan sa kanyang isip nang humarap siya at makita ang guwapong lalaki. Paano ba niya makakalimutan ang mga matang iyon? Ang matangos na ilong? Ang mga labing pinanabikan niyang muling mahagkan. How could she ever forget the man of her dreams? Could she ever forget Ramonchito Roa?
Ilang sandali siya nitong tinitigan. Alam niyang hindi siya nito kaagad namukhaan dahil mistula siyang pangkista sa kanyang hitsura. Makapal ang makeup niya. Napapaligiran ng itim at makapal na eyeshadow ang kanyang mga mata. Malaking dangling earrings ang nakasukbit sa kanyang mga tainga. Naninigas sa spray net ang buhok niya. At ang suot niya ay isang tube top at miniskirt na parehong kulay-itim.
"B-Bridget?" pagkaraa'y saad ni Ramonchito.
Taas-noo niya itong tiningnan. Dalawang buwan na pala ang nakalilipas mula nang huli niya itong makausap. Iyon ang gabing nalasing siya at ihatid nito sa bahay nila. Ilang araw pagkatapos niyon ay nalaman niyang lumipad ito patungo sa London, para puntahan ang kaibigan nitong doon nagtatrabaho.
Muli nitong pinagmasdan ang kanyang kabuuan, pagkuwa'y nakakunot-noong tinapunan ng tingin ang Ford kung saan bumagsak ang kanyang cell phone. "This is my car. Kung anuman ang sama ng loob mo sa buhay, huwag mong idamay ang sasakyan ko!"
"Oh!" Nakataas-kilay na tiningnan ni Bridget ang Ford, pagkuwa'y nang-iinis ang reaksiyon ng mukha na muling hinarap si Ramonchito. "May damage ba? Wala naman, ah. Pero kung ipagpipilitan mo sa akin na nasira ko ang kotse mo, fine. Sabihin mo sa akin kung magkano ang damage at babayaran ko! Or if you want, papapalitan ko ng mas bago at mas magara!"
Nakangiti lamang si Demie habang nakamasid sa kanila na para bang aliw na aliw pa sa bangayan nila.
"So, Mister, magkano ba ang kailangan mo?" nakapamaywang niyang tanong. "Say it now at nagmamadali ako."
"I don't need your money," malamyang sagot nito. "Hindi ko lang nagustuhan ang ginawa mo. It's a stupid thing to do, you know? Sinong matinong tao ang walang pakundangang maghahagis ng cell phone sa sasakyan ng iba at pagkatapos ay walang paalam na aakyat doon upang kunin ito?"
"Ako lang naman! And so what?"
"You're still the same Bridget I had met months ago," kunot-noong sagot ni Ramonchito. "And I'm sure, halos mamatay na naman sa kunsumisyon sa 'yo ang mga magulang mo!"
"Kung wala ka nang reklamo, adios!" malakas niyang sabi bago mabilis na umalis. Sumakay na siya sa kanyang kotse kasama si Demie at pinaharurot iyon palabas ng parking lot.
"HE'S STILL handsome," kinikilig na saad ni Demie habang lulan ng kotse ni Bridget.
Nang kasintahan pa ni Bridget si Ramonchito ay naipakilala na niya ang lalaki sa kanyang mga kaibigan. Marami sa mga iyon ang nagka-crush sa lalaki. Subalit noon pa man ay lantaran na ang pagkainis ni Ramonchito sa mga kaibigan niyang funks, spoiled brats at sa tingin nito ay mga walang ambisyon sa buhay.
"Pumayat lang siya nang kaunti pero guwapo pa rin talaga," dagdag pa ni Demie.
Deretso lang ang tingin ni Bridget sa daan. Lalo pang nasira ang mood niya nang makita si Ramonchito. Hindi na niya hinangad na muli itong makita. Hindi ganoon kadaling kalimutan ang natatanging lalaking pinagtuunan niya ng pagmamahal at atensiyon. Ngunit gusto niyang mapalitan ng pagkamuhi ang kung anumang nadarama niya para dito.
"Sayang... ang pangit mo ngayon. Hindi ka niya magugustuhan," patuloy na sabi ni Demie.
Biglang pumreno nang mariin si Bridget, dahilan para halos sumubsob ang mukha ni Demie sa dashboard. "Will you stop mentioning that man!" inis niyang sabi.
"What's your problem ba?" kunot-noong tanong nito. "Kunwari ka pa raw na limot mo na si Chito, but until now ay mahal mo pa rin siya."
"I said, I don't want to hear anything about him!" Halos mabingi si Demie sa lakas ng pagkakasabi niya ng mga salitang iyon. "For me, he's dead! He's dead!"
Natigilan si Demie.
"Ayoko na siyang makita!" patuloy na sabi ni Bridget habang bahagyang binabayo ng nakakuyom na mga kamay ang manibela. "I don't want to see his face anymore! I hate him! I hate him!"
"All right," bumaba ang boses na saad ni Demie. "From now on, I won't mention his name anymore. Umalis na tayo. Pumunta tayo sa lugar na gusto mo. Puwede naman nating daanan na lang sa kanila si Carla para marami tayo."
"I hate him!" patuloy pa rin niyang sabi bago pinatakbo nang mabilis ang kotse. Hindi na naman naalis sa isip niya si Ramonchito.
NANG umuwi si Ramonchito nang gabing iyon mula sa kanyang trabaho ay naratnan niyang naghihintay sa living room sina Don Alfredo at Doña Antonietta del Rio.
"Alam naming pagod ka at kailangan mo ng pahinga," panimulang saad ni Doña Antonietta. "Pasensiya ka na kung naistorbo ka namin, hijo. But we need your help right now."
"Tungkol ho saan?" tanong niya.
"T-tungkol sa aming anak," sagot ni Don Alfredo. "Kay Bridget. Pinuntahan ka namin dito noon upang muling pakiusapan na sana'y pakisamahan mo pa rin siya nang maayos ngunit nalaman na lamang namin na umalis ka. Sa dalawang buwan na pagkawala mo ay napakaraming nangyari, hijo."
"At muli kaming makikiusap sa 'yo ngayon, Chito." Nagsusumamo ang tinig na iyon ng doña. "Bridget is ruining her life. Habang lumilipas ang mga araw ay palala siya nang palala. She is not listening to us anymore. We cannot do anything to change her. Minsan mo na siyang napagbago kaya alam naming ikaw lamang ang muling makakapagpabago sa kanya ngayon."
Napabuntong-hininga siya. Bumalik siya sa Pilipinas na umaasang magkakaroon na siya ng katahimikan. Ngunit kung ano ang problemang iniwan niya ay siya rin palang sasalubong sa kanya pagbalik niya.
"Chito, tatanawin naming malaking utang-na-loob sa 'yo kung mapagbabago mo si Bridget," dagdag na pakiusap ni Don Alfredo. "Kasalanan namin kung anumang nangyayari sa kanya. She's too young to deserve all these. Hindi dapat masira ang buhay niya sa piling ng kanyang hindi mabubuting barkada. Kailangan niya ng isang katulad mo na gagabay sa kanya palabas sa kinaroroonan niya ngayon."
"You are her parents," he reminded them. "Hindi ba't dapat kayo ang umaakay sa kanya sa tamang direksiyon?"
"We failed," seryosong pag-amin ng don. "Nagsisisi kami kung bakit mas pinili naming ituon ang aming oras at panahon sa negosyo kaysa sa paggabay sa kaisa-isa naming anak. It was too late when we realized our mistake. And now we could no longer change Bridget. Help us, Chito. Please?"
"What can I do?"
"Ikaw lamang ang pakikinggan ni Bridget," ani Doña Antonietta. "We're very sure of that."
"Kung hihingin n'yo sa akin na ligawan ko siya at—"
"No, hijo," putol ni Don Alfredo. "Just be a friend to our daughter. I think it would be enough. Kailangan niya ng isang kaibigang matino at nakahandang makinig sa mga gusto niyang sabihin at handang magpaliwanag ng mga bagay na gusto niyang maintindihan."
"Pag-iisipan ko ho ang sinabi ninyo," saad niya pagkaraan ng sandaling katahimikan. "Pero hindi ho ako nangangakong kaya kong ilabas si Bridget sa kinaroroonan niya ngayon. May problema rin ako. Hangga't hindi natatapos ang problema ko sa sarili ko ay hindi ako makakatulong sa problema ng iba."
Gayunman ay nasiyahan na rin ang dalawang matanda sa pag-asang ibinigay niya sa mga ito. Nang makaalis ang mga ito ay saka lamang nakapagpahinga si Ramonchito sa kanyang silid. Ilang sandali niyang pinag-isipan ang sinabi ng mag-asawang del Rio. Mayamaya'y tumunog ang telepono sa bedside table.
"Chito," sabi ng lalaki sa kabilang linya na hindi kaagad niya nabosesan.
"Yes, who's this?" tanong niya.
"Froilan Escarrion."
"Froilan?" tanong niya. "Kailan ka pa dumating?" Isa itong dating kaibigan na matagal din niyang hindi nakita dahil nagtungo sa ibang bansa upang mag-aral.
"Yesterday. Akala ko nga'y wala ka na diyan sa Filinvest, eh. Nandito ako sa hacienda ni Lola Ursula. I wish you could visit me here. Lola Ursula is in Cebu right now and my brother is busy with politics. Magbakasyon ka naman dito para makapagkuwentuhan tayo."
"Sure. Hayaan mo, 'pag may time, magba-bakasyon ako diyan."
Matagal-tagal din silang nag-usap bago nagpaalam si Froilan. Pagkaraa'y gumiit na naman sa isipan ni Ramonchito ang hitsura ni Bridget. Sa tingin niya ay lalo ngang lumala ang kalokohan nito. Paano kung kabilang siya sa mga dahilan ng ipinagkakaganoon ng dalaga? Paano kung may mangyaring masama rito? Patahimikin kaya siya ng kanyang konsiyensiya?
Napabangon siya at napatutop sa noo. Pagkaraan ng ilang sandaling pag-iisip ay idinayal niya sa cell phone ang mga numerong ibinigay sa kanya nina Don Alfredo at Doña Antonietta. Marami siyang itinanong sa mga ito bago siya nagpaalam. Pagkatapos ay nagbihis siya at muling lumabas ng bahay.

The Bachelors 04: Ramonchito; The Engineer By Elizabeth McbrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon