KINABUKASAN ay maagang nagising si Bridget. Excited siyang bumangon, naligo at isinuot ang isa sa mga damit na binili ni Ramonchito para sa kanya. Inayos din niya nang husto ang kanyang sarili. Pagkatapos ay nagtungo siya sa kusina. Hindi niya nakita ni anino nito o ni Froilan.
Nagulat na lamang si Nana Amparo nang makita siya. "Sino ka?"
"Nana Amparo naman," napangiting sabi ni Bridget. "Nag-iba lang ho ako ng ayos ay hindi na ninyo ako nakilala."
"Ma'am Bridget?" hindi makapaniwalang tanong nito.
"Ako nga ho," natatawang sagot niya.
"Pasensiya ka na, hija. Nanibago lang ako sa hitsura mo ngayon. Mas bagay pala sa 'yo ang simpleng ayos. Nagmumukha kayong addict pag itim ang lagi n'yong suot at ang kapal-kapal pa ng makeup. Akala ko nga'y addict kayo, eh. Mabuti na lang at sinabi sa akin ni Sir na hindi naman pala."
"Nasa'n nga pala si Froilan?" tanong niya gayong ang hinahanap ng puso niya ay si Ramonchito.
"May inasikaso sa rancho. May bibili yata ng mga kabayo. Si Sir Chito naman ay hindi pa bumababa. Napuyat yata kagabi, eh."
Napalunok siya nang maalala ang pagtatalo nila kagabi ni Ramonchito. Mayroong kabang dumapo sa dibdib niya nang maalalang nangako itong ihahatid na siya sa Maynila. Ipinagdasal niyang sana ay magbago ang isip nito.
"Naku, ang aga mo namang nagising, hija," pagkuwa'y saad nito. "Hindi pa ako nakakapagluto ng almusal ninyo!"
"Puwede ho bang turuan na lang n'yo ako at ako na lang ang magluluto?"
"H-ha?"
"Sige na ho, Nana Amparo," pakiusap niya. "Gusto ko lang ho talagang matutunan ang mga gawaing-bahay."
"Balak mo nang mag-asawa, ano?" tanong nito habang iniaabot sa kanya ang itlog.
"Hindi ho. Gusto ko lang hong malibang. Ano nga ho pala ang gagawin ko sa itlog na ito?"
"Eh, di lulutuin mo," sagot nito.
"Oo nga ho pala. Pa'no na nga ho?"
Napapangiting sinimulan siya nitong turuan.
TINANGHALI ng gising si Ramonchito dahil sa kakaisip ng kung ano-anong bagay. Nagpaantok lang siya sa pamamagitan ng pag-inom ng alak. Nang pumanaog siya ay may nakahanda nang almusal sa lanai table. Kakain na lang siya nang makitang medyo sunog ang ham, basag ang pula ng itlog na sunny-side up ang pagkakaluto at puro bawang ang sinangag na kanin.
"Nana Amparo!" malakas na tawag niya.
Humahangos na lumapit ang matanda. "Sir Chito?"
"Mukha ho yatang pumalpak kayo ngayon sa pagluluto, ah?" pabirong sabi niya.
"Naku!" Napatampal ito sa noo. "Diyata't hindi rin marunong magprito si Ma'am Bridget?"
"Ano 'kamo?"
"Eh, kasi ho, si Ma'am Bridget ho ang nagboluntaryong magluto niyan," isplika ni Nana Amparo. "Nagpaiwan na ho siya sa kusina matapos kong sabihin sa kanya kung ano ang mga iluluto dahil ang sabi niya ay kaya na raw ho niya."
Napatango siya sa narinig. Gayunman ay hindi siya nakaramdam ng pagkainis kay Bridget. Parang ikinatuwa pa niya ang bagay na iyon. "N-nasa'n ho siya, Nana Amparo?"
Inginuso nito si Bridget sa garden. Ganoon na lamang ang gulat ni Ramonchito nang makita itong nag-i-spray ng mga orchids. Subalit hindi lang iyon ang nagpagulat sa kanya. Kakaiba ang ayos nito!
She was wearing a pink sundress na lampas tuhod ang haba. Tinernuhan nito iyon ng isang simpleng pares ng sandals. Ang mahabang buhok na madalas ay nakikita niyang naninigas sa spraynet ay malayang nakalugay sa likod ng batok nito. Itim na itim iyon at smooth na smooth tingnan. Parang kay sarap haplusin.
Nang humarap ito at tumingin sa direksiyon niya ay para siyang nakakita ng diyosa. Diyosa ng kasimplehan, ngunit diyosa ng kagandahan. Wala na ang makapal na makeup nito. Wala na ang fiery red lipstick. Wala siyang nakitang anumang burloloy sa katawan nito. She looked very simple... very innocent... very beautiful! He couldn't take his eyes off her.
"Sir, magluluto na lang ho ulit ako," untag ni Nana Amparo sa pananahimik niya. "Ano ho ba ang gusto n'yo?"
Hindi na narinig ni Ramonchito ang sinabi nito dahil sa kagandahang nakikita. Lalo pa nang ngumiti si Bridget habang tinatangay ng sariwang hangin ang mahaba nitong buhok. She was so plain yet so pretty.
Napakaaliwalas nitong tingnan katulad ng naggagandahang bulaklak sa garden. Sa isang iglap ay parang tinangay na rin ng hangin ang mga bagay na gumugulo sa kanyang isip nang mga nagdaang araw.
"Sir?" muling ng katulong. "Sir?"
Saka lamang siya parang natauhan. "'Di bale na lang, Nana Amparo," pagkuwa'y saad niya. "Okay na ho sa akin ang mga 'to."
"Sigurado ho kayo?"
Tumango siya at nagsimulang kumain. Maalat ang itlog. Ngunit wala roon ang pansin niya kundi sa magandang babae sa garden.
NAKITA ni Bridget si Ramonchito na nakatingin sa kanya. Bigla siyang nailang. Marahil ay dahil nakita niya itong kinakain ang mga palpak na niluto niya. Iniwan niya ang ginagawa at nagtungo sa poolside. Naupo siya roon habang nakalubog ang mga paa sa malinaw na tubig ng swimming pool. Kumabog ang dibdib niya nang makita ang reflection ng lalaki sa tubig.
Si Ramonchito.
"Hindi ko alam na marunong ka palang magluto," mahinang sabi nito.
"Nang-iinsulto ka ba?" kunwa'y mataray niyang tanong. "Bakit hindi mo na lang sabihing palpak akong magluto?"
"I understand na hindi mo 'to laging ginagawa kaya hindi ka pa sanay." Namalayan na lamang niyang nakaupo na ito sa tabi niya. May ilang sandaling namayani ang katahimikan bago ito muling nagsalita. "You look good."
Lalo siyang nakaramdam ng pagkailang. Hindi na niya nagawang tumingin dito dahil baka mahalata nito ang pamumula ng kanyang mukha.
"How do you find this place?" pagkaraa'y tanong nito.
"M-maganda," tipid niyang sagot.
"Kahit boring?"
"I thought it was, but it isn't," matapat niyang saad. "There are lots of beautiful spots here. Masarap mamasyal. Mabait si Nana Amparo. Ngayon pa lang ay may natutunan na ako sa kanya." Above all, kasama kita, dugtong niya sa isip.
"Gusto mo bang mamasyal?" tanong ni Ramonchito. "Sasamahan kita."
"F-fine with me," sagot ni Bridget.
"Let's go."
Hinawakan siya nito sa kamay at inalalayang makatayo. Pakiramdam ni Bridget ay may koryenteng tumulay sa katawan niya sa pagkakalapit nilang iyon. Hindi mapigilan ang pagkabog ng kanyang dibdib. Masayang-masaya siya. Lalo na't hindi nila napag-usapan ang balak ni Ramonchito na ihatid siya sa Maynila nang araw na iyon.
NAGULAT si Froilan nang makitang magkasama sina Bridget at Ramonchito. Katatapos lamang makipag-deal ni Froilan sa isang kliyente sa rancho. Pinagmasdan nitong mabuti ang bagong ayos ni Bridget. Maging ito ay hindi makapaniwala na ganoon siya kaganda.
"Gusto ba ninyong mangabayo?" tanong ni Froilan nang makalapit sila.
Umiling si Bridget. "I don't know how."
"Marunong ako," agaw ni Ramonchito. "Tinuruan ako noon ni Froilan."
"Don't worry, hindi salbahe ang mga kabayo rito." Pagkasabi niyon ay nagpakuha si Froilan ng isang kabayo sa tauhan.
Inalalayan naman ni Ramonchito si Bridget na makasakay sa kabayo.
"Talaga bang marunong ka?" nag-aalalang tanong ni Bridget.
Tumango ito. "Don't worry, hindi kita pababayaan."
Parang humaplos sa puso niya ang sinabi nitong iyon. Ilang sandali pa'y nakasakay na rin ito sa kabayo.
"Wait!" pigil ni Froilan nang akmang patatakbuhin na ni Ramonchito ang kabayo. Hinawakan nito ang nakasukbit sa leeg na camera at pumormang kukuhanan sila ng litrato. "Smile!" Nakailang shots ito bago sila pinayagang makaalis.
Napatili si Bridget nang tumakbo ang kabayo. Wala siyang nagawa kundi ang yumakap kay Ramonchito mula sa likuran nito.
"Relax," natatawang saad nito. Lumingon ito sa kanya kaya halos magdaiti na ang kanilang mga mukha. Noon lamang niya nakita ang matamis na ngiting iyon sa mga labi nito. Noon lamang. Pakiramdam niya ay siya na ang pinakamaligayang babae sa buong mundo.
Banayad lang naman ang pagpapatakbo nito. Kung saan-saan sila nakarating. Sa tuwing mapapadaan sila sa tapat ni Froilan ay agad naman sila nitong kinukunan ng litrato.
Natapos ang araw na iyon na masayang-masaya si Bridget.
NANG gabing iyon ay hindi mapakali si Bridget sa kanyang silid. Papihit-pihit siya sa higaan na hindi malaman ang gagawin. Gusto niyang manigarilyo, subalit ipinagbawal na iyon sa kanya ni Ramonchito; at ayaw niyang iyon pa ang maging dahilan upang muli itong magalit sa kanya.
Nang hindi pa rin makatulog ay minabuti niyang bumaba ng bahay. Dinala siya ng kanyang mga paa sa kusina. Nakakita siya ng imported chocolates sa refrigerator at iyon na lamang ang pinapak niya habang nagpapahangin sa veranda.
"Hindi ka rin ba makatulog?" Tinig iyon ni Ramonchito. Sa sinabi nito'y nahimigan niyang ito man ay hindi rin dalawin ng antok. Nang pumihit siya paharap dito ay nakita niyang may hawak itong kopita ng alak habang nakatayo sa sliding door ng veranda.
Nahihiyang tumango siya, sabay ngiti.
"Problema?" tanong nito at naupo sa balustre.
"Honestly, tensiyonado ako na hindi ko maintindihan," matapat niyang sagot. "At ang tanging nakakapagpaalis ng tensiyon ko ay cigarettes. Pero hindi mo naman ako papayagang manigarilyo, hindi ba? Besides, I really want to quit smoking now."
Tila nasiyahan ito sa sinabi niya. "Kaya pala nagtiyaga ka na lang sa chocolates?"
"Good substitute," aniya. "Ikaw? Ba't hindi ka rin makatulog?"
"Honestly, hindi ko rin maintindihan," nakangiting sagot nito.
"Still thinking of Rafaela?" hindi niya napigilang tanong.
Pumormal ito.
"I'm sorry," napapormal din niyang saad.
Hindi man nito sabihin ay batid niyang nasa isip at puso pa rin nito ang dating kasintahan. Alam niyang hindi ganoon kadaling kalimutan ang isang taong naging malaking bahagi ng buhay nito. Katulad ng walang kamatayang pag-ibig niya para dito.
"I-I think I should go to bed now," mahinang sabi niya. Hindi na niya muling narinig ang tinig nito hanggang sa makapanhik siya sa hagdan.
BINABASA MO ANG
The Bachelors 04: Ramonchito; The Engineer By Elizabeth Mcbride
Romance"You seem so sad, Bridget, but I'm here to make you happy." At napangiti siya nang makita ang guwapong mukha nito. Ramonchito Roa-A successful engineer. A dedicated and responsible man. A bachelor. Isang babae lamang ang minahal nito sa tanang buhay...