Chapter Six

401 6 0
                                    

HINDI gaanong nakapagkuwentuhan sina Ramonchito at Froilan sa harap ng komedor dahil sa presensiya ni Bridget. Pagkatapos kumain ay bumalik na sina Ramonchito at Froilan sa kanya-kanyang silid.
"Bukas na lang natin ipagpatuloy ang balitaan natin, pare," sabi ni Froilan bago pumasok sa silid nito. "It's too late at alam kong pagod kayo sa biyahe."
"Thanks, pare," sabi ni Ramonchito.
Kasama na uli ni Bridget si Ramonchito sa iisang silid. Naupo si Bridget sa gilid ng kama na hindi alam kung ano ang gagawin. Nagtungo naman si Ramonchito sa veranda at narinig niyang tinawagan nito sa cell phone ang kanyang mga magulang. Sa wakas ay may signal doon at kaagad itong naka-contact.
"Kasama ko ho ngayon si Bridget," pagbibigay-alam ni Ramonchito sa mag-asawang del Rio. "Nasa isang hacienda kami. But don't worry, we're fine here. First thing in the morning ay luluwas ako para kumuha ng mga gamit. Nais ko lang siyang ilayo sa mga kaibigan niya."
Marahil ay hindi na nag-alala ang mga magulang ni Bridget nang malamang si Ramonchito ang kasama niya kaya tinapos na ng binata ang pakikipag-usap. Bumalik ito sa loob ng silid.
"If you want to talk to your friends, get this phone here." Nakangiting isinilid nito ang cell phone sa loob ng pantalon.
"Bastos!" nanggagalaiti niyang sigaw. Lalo pa nang wala siyang makitang telepono sa loob ng silid.
"Well, for now ay wala tayong mga gamit, so we'll sleep in this outfit."
"And don't tell me na magkasama tayo sa kuwartong ito!" Nanlaki ang mga mata ni Bridget. Matagal na silang naroroon ngunit noon lamang niya naisip ang bagay na iyon. Marahil ay dahil sa gusto niya ang ideyang iyon. Makakasama niya sa iisang silid ang lalaking tanging minahal niya. Pinagalitan niya ang sarili sa isiping iyon. Nangako siya sa sariling hindi na muling magpapakabaliw kay Ramonchito. At tutuparin niya iyon.
"Baka akala ni Froilan ay magnobyo tayo," isplika ni Ramonchito.
"Eh, di sana'y sinabi mong hindi!"
"Nawala sa isip ko. Bukas na lang." Dinampot nito ang isang unan sa kama at inilagay sa couch. "I'll sleep here. So walang iistorbo sa 'yo d'yan habang natutulog ka."
"Hindi ako sanay matulog na may kasama sa kuwarto," pagmamaktol ni Bridget.
"Really? Bakit nung minsang nalasing ka ay natulog ka sa kuwarto ko?"
Namula siya sa pagkapahiya. "Lasing ako no'n!" mataray niyang pagtatanggol sa sarili. "Wala ako sa sarili ko." Pagkasabi niyon ay nagtungo siya sa bathroom.
NANG lumabas si Bridget mula sa bathroom ay nakahiga na si Ramonchito sa couch; mukhang nakatulog kaagad dahil sa pagod sa biyahe. Naupo si Bridget sa kama at pinagmasdan ang maamong mukha ng lalaki. Gusto niya iyong haplusin katulad ng dati. Gusto niyang halikan ang maninipis nitong labi.
Iisa lang ang ibig sabihin niyon. Mahal pa rin niya si Ramonchito. Kunsabagay, hindi sapat ang dalawang buwan nilang pagkakahiwalay para mawala ang pag-ibig niya para dito. Ang lahat ng iyon ay pinagtatakpan lamang niya sa pamamagitan ng pagtataray. At sana ay huwag matalo ng kanyang damdamin ang hangarin niyang ilibing ito sa limot. Kahit alam niyang imposibleng mangyari iyon lalo na't kasama na naman niya ito.
Subalit ano nga ba ang ibig sabihin ng mga ginagawa ni Ramonchito? Hindi lamang ba nito matanggihan ang kanyang mga magulang? O, may iba itong rason? Kung anuman iyon ay natitiyak niyang hindi iyon dahil sa nahuhulog na rin ang loob nito sa kanya. Imposibleng mangyari iyon lalo pa sa sitwasyon niya. Batid niyang lalo lamang siya nitong hindi nagustuhan.
Puwede ba, tigilan mo na ang kakaisip sa istupidong lalaking 'yan!
Nahiga si Bridget sa kama na nag-iisip pa rin. Malapit na siyang dalawin ng antok nang istorbohin siya ng malakas na paghilik ni Ramonchito. Ginawa na niya ang lahat upang hindi iyon marinig. Tinakpan niya ng unan ang magkabila niyang tainga. Nagtalukbong siya ng kumot. Ngunit nanatiling malakas sa pandinig niya ang paghilik.
Nang hindi na makatiis ay bumangon si Bridget at walang sabi-sabing pinaghahampas ng unan ang mukha ni Ramonchito. Sa lakas ng mga hampas niya ay naalimpungatan ito at napabalikwas ng bangon.
"What is going on?" pupungas-pungas nitong tanong.
"What is going on?" balik-tanong niya habang nakapamaywang. "Hindi lang naman ako makatulog dahil ang lakas mong maghilik. Ang ingay-ingay mo! Nakakaistorbo ka!"
"All right," kunot-noong saad nito. "I'll try not to snore again," puno ng sarkastikong sabi nito. Halatang nang-iinis.
"Dapat lang! Dahil oras na narinig ko pa ulit 'yang snoring mo, hindi na unan ang ihahampas ko sa 'yo!"
Naiiling na muli itong nahiga.
Bumalik na rin si Bridget sa higaan. At para bang mas nalungkot pa siya sa katahimikang naghari sa silid. Gusto niya ng makakausap nang mga sandaling iyon.
Wake up, Chito, sabi ng isip niya habang nakatitig sa nakapikit na lalaki. Wake up and talk to me. I need someone to talk to. I need you. Ngunit hindi na niya ito muling nakitang nagmulat. Pagkaraan ng ilang sandali ay pinatay na niya ang ilaw at sa wakas ay nakatulog na rin siya.
MAAGANG nagising si Ramonchito kinabukasan. Bumangon siya. Ilang sandaling napatda sa kinauupuan nang makitang tulog na tulog pa rin si Bridget. Wala na sa ayos ang pagkakahiga nito sa kama. Ang suot na miniskirt ay bahagya pang nalukot pataas kaya natambad ang mapuputing hita na minsan na ring nagpatukso sa kanya. Bahagya na ring kita ang panloob nito.
Pagkaraan ng ilang sandaling pag-iisip ay tumayo si Ramonchito at maingat na kinumutan si Bridget. Pagkatapos ay naligo siya at inayos ang sarili bago pumanaog ng hagdan. Nababaan niyang nagkakape sa lanai table si Froilan habang nagbabasa ng pahayagan.
"Pare, gising ka na pala!" Agad nitong tinawag ang maid upang magpatimpla ng kape.
Naupo si Ramonchito sa kaibayong silya. "Kailangan kong bumalik ng Manila," pagtatapat niya. "Kailangan kong kumuha ng mga gamit namin ni Bridget."
"You mean, wala kayong dalang gamit kagabi?" nanlaki ang mga matang tanong nito.
Nakangiting tumango siya. "Biglaan, pare. Wala pa akong planong magbakasyon dito kung hindi dahil kay Bridget."
"My goodness, Chito! Ba't hindi mo kaagad sinabi?" Tiniklop ni Froilan ang pahayagan at ibinaba sa mesa. "Sana'y nabigyan ko kayo ng maisusuot kagabi. Sabagay, ngayon ko lang nalaman na biglaan itong lakad n'yo. Isa pa'y hindi ko na rin napansin na wala kayong mga dalang gamit," biglang bawi nito.
"It's okay. Babalik na lamang ako ng Manila. Maaari ko bang iwan muna dito si Bridget?"
"No problem. She's your girlfriend, right?"
Umiling siya at napangiti.
"Why didn't you tell me?" lalong namanghang tanong nito. "Dapat ay binigyan ko kayo ng separate rooms!"
"Kagabi pa nga nagrereklamo yung isang 'yon," tukoy niya kay Bridget.
"You always come out with surprises!" natatawang saad ni Froilan.
Bago pa makasagot si Ramonchito ay lumapit na ang maid na inutusan nitong magdala ng kape. May dalang tray ang maid na may dalawang tasa ng kape. Inilapag ng maid ang mga iyon sa lanai table. Pagkaalis ay isa-isang isinalaysay ni Ramonchito kay Froilan ang mga nangyari mula sa kanilang dalawa ni Rafaela hanggang sa maging kasintahan niya si Bridget.
"Napakarami na palang nangyari sa 'yo," naiiling na saad ni Froilan matapos marinig ang lahat. "Two years, pare. Parang kailan lang."
"Yeah, pare," sagot ni Ramonchito. "Naalala kong ikaw lang ang kaibigan na napagsasabihan ko noon ng mga problema lalo na tungkol sa papa ko. But now, everything is okay between us. Ang hindi ko lang matanggap ay ang pagkawala ni Rafaela sa buhay ko."
"I'm sorry about that, pare." Humigop ito ng kape. "Anyway, bakit hindi mo pag-aralang mahalin si Bridget?"
Napapangiting napailing si Ramonchito. "Alam mo kung ano ang gusto ko sa isang babae, Froilan. Definitely hindi isang easy-go-lucky na katulad niya. Anyway, are you sure na okay lang sa 'yo kung magbabakasyon kami dito?"
"Of course. I told you, nag-iisa lang ako dito ngayon."
"Hindi ko siya pauuwiin ng Manila hangga't hindi siya nagbabago," mariing pasya niya. "Pagkatapos nito, magkakaroon na ako ng katahimikan. Saka kami magkakanya-kanya."
"What if you fall in love with her?" pabirong tanong nito.
Sunod-sunod na pag-iling ang pinakawalan niya. "No, pare. I'm sure na hindi mangyayari iyon."
"Mahirap magsalita nang patapos," nakangiting saad nito. "Baka sa huli ay kainin mo rin ang mga sinabi mo."
Sandali siyang hindi nakaimik. "So, what happened to you in the States?" pag-iiba ni Ramonchito sa usapan. "Two years ka ring nawala, ah." At naisip niyang kung sana ay naririto ito noon, baka dito siya humingi ng tulong tungkol sa problema ng pamilya ni Rafaela. Nahiya naman siyang lumapit noon sa lola nito.
"Well, of course, puro aral lang naman ang inatupag ko do'n," kuwento nito. "Aside from masterals ay nag-aral din ako ng photography. Alam mong hilig ko 'yon mula pagkabata. Pero nangako ako kay Lola Ursula na ako ang magpapatuloy sa pamamahala ng hacienda na ito dahil ang Kuya Jeus ko ay masyado nang maraming ginagawa sa trabaho niya bilang mayor ng lugar na ito."
"Girlfriends?" nakangiting tanong niya.
Umiling si Froilan. "Naghahanap pa lang, pare."
"I'm sure mahihirapan kang makakita dahil masyado kang pihikan pagdating sa babae."
Napangiti lang ito. Marami rin silang napag-usapan bago siya nagdesisyong umalis at lumuwas ng Maynila.
NANANAGINIP pa rin si Bridget nang mga sandaling iyon. Nakita niya ang kanyang sarili sa overlooking site sa Antipolo at kasama si Benedict. Pilit daw siya nitong pinapa-take ng bawal na gamot. At pagkatapos ay pilit siyang niyayakap at hinahalikan sa kabila ng kanyang pagtutol.
Nang mula sa kung saan ay biglang dumating si Ramonchito at tinangka siyang iligtas sa panganib. Ngunit binaril ito ni Benedict at duguang humandusay sa lupa ang binata.
"Chito!"
Saka lamang nagising si Bridget mula sa masamang panaginip. Bumangon siya at hinanap si Ramonchito, ngunit wala ito sa loob ng silid. Ganoon na lamang ang pag-aalala niya samantalang isang panaginip lang naman ang lahat.
Nang mahimasmasan ay naligo siya at inayos ang sarili na dati pa rin ang suot. Nang pumanaog siya ay nababaan niyang nag-aayos ng camera nito sa eleganteng living room si Froilan.
"Gising ka na pala," nakangiting saad nito. "Umalis sandali si Chito upang kumuha ng gamit ninyo sa Manila. I'm sorry if I had mistaken you as his girlfriend. Matagal kasi kaming walang communication ni Chito kaya wala na akong nalalaman sa mga nangyayari sa kanya."
Tipid na ngiti ang itinugon niya.
"Anyway, your breakfast is ready. May aasikasuhin lang ako sa labas ng hacienda. Just feel at home, okay?"
Tumango si Bridget. Matapos magpaalam ay bitbit ang camera na tinungo na ni Froilan ang sasakyan sa garahe. Saka lamang siya nagtungo sa breakfast nook kung saan nakahanda ang kanyang almusal.
"Girlfriend ka ba ni Sir Chito?" usisa ng matandang maid nang kumakain na siya. Kasalukuyanng nilalagyan ng maid ng tubig ang baso niya.
Umiling siya. "Hindi ho, Nana..."
"Amparo," nakangiting sagot nito. Sa tantiya niya'y nasa singkuwenta anyos pataas ang edad nito. "Ako ang pinakamatandang katulong dito ngayon."
"Kilala n'yo na ho pala si Chito?"
"Aba'y madalas magbakasyon ang batang 'yan dito noon," kuwento nito. "Lahat naman ng mga kaibigan ni Sir Froilan ay natatandaan pa namin. Naputol lang ang komunikasyon nila nang magtungo sa Amerika si Sir Froilan upang mag-aral. Kilala nga rin ni Sir Chito si Doña Ursula, eh."
"W-wala ho bang naisamang kasintahan niya rito si... Chito?" usisa pa niya.
"Ay naku, wala!" ani Amparo. "Mukha kasing pihikan 'yan pagdating sa mga babae. At saka no'ng huling punta niya rito ay dalawang taon na ang nakararaan."
Sa narinig ay naisip ni Bridget na marahil nang mga panahong iyon ay hindi pa magkasintahan sina Ramonchito at Rafaela. Ang alam niya ay nagkakilala lang ang dalawa nang kunin ng mga Paredes ang serbisyo ni Ramonchito bilang civil engineer sa ipinatayong branch ng bangko ng mga Paredes sa Greenhills. Iyon ang branch na pamamahalaan noon ni Rafaela. Doon nagkalapit ang mga ito.

The Bachelors 04: Ramonchito; The Engineer By Elizabeth McbrideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon