Noah:
Ang mga taong kanina pa naglalakad sa bazaar ay napatigil dahil sa pag-awit ko. Matapos kumanta ay marahan kong ibinaba ang bitbit kong gitara. Nang muli kong iangat ang aking ulo, bigla akong dinumog ng mga tao. Panay ang kanilang ngiti at palakpakan. Tila alon ng mga mukha na puro pagbati ang sumalubong sa akin. Ngunit hindi sa kanila ako nakatingin. Sa dagat ng tao ay pinipilit kong tumalon upang mahanap ang binatang muntik nang maglaho.
"Ang galing-galing mo naman!"
"Are you on social media?"
"Pa-picture, please?"
Ilan lamang ang mga ito sa mga sinasabi ng mga taong nasa harap ko. Bahagya akong yumuko at hinawi ang ilan sa kanila hanggang sa tulyan akong makalusot.
"Ah, eh, pasensya na po kayo. Libangan ko lang ang tumugtog," saad ko. Mabilis akong tumalikod at tumakbo patungo sa aming lamesa.
Doon ay natagpuan ko siya. Tulala sa kanyang kamay na tila hindi makapaniwala na hindi na siya nagiging transparent.
"Grabe!" bati ni Ethan. Nakanganga pa ito habang hindi ko mabilang ang kulubot sa kanyang noo. "Pamangkin ka nga talaga ni Mrs. Arroyo."
"Pare, ang galing mo! Bakit ngayon ka lang tumugtog? Kanina pa kami nag-aabang ng may kakanta sa stage," sambit ni Alex. Mabilis akong inakbayan nito habang ginugulo ang aking buhok.
Nagtungo ako sa aking upuan. Sa harapan ko ay ang nag-aalalang si Adam. Magkasalubong ang magaganda niyang kilay. Tila hindi ito makapaniwala dahil narito pa rin siya sa bazaar.
Kumalma na ang mga tao. Maging ang dalawa naming kasama ay bumalik na sa mga kinakain nila. Samantalang siya ay sinusuri pa rin ang kanyang bawat daliri sa pag-aalalang tumatagos ang liwanag sa mga ito.
Bigla ko siyang tinadyakan at nang matauhan.
"Aray! Taran-" bulyaw ni Adam. Ang kabadong mukha nito ay muling sumungit. Agad na nainis dahil sa ginawa ko.
"Ay, nako, sorry, malamok kasi. Okay ka lang ba?" kunwaring kong tanong. Malamang sa ginawa kong iyon ay nasigurado na niyang hindi siya maglalaho.
Tinitigan niya ako ng masama. Tinaasan niya ako ng hinlalato. Ang pagbabalik ng may saltik niyang ugali ay senyales na ayos na talaga siya. Marahan siyang tumayo bago sinenyasan ang dalawa pa naming kasama.
"Hay, nako. Tara, balik na tayo," yaya ni abnuy. Niligpit na niya agad ang kinakain at nagsimulang maglakad kahit hindi pa tapos kaming tatlo.
"Ganyan ba talaga iyang kasama ninyo?" natatawa kong tanong kay Alex.
"Depende kung may dalaw siya," biro ni Ethan.
"Baliw," saway ni Alex. "Mabait naman si Adam, Noah. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit nagkakaganyan iyan simula noong dumating ka."
Ako, alam ko ang sagot. Pinagseselosan niya ako kay Jade.
Tinaasan ko silang pareho nang balikat. Nagpanggap akong walang alam kahit alam ko namang pinagseselosan ako ni Adam. Naunang naglakad sina Alex at Ethan bago ko sila sinundan. Naabutan namin si Adam na nakahinto sa dulo ng kalsada na tila kinakausap ng isang dalaga.
"Excuse me, can I talk to you just for a minute?" ani ng babae. Nakatingin ito kay Adam. Lalo ito napangiti nang dumating ako malapit sa puwesto nilang dalawa.
"Bakit po?" nagmamadaling tanong ni Adam.
"My name is Lily. Ang guguwapo ninyo kasi," sabi ng babae. Muli niya akong nilingon bago nagpatuloy. "We are looking for commercial models for our company. Ikaw, ang galing mong tumugtog, ang lakas ng karisma mo."
BINABASA MO ANG
Ark and Apple (The Time Traveler's Boyfriend Book 1)
Science FictionThe Time Traveler's Boyfriend Book 1 (Book 1 Ark and Apple Published under Pop Fiction) "How can you miss someone you've never met?" (A BL story) COMPLETED "Ang gulo-gulo mo naman kausap, kuya. Ako ito! Hindi mo na ako naalala agad?" halakhak ko. Pi...