MemaSabi Lang

559 27 11
                                    

MemaSabi Lang

Habang tahimik akong tumatumbling sa FB, napansin ko yung post ng GMA News na ifefeature raw nila yung isang sikat na manunulat sa kanilang  AskAway.

Nang aking usisain, nagulantang ako sa mga comments. Marami kasi ang tumuligsa sa kanyang kredibilidad bilang isang manunulat. Kesyo copy + paste + kabit logo = writer?; na hindi raw siya sumusunod sa Panitikang Pilipino; na napakababaw raw ng mga pahayag niya; na puro raw siya kalandian; na siya raw ang dahilan ng bagito problems at stairway-to-heaven scandal,  at kung ano-ano pang ganyang tipo ng komento.

Bigla ko tuloy naisip kung ano nga ba ang pakahulugan ng salitang "manunulat." Kung tatanungin mo kasi ako ay taas-noo kong isisigaw na isa akong manunulat, may kasama pang limang tumbling para mas malakas ang impact.

Hindi ako professional writer sapagkat hindi naman ako nagpakadalubhasa sa pagsulat at wala rin naman akong Degree sa larangang ito. Gayunpaman ay itunuturing ko ang aking sarili bilang isang tunay na manunulat sa paraang alam ko.

Dalawa lang ang pangunahing salik ng matagumpay na pagsulat para sa akin - GOAL at MARKET.

Matalino ka kaya alam mo na yung tinutukoy kong goal; tama yun nga yung sa soccer. Syempre yan yung motibo at dahilan mo kung bakit ka nagsusulat. Samantalang yung market naman ay yung luma at bagong palengke, isama mo na rin ang SM supermarket pati black market. Yan yung target reader mo.

Sa ganang akin ay 'pag nakamit mo ang dalawang pangunahing salik na yan, o factors para dun sa mga pinaglihi sa dictionary, ay masasabi kong isa ka nang ganap na manunulat.

Masyadong mababaw? Sabi ko nga mukha kang kalabaw. Mababaw pero malinaw.

Kumbaga, nag-set ka ng purpose sa pagsulat at kapag naiparating mo ito sa iyong prospect reader/s nang matagumpay, aba ay imba ka! Palanca na ang level mo niyan. Pero syempre biro lang yun. Wag kang ano.

Kagaya ng isang kindergarten student na nakasulat ng kanyang pangalan sa papel na sampung piso ang isang pad; ipinakita sa kanyang guro at tinatakan siya ng stars, ay ganyan din maituturing ang katuturan ng isang pagiging manunulat. Sumulat siya para sa kanyang guro (market) upang ipaalam na siya ay natuto (goal). Kaya presto, meron siya ngayong stars na palatandaan na nakamit nya ang dalawang salik.

At bilang ingleserang epal ka, susumbatan mo ako ng "Seriously!? So you mean that kindergarten pupil is already a writer? Like the f*ck!"

Hindi naman kita sasagutin kasi mahirap mag-english.

Simple lang, ang pagiging manunulat para sa akin ay nakadepende sa sarili mong pakahulugan.

Ako, manunulat ako kasi nagsusulat ako ng may layunin at para lamang sa mga taong makakaapuhap ng aking sentimyento.

Kaya kung nakarating ka hanggang sa puntong ito ay huwag mo akong sisihin.  Sabi ko nga, nagsusulat ako para sa sarili kong market. Kung hindi man ikaw yun, wala akong magagawa.

Basta payong katumblingan lang, kapag nababagot ka at walang magawang matino, subukan mong humarap sa salamin, itaas ang kanang kilay, magpacute sa pamamagitan ng pagnguso, huminga nang malalim sabay tanong sa sarili, "manunulat ba ako?"

©ePhoneFive

#MEMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon