Chapter 11: Ang Ka-L.D.R. ni Noah

1.5K 134 18
                                    




Noah:

Year: 1997, Batanes (Past)

Nakasuot si Kuya Adam ng maluwag na damit na dinala ko. Isinuot niya ang mga ito sa kabilang bahagi ng puno. Agad siyang napatakbo sa likod ng puno nang marinig ang pamilyar na mga iyak ko. Doon ay natagpuan niya akong nakaupo, takip ng aking mga kamay ang mga mata kong ayaw tumigil sa pag-unos.

"Oh, bakit ka umiiyak?" tanong ni Kuya Adam. Nakangiti ito nang dumating ngunit agad niya akong sinaklolohan nang marinig ang aking mga hikbi.

Pinipilit niya akong patahanin. Patuloy pa rin ako sa pag-iyak dahil inaway na naman ako sa bahay. Pinunasan ko ang mga sipon ko at napalingon sa kanya.

"Si Nico po kasi, eh. Tinukso niya akong ampon," sumbong ko.

Mabilis siyag napasimangot. Iyon ang unang pagkakataon na nakita kong nagsalubong ang kanyang mga kilay.

"Kahit kailan talaga itong si Nico. Hanggang rito, bully pa rin." Napakagat siya ng labi. Sa kanyang pagsasalita ay tila kakilala na niyang matagal ang taong tinutukoy ko.Patuloy pa rin ako sa paghikbi nang sinimulan niyang punasan ang mga pisngi ko at niyaya niya akong tumayo. "Halika nga rito. Hindi ba sabi ko sa iyo, kahit hindi ka tunay na anak ng Daddy mo, mahal na mahal ka noon?"

"Si Nico po kasi, kuya," hikbi kong saad. "Sabi ni Nico, ibabalik din daw ako ni Daddy sa pinanggalingan ko balang araw, eh."

"Hindi iyan totoo. Ang kulit talaga nito ni Nico. Sanggang-dikit nga kayo ni Tito Dan, eh. Alagang-alaga ka kaya niya. Hindi ka niya ipamimigay in the future, pangako," paliwanag ng malambing na binatang kaharap ko. Malumanay ang boses nito habang tila humehele sa aking tainga ang mga kapanatagang dala ng kanyang mga salita. Ramdam ko ang pagkalinga sa bawat salitang kanyang binibigkas."Tsaka, ano naman kung ampon ka? Sa dugo lang ba nababatay ang sukatan ng pagiging isang pamilya?"

"Hindi po." Pinipilit kong tumahan.

"Huwag ka nang umiyak," saad niya. Lalo siyang gumuwapo nang nginitian niya akong bigla. "Minsan na nga lang akong makapunta sa paborito nating tagpuan, umiiyak ka pa?"

"Kuya Adam, kilala mo ba ang tunay na mga magulang ko?" tanong kong bigla.

Agad na naglaho ang ngiti sa kanyang mukha. May umihip na malakas na hangin. Naglaglagan ang mga natuyong dahon mula sa puno ng Narra. Napatingin siya sa puno bago nilingon ang langit. Sa kanyang ikinikilos ay halatang mayroon siyang sinusubukang alalahanin.

"Hindi, eh. Parang wala ka rin namang naikuwento sa akin sa hinaharap tungkol sa mga tunay na magulang mo," saad nito.

Sa kanyang sinabi ay bahagya akong nalungkot. Napatingin ako sa damo sa aking paanan habang sinisinghot ang sipon ko. Nang makita ni Kuya Adam ang reaksyon ko ay mabilis itong napaluhod. Pumantay siya sa aking tangkad at hinaplos ang aking buhok.

"Hindi rin naman mahalaga iyon. Buti ka nga may Daddy ka pa rin. Ako, both parents ko patay na," malungkot na dugtong ni Kuya Adam.

Marahan kong inangat ang aking ulo. Nakangiti siya sa akin ngunit bakas ko ang kalungkutan sa mga mata niyang kasing bughaw ng langit. May kumurot sa puso ko matapos marinig ang mga saad ng binatang kaharap ko. Kusang tumigil ang aking luha. Pinunasan ko ang aking mukha at humakbang ng isa palapit lalo sa kanya. Kinuha ko ang kamay niyang nakapatong sa aking ulo at hinawakang mabuti.

"Kuya, hindi na ako iiyak basta huwag ka nang malungkot," wika ko. Pinilit kong ngumiti kahit halatang sinisipon pa rin.

Sa mga sinabi kong iyon ay kumurbang pababa ang mga labi ni Kuya Adam. Ngunit nakita ko ang tuwa sa mga mata nito. Niyakap niya ako nang mahigpit. Naglakad kami patungo sa damuhang kaharap ng karagatan. Nakatitig lamang ako sa kanya habang siya ay nakapako ang tingin sa malayo.

Ark and Apple (The Time Traveler's Boyfriend Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon