Chapter 13: Owlie

1.6K 130 14
                                    

Chapter 13

"Owlie"

꧁༒༺🦉༻༒꧂

Adam:

Year: 1996, Finland

Taong 1996, naalala ko pa ang lahat. Sa lugar na napapalibutan ng puti na walang ibang dulot kundi kalungkutan kasama ng malamig na klima ng bansang pinanggalingan ko.

"Okay, lähden nyt (aalis na ako). If you need anything, just call the servants, ha? Nasaan ang binigay ko sa iyo kahapon?" tanong ni Uncle Claude sa batang ako. Natutuwa ito sa napaka-cute na pamangkin nito. Nakasuot si Uncle Claude ng coat and tie na kulay bughaw at naghahandang pumunta sa aming minahan.

Nakangiti ako sa kanya. Inilabas ko ang suot kong kuwintas na natatakpan ng aking damit. Isa itong maliit na gintong clock necklace na may disenyo ng kuwago.

"Here he is! Owlie!" nakangiti kong sambit.

"You named him?" natatawang tanong ni Uncle Claude. "Listen Adam, that belongs to your Dad. He made it custom-made for you. I'm really sorry that he was not able to give it to you personally."

"Opo". Ang ngiti sa aking munting mukha ay mabilis na napukaw sa mga katagang kanyang binigkas. Muli kong naalala ang trahedyang nangyari sa mga magulang ko. Hawak ko ang ilan sa mga alaalang iniwan nila bago lisanin ang mundo.

Hinawakan ni Uncle Claude ang kuwintas at binuksan ito. Pinakita niya ang naka-engrave na pangalan ko sa loob.

"Can you read this for me?" utos niya.

"A... dam," mahinang kong pagbasa. Muling kong itinago ang huling alaala ng aking ama sa damit ko at yumuko. Ramdam ko ang maliliit na butil ng luhang nais kumawala sa aking mga mata.

Lumuhod at niyakap ako ni Uncle Claude. Hinaplos niya ang aking buhok. Tinapik ang aking balikat bago muling tumayo.

"I gotta go. Huwag kang malikot masyado, ha? Behave while I'm gone," paalala ni Uncle Claude. "Älä mene ulos yksin (Huwag kang lalabasa mag-isa)."

"Yes po." Kusang umurong ang mga luha ko. Sa kanyang harapan ay pinilit kong maging matatag. Hindi lamang ang suot ko ang naiwang alaala ng aking mga magulang. Kahit papaano ay kawangis rin ng aking tiyo ang aking ama.

Matapos ang ilang minuto ay umalis na si Uncle Claude. Napagpasyahan ko na maglaro ng snow sa likod ng bahay. Ang mga kasambahay namin ay abala sa ibang gawain. Sa harapan ko ay ang karaniwang tanawin na nababalot ng yelo. Puro puti ang makikita mula sa unang espasyo ng aming bakuran hanggang sa malalayong hilera ng bundok. Isinuot ko ang aking sapatos. Kumuha ng niyebe mula sa lupa gamit ang aking kamay bago gawing bilog.

Sa tahimik na lugar na iyon ay pawang ang mga halkhak ko lamang ang aking naririnig. Nababalot ako ng kalungkutan sa katotohanang kalaro ko lamang ang sarili ko. Matapos palakihin ang binibilog kong niyebe ay kalaunan, nakagawa rin ako ng snowman. Kumuha ako ng mga tuyong sanga ng kahoy bago itinusok sa tagiliran nito. Malalim ang aking hininga habang pinagmamasdan ang aking obra maestra.

Tuwang-tuwa ako sa paglalaro sa snow. Halos ilang snowman na ang nagawa ko hanggang sa magsawa.

"This is so boring! Why do I have to live in a mansion na walang kapitbahay? Wala man lang akong makalaro rito," saad ko. Napayuko ako sa aking damit. Marahan kong inilabas ang aking kuwintas. "Kaipaan todella Nanay ja Tatay (I really miss Nanay and Tatay)."

Napatingin ako sa nagyeyelong lawa. Kitang-kita ko kung paano nagtakbuhan ang ilang maliliit na hayop sa ibabaw ng yelo. Una ay mga squirrel, sunod ay mga usa at may nakita rin akong mga puting kuneho sa kalayuan. Matiyagang pinanood ko ang mga hayop na napadaan sa nagyeyelong lawa. Nawala ang simangot sa aking mukha. Napagpasyahan kong makipaglaro sa mga hayop kaysa ang hukbo ng mga snowmen na gawa ko.

Ark and Apple (The Time Traveler's Boyfriend Book 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon