Chapter 3

24 3 24
                                    

MAG-ISA NA LANG akong naglalaro ng basketball dito sa court. Nasa klase na nila ang mga teammate ko, pati sina Roj at Richi pagkatapos ng lunch break. May choice naman kami kung papasok kami o hindi after the training. Hindi sa ayaw ko mag-aral, ah. Tinatamad lang talaga akong tumunganga sa loob ng isang oras. Hindi ko naman p'wedeng daldalin sina Roj at Richi dahil tutok din sa pag-aaral ang dalawang iyon. Kaya ko namang habulin ang mga itinuturo ng mga subject teacher namin na hindi ko napapasukan ng klase. Talagang hindi lang halata na henyo 'to. Jrald 'to, eh.

Pina-practice ko lang ang shooting at dribbling ko. Ini-imagine ko ring may bantay ako kaya mas naaayos ko ang pinaggagawa ko. Tumutulo na lang sa sahig ang pawis sa katawan. Naliligo na ako sa sarili kong pawis at mabibigat na rin ang paghinga. Habang mas napapagod ako, parang nagiging mas hyper ako. Tatlong beses kong na-ipasok ang bola sa ring nang sunud-sunod, mula sa three-point line. Paulit-ulit lang ako sa ginagawa ko pero nahahasa naman ang kakayahan ko rito at mas natatansiya ko na ang pagshu-shoot at pag-dribble ko.

Itinira ko ang bola mula sa tres at pumasok na naman. Hindi ko na kinuha ang bola dahil dumiretso ako sa bench, kung nasaan ang aking bag. Wala namang tao sa paligid kaya nahubad ko ang aking pantaas na damit. Pinunasan ko ang katawan kong puno ng pawis at habang nagpupunas ay kinuha ko ang hydroflask ko sa bag para maka-inom ako ng tubig. Sana lang talaga ay walang tao ngayon dito na sumisilip sa akin. Natapos na ako sa pagpupunas sa aking katawan, basang-basa ng pawis ang aking damit na pinaghubaran. Kinuha ko sa bag ang blue sleeveless athletic shirt ko at isinuot iyon. Umupo muna ako sa bench para makapagpahinga. Bigat pa rin ng aking paghinga at may pumapatak pa ring pawis sa sahig mula sa aking buhok.

Agad akong napatingin sa gawi kung saan may pumalakpak. Si Roj ang pumalakpak at kasama niya si Richi. Dala na nila ang bag nila kaya panigurado ay tapos na ang klase namin. Papalapit na sila sa akin ngayon kaya inilapag ko na ang pinagpalitan kong damit at hydroflask ko saka tumayo na. Pumasok na ulit ako ng court at kinuha ang bola na nakatigil lang sa ilalim ng ring.

"Tara laro. One-v-one muna," aya ni Roj.

Nilingon ko sila, inilapag nila ang bag nila saka nagtanggal sila ng polo at ID. Naka-t-shirt na sila at tinanggal nila iyon sa pagkaka-tuck in sa kanilang pantalon. Ipinasa ko ang bola kay Roj at diretso niya iyong itinira sa ring. Sinalo ko ang bola pagkapasok sa ring at ipinasa naman ang bola kay Richi. Nag-dribble siya papalapit at ni-lay-up ang bola, pumasok din ito.

"P'wede ka ba magpagabi, Richi? Laro tayo sa comshop!" aya ni Roj. Kinuha ko ang bola at nag-dribble papalayo sa ring.

"Sino ba ako sa kanila para hanapin ako?" simple niyang tanong na alam na namin ang sagot.

"Ayos lang 'yan! Libre na lang namin ang pang-kain mo mamaya!" wika ko saka ibinato na ang bola ngunit nagmintis itong pumasok.

Napagpasyahan muna naming maglaro para palipasin ang oras. Gaya ng napag-usapan, one-versus-one ang laro namin. Kung sino ang matalo, papalitan para makalaro rin ang isa pa at kalabanin ang nanalo. Unang maglalaro ay kami ni Richi. Siya na ang nag-free throw ng isa at pumasok ito kaya sa kaniya mapupunta ang unang bola.

Sina Roj at Richi ang kalaro ko sa basketball mula noon. Inaya ko sila na sumali sa varsity pero tumanggi sila dahil libangan lang naman para sa kanila ang larong ito, hindi katulad ko. Marurunong naman sila at natatalo nga nila ako, eh. Mas nahihirapan akong kalabanin si Richi kaysa kay Roj dahil magaling ito sa pag-shoot at rebound. Si Roj naman, sa bilis at liksi ng kilos.

Sa huli, ako ang nanalo dahil hinihingal na si Richi noong parehas na kami nagkainitan sa laro. Sa tuwing isu-shoot ko ang bola, agad akong tatakbo sa ring para mag-rebound ng bola pero nakukuha pa rin ni Richi dahil mas malakas siyang mag-rebound. Si Roj naman ang nakalaro ko at noong una ay chill lang kami na nagpapalitan ng score. Pero noong nag-tie kami para sa mga nahuhuling puntos, doon na kami nag-seryoso at inayos ang paglalaro. Nasi-steal niya ang bola sa akin at naiiwanan din ako sa mga crossover niya. S'yempre, ako 'tong si varsity player, eh, hindi rin nagpatalo sa kaniya at nagpakita rin ng gilas. Sa huli, dahil sa pag-shoot sa three-point line, nanalo si Roj.

Don't Play His Tears (Seven Blues Series 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon