Chapter 18

7 0 0
                                    

NAPASANDAL ako sa aking upuan at bumuntonghininga dahil sa pagod. Nakadadalawang oras na kaming nag-aaral ni Cerulean. May gamit akong laptop para sa questionnaire na tungkol sa lesson na inaaral ko at gamit ang highlighter ay hina-highlight ko sa textbook ang sagot doon sa questionnaire. Ganito ang paraan ko para maaral nang mabuti ang kahit na anong lesson.

Nabaling ang aking tingin kay Cerulean na tutok pa rin sa tablet niya. Napatingin naman ako sa kaniyang strawberry frappe na nangangalahati na. Sa akin, paubos na ang frappe ko. Parehas lang kami ng order.

"Tutok masyado, Engineer," saad ko at napunta naman sa akin ang mga mata niya pero ibinalik niya rin agad sa kaniyang tablet.

"May isang oras pa tayo para mag-aral, Arizona. Huwag mo sinasayang," tugon niya.

Nagsabi siya na mag-aaral kami sa loob ng tatlong oras. Pagkatapos niyon, magbabato siya sa akin ng mga tanong tungkol sa inaral ko na dapat kong sagutin. Doon masusubok kung talagang may naintindihan ako sa inaral ko. Hindi raw sapat ang kinakabisado. Dapat daw ay iniintindi. Eh 'di wow, Cerulean.

Napanguso ako at pinalobo ang pisngi. "Nagpahinga lang saglit, eh. Nangalay kaya ang likod ko at leeg. Hindi ka ba naaawa?"

"Sa 'yo? Hindi. Kaya mag-aral ka na riyan," masungit niyang saad.

Umupo na ulit ako nang tuwid at tiningnan na ulit ang aking laptop kung saan magpapatuloy. "Sakit mo naman."

Nagpatuloy na ulit ako sa pag-aaral dahil sinungitan na ako ni Madam. Kahit na medyo maingay ang paligid ay hindi naman naging hadlang sa akin 'yon para makapag-aral. Ang tanging distraction lang na humahadlang sa akin para makapag-aral nang maayos ay si Cerulean. Pa'no ba naman, hindi ko maiwasang mapatingin sa kaniya. Ang ganda niya habang seryosong nag-aaral. Gusto ko sanang kuhanan ng litrato pero baka ma-distract ko lang siya. Pero kapag naman may parte sa aking nire-review na hindi maintindihan, nagpapatulong ako sa kaniya kaya doon ko siya nakakausap. Hindi nga lang panghaharot dahil sineryoso ko muna ang pag-aaral.

Nang matapos kong review-hin ang aking lesson ay napaunat ako nang malala. "Hay! Sa wakas, tapos na!"

Napatingin ako sa aking phone para sa oras at nakitang may sobra pa akong labing-limang minuto bago mag-tatlong oras. Niligpit ko na ang laptop at textbook ko sa bag at inubos na ang frappe ko. Sinulyapan ko naman si Cerulean na gumagamit na lang siya ng phone habang iniinom ang frappe niya. Aba't pambihira. Mas maaga siyang natapos sa akin, ah.

"Tara na. Beer time na. Sa kotse na lang tayo magtanungan," aya ko at tumango na lang siya.

Ibinasura ko muna ang pinag-inuman namin bago nilisan ang Starbucks. Pinatunog ko ang kotse dahil si Cerulean ang unang makakasakay. Sumakay na ako sa driver's seat at kinabit ang aking seatbelt. Nilingon ko muna siya at nakitang naka-seatbelt na rin naman siya. Nakatingin lang siya sa harapan at nakatikom ang bibig.

Pinaandar ko na ang aking kotse at nagmaneho papunta sa malapit na convenience store. Pagkarating ay ako na ang bumaba ng kotse para bumili ng beer. Sa ngayon ay tig-dalawang beer kami ni Cerulean at kumuha ng isang galon ng ice cream. Binayaran ko na at bumalik ng kotse.

Nagmaneho na ako ulit papunta roon sa NLEX, kung saan ko siya dinala noong una. Ang tahimik na masyado sa pagitan namin kaya inunahan ko na ng salita.

"Could you describe the—"

"Jrald, can we, please, forget the academics for now? We already gave ourselves an enough time to study. It's enough," dire-diretso niyang sabi nang hindi ako tinitingnan.

Mabilisan ko siyang tiningnan at nakitang nakasandal na siya sa bintana at pikit ang mga mata. Baka napagod lang siya at naiintindihan ko naman 'yon. Tama siya. Nakapagbigay naman kami ng oras sa pag-aaral kaya ngayon, p'wede munang kalimutan para naman makapagsaya.

Don't Play His Tears (Seven Blues Series 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon