Chapter 9

23 2 0
                                    

TUMUNGO kami sa tabi ng school building para mag-usap, kaming dalawa lang ang naroon. Gusto kong maging pribado ang pag-uusap namin dahil alam kong magiging emosyonal ito. Nasa harap ko si Dexsie na diretso ang tingin sa akin. Malapit lang siya sa akin kaya natitingala niya ako nang bahagya. Napalunok ako ng laway at bumuntong-hininga para mabawasan ang pressure.

"Tungkol kahapon, pasensya na dahil bigla akong napapunta sa room mo para lang konprontahin ka," panimula ko at pinag-aralan muna ang reaksyon niya. Nakakunot ang kaniyang noo at kinakagat ang ibabang labi. "Naging desperado lang ako na malaman kung ano ang totoo. Naging padalos-dalos ako sa kilos ko. Dapat ay hinintay ko na lang na magsabi ka nang kusa pero wala, nangyari na kaya pasensya na."

Tumingin siya paibaba at tumango. Parang may dumadagan sa puso ko at nagbuhol sa sikmura ko. Hindi ko alam kung may dapat bang ika-sorry sa nagawa ko kahapon dahil kung hindi ko ginawa 'yon, baka tanga pa rin ako na hindi alam ang nangyari kahapon kay Dexsie at doon sa lalaking nahulihan kong hawak ang kamay niya. Siguro, tatanawin ko na lang ang paghingi ko ng tawad bilang patawad kung para sa kaniya ay naging bastos ako sa aksyon ko kahapon. Nagtataka pa rin ako kung kaano-ano ni Dexsie 'yon. I mean, alam ko namang kaklase niya 'yon pero baka may malalim pa siyang relasyon sa lalaki kagaya ng ex-boyfriend niya ba ito o manliligaw o ewan.

"Pasensya ka na," mahina kong wika at napatingin sa lapag. "Ikaw ba?"

"Hmm." Ibinalik ko ang tingin sa kaniya. Tumitingin siya sa palagid saka binalik ang tingin sa akin, sa aking mga mata. Tila nakikita ko na naman ang Dexsie na aking kaharap noong sinagot niya ako para maging boyfriend niya. "Pinapatawad na kita, Jrald. At gano'n din ako. Pasensya ka na. Naging iresponsable man ako, babaguhin ko ito habang nabubuhay ako pero pasensya na dahil hindi ko nagawang magbago habang nasa relasyon pa ako."

Tumango na lang ako bilang tugon. "P'wede pa ba? P'wede pa ba tayo?"

Alam kong delikado ang tanong na 'yon. Instead of losing her, bakit hindi na lang namin ayusin ang maging mabuti lalo, 'di ba? Naidaan naman sa usapan at nagkapatawaran naman din. Sa madaling salita, nawala rin ang sama ng loob namin sa isa't isa ngayong nagkaayos na kami. Sumusubok lang naman ako.

Tumikhim siya at bumuntong-hininga. "Tama na siguro, Jrald."

Napayuko na lang ako agad noong pagkarinig ko niyon. Nakaramdam naman ako ng lamig na tila nagpaantok sa akin at may namuong luha sa aking mga mata pero isang malalim na paghinga ang aking ginawa para mapigilan kong makawala ang luha.

"Napakabuti mong lalaki. Hindi ko maitatangging naging parte ka rin sa akin at malaki ang naidulot mong pagbabago para sa pagkatao ko. Naging sandalan kita noong mga panahong kailangan ko ng kalinga at naging kasama kita sa mga panahong tila Pasko dahil sa sobra nating saya. Pero ngayon, tama na siguro. Mga bata pa naman tayo at hindi dapat kita pinagsasandalan masyado dahil may agwat pa rin sa atin, kahit bali-baliktarin pa ang mundo." Hinayaan ko lang siyang magsalita habang ako ay nakayuko lang at tahimik siyang pinapakinggan.

Wala na akong masabi pa. Tinanggap ko lang ang lahat ng mga sinabi niya dahil alam kong buo na ang desisyon niyang 'yon, ramdam ko sa boses niya. Hindi ko nabakasan ng pagdadalawang-isip at alinlangan.

"Galingan mo lalo, ha." Napatingin na ako sa kaniya. She was smiling at me and her tears were building up. "Panonoorin ko ang laban mo. Susuportahan pa rin kita gaya ng dati. 'Yong namamagitan lang naman sa atin ang magbabago. Pero 'yong suporta ko sa 'yo—"

Hindi ko na siya hinayaang makatapos sa pagsasalita dahil niyakap ko agad siya at bumuhos na ang mga luha ko. Niyakap ko siya nang mahigpit at patuloy lang ako sa paghagulhol. I just can't lose her! I can't! I really can't!

She hugged me back and caressed the back of my head. "My champ," she whispered, her voice broke. Umiiyak na rin siya dahil naririnig ko ang kaniyang mga hikbi. "Goodbye."

Don't Play His Tears (Seven Blues Series 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon