Liwanag, Dilim.

4 1 0
                                    

Kinakabahan parin ako habang patuloy ang hakbang ng aking mga paa patungo sa harapan ng pinto ng simbahan.

Panandaliang tumigil ang oras at kung ano-anong mga bagay ang pumapasok sa aking isipan. Paano kung ganito? Paano kung ganyan? Ang aking utak ay kusang gumagawa ng mga eksena at pangyayaring tila makatotohanan. Ilang sandali pa ay nagising ang aking diwa sa isang malakas na hangin na diretsong tumama sa aking mukha. Dahan dahan kong itinulak ang pinto at bumungad sa akin ang mabangong halimuyak ng mga puting rosas na nagsilbing palamuti sa lugar. Iniikot ko ang aking tingin at nakita ko ang ngiti sa bawat taong nakaupo sa mga hanay ng upuan. Hindi maikakaila sa mukha ng bawat isa ang kaligayahang kanilang nadarama sa mga sandaling iyon. Panandaliang nawala ang atensyon ng lahat sa tunay na nangyayari at ibinaling ng bawat isa ang kanilang mga mata sa aking kinatatayuan. Wala akong nagawa kundi ang ngumiti pabalik sapagkat alam kong ito ang nararapat lamang na sagot sa kanila. Saglit lamang ang ang mga sandaling iyon ngunit tila napakabagal parin ng oras. Bumalik ang tingin ng lahat sa harapan kung saan nakatayo ang dalawang tao sa harap ng altar. Diko halos maaninag ang kanilang mga mukha dahil sa liwanag na dulot ng sikat ng araw.

Humakbang ako ng dahan dahan paharap upang malaman kung sino ang mga taong ikinakasal. Sa ngiti pa lamang ng babae ay nalamang kong siya yung dahilan kung bakit ako nandito. Siya yung babaeng minsan nang naging akin subalit hinayaan kong mawala.

" Ikaw lalake, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib ang Babaeng ito,
na maging kabiyak ng iyong puso,
sa habang buhay,
sa hirap at ginhawa,
sa sakit man o kalusugan,
at mamahalin mo siya
sa habangbuhay,
gaya ng sagradong utos ng Panginoon? "

" Opo, Padre"

" Ikaw Babae, tinatanggap mo bang maging kaisang dibdib ang Lalaking ito,
na maging kabiyak ng iyong puso,
sa habang buhay,
sa hirap at ginhawa,
sa sakit man o kalusugan,
at mamahalin mo siya
sa habangbuhay,
gaya ng sagradong utos ng Panginoon? "

Mabagal parin ang takbo ng oras. Ang lahat ng pangyayari ay tila ba eksena sa mga pelikulang minsan nating pinanuod nung tayo'y magkasama pa. Kung saan ang mga bida ay labis na umiibig sa bawat isa. Ramdam mo sa kanila ang pagmamahalan at kaligayahan sa bawat isa. Nakikita ko dati ang aking sarili kasama ka habang nangyayari ang ganoong eksena. Minsan ko ding pinangarap na iharap ka sa iyong pamilya, sa aking pamilya, sa harap ng altar, sa harap ng diyos habang patuloy kong ibinibigkas kung gaano akong nagpapasalamat dahil akin ka. Nakita kitang tumingin sa pinto bago mo sambitin ang mga katagang di ko nais marinig sa mga sandaling ito. Tila ba'y napapaisip ka kung itutuloy mo ang malaking desisyong ito sa iyong buhay. Napayuko ka at sa pag angat ng iyong tingin ay tinignan mo ng diretso sa mata ang lalaki sa iyong harapan.

" Opo, Padre "

Hindi ko na nakayanang tapusin pa ang seremonya ng kasal. Mabagal parin ang galaw ng orasan. Lumabas ako ng simbahan na wasak ang damdamin at hindi alam ang nais gawin. Ang tanging nasa isip ko lamang sa mga panahong iyon ay ang mga bagay na sana ay ginawa ko nung akin ka pa. Pagsisisi ang tanging nasa utak ko habang patuloy ang pagdaloy ng luha mula sa aking mga mata.

Wala akong nagawa. Wala na naman akong nagawa upang ipaglaban ka. Sa huling pagkakataon ay wala pa rin akong nagawa upang maging akin ka. Natakot na naman ako. Naduwag na naman ang puso kong sabihin ang tunay na laman nito.

Patuloy parin ako sa paglalakad at unti unti nang bumibilis ang takbo ng oras. Pabilis ng Pabilis ngunit wala akong pakialam sa ano mang nangyayari sa ngayon. Tila ba kinakain ako ng lungkot at pighati dulot ng mga nangyari. Hinahayaan kong lamunin ako ng aking utak at kusang ibinibigay ang sarili upang pagpiyestahan ng pagdurusa at lumbay.

Napakabilis na ng galaw ng oras. Diko na kayang tignan ang aking paligid. Ang tanging nakikita ko ay ang paikkot na mundong aking ginagalawan kasabay ng mga munting tinig na aking naririnig na ipinipilit na kasalanan ko rin lahat kung bakit ganito ang nangyari. Umiikot, Pabilis ng Pabilis na wala akong ibang nais gawin kundi ang ipikit lamang ang aking mata ang magbingi bingihan sa mga munting tinig na aking naririnig.

Ang huling bagay na lamang na gusto ko ngayon ay ang matapos ang lahat. Matapos ang lungkot, ang mga sakit, ang pighati at pagsisisi, Matapos ang buhay na ito.

MARKWhere stories live. Discover now