Nakaupo ako sa damuhan, ilang dangkal mula sa kinauupuan mo. Tulad ng nakasanayan, narito tayo kung saan una kong nasilayan ang mga ngiti mo.
At totoo, parehas pa rin ng naramdaman ko noon ang nararamdaman ko ngayon.
Ngunit tulad ng nakasanayan, nariyan ka, umuukit ng mga salita ng papuri patungkol sa kanya habang nagniningning ang mga mata.
Sa totoo lang, tulad ng nakasanayan, hindi naman talaga ako nakikinig sa mga sinasabi mo. Hindi dahil hindi ako interesado, pero hindi ko lang kasi mapigilan ang isip kong magsulat pa ng mga tula patungkol sayo.
Pero madalas iniisip ko kung kailan kaya darating ang pagkakataong makakapagsulat ako ng tula para sayo ng hindi itinatanong kung may karapatan ba ako.
Kailan nga ba darating ang pagkakataong pag aalayan kita ng tula ng hindi nangangambang baka parehas na lenggwahe lang ang ginagamit natin sa tuwing susuyuin mo siya?
Kailan darating ang pagkakataong susulatan kita ng tula ng hindi ko na kailangan pang itago sayo, na makakayanan kong ipabasa at ipakita sayo ng hindi natatakot na baka lukutin at itapon mo lang ang papel na pinagsulatan ko ng mga tulang nagkukwento ng pag-ibig ko para sayo?
Kailan darating ang pagkakataong makakaabot sayo ang bawat salita ng aking mga tula ng hindi na nila kailangan pang magmakaawa at gumapang palapit sayo?
Mula sa pagkakayuko ay muli kong sinulyapan ang mukha mo,
ang mga ngiti mo,
ang mga mata mo,
ang mga labi mo,
ang bawat pagkilos ng katawan mo,
ang bawat paggalaw ng mga labi mo sa tuwing ikinukwento mo kung gaano ka kahulog na hulog sa kanya.
Pakiramdam ko,
hindi na darating ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Tanong - A Short Story Compilation
Short StoryTulad ng mga naunang compilation na naisulat ko, nagawa ko ito para sa isang malapit na kaibigan. Ang theme na binigay niya ay mga Tanong. :)