Hindi pa nakalalagpas ng ilang hakbang ay naramdaman ko ng may mga bisig na pumipigil sa mga binti ko mula sa paglakad.
Mas bumilis ang pagtibok ng puso ko, kung posible pa nga ba ito ay hindi ko alam, ng lumingon ako at nakita ko siyang nakaluhod habang akap-akap ang mga binti ko.
Totoo ba ito?
Siya?
Nakaluhod?
Kilala ko siya bilang isang taong mataas ang tingin sa sarili at kahit kailan ay hindi siya nagmakaawa para lang sa isang tao.
Kahit kailan ay hindi niya gugustuhing ipakita ang kahinaan niya lalo na sa pag-iyak.
Pero heto siya, nakaluhod, nagmamakaawa at hindi itinatago ang paghagulgol.
Gusto kong saktan ang sarili ko. Ano bang ginagawa ko? Bakit ko sinasaktan yung taong minahal ko ng halos kalahati ng buhay ko?
"Wag mo kong iwan. Pakiusap. Wag mo kong iwan." Pakiusap niya nang hindi bumibitiw sa mga binti ko na 'tila ba ang bitawan ang mga ito ang pinakakinatatakutan niya.
"Bakit?" Kahit na ang hirap-hirap ay nagawa kong itanong sa kanya.
Tumingala siya at nakita ko ang mukha niyang hilam na ng luha. "Hindi ko kaya. Hindi ko kakayanin."
"Bakit?" Kailangan kong malaman. Sabihin mo na. Pakiusap, sabihin mo na.
"Kailangan kita." Garalgal na ang boses niya habang wala pa ring tigil ang pagbagsak ng mga luha mula sa mga mata niya.
"Bakit?" Pilit ko pang tanong.
"Hindi ko kakayaning wala ka. Pakiusap, wag mo kong iwan." Sambit niya habang mas humihigpit pa ang pagkakayakap sa mga binti ko.
Hindi ko na rin nagawang pigilan ang pagpatak ng mga luha ko.
At hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas, para alisin ang mga malalaki niyang bisig sa pagkakayakap sa mga binti ko.
Mahirap.
Mahirap gawin lalo na kung ayaw mo naman talagang gawin ito.
Matapos kong makawala sa pagkakayapos niya ay lumuhod din ako sa harapan niya.
Buong ingat kong hinawakan ang mukha niya habang pinapalis ang mga luhang tuloy tuloy pa ring tumutulo.
"Paalam." Sambit ko bago siya hinalikan sa noo at tumayo.
Dahan dahan akong naglakad palayo sa kanya. Hindi pa nakakailang hakbang ay lumingon ulit ako sa kanya para lamang makitang nakaluhod pa rin siya habang umiiyak at ang mga mata ay puno ng pagmamakaawang nakatitig sakin.
Hanggang ngayon inaantay ko pa rin.
Ilang segundo akong nanatiling nakatayo at nakalingon sa kanya ngunit wala pa rin akong narinig na makakapagpanatili sa'kin.
Bagsak ang balikat na nagpatuloy na akong muli sa paglakad.
Sa paglapat ng pinto ay naririnig ko pa ang pagsigaw niya ng pangalan ko.
Pagkasandal sa pinto ay hindi ko na nagawang pigilan ang mga hagulgol ko.
Kung sasabihin niya lang na mahal niya ko ay mananatili ako.
Kung sasabihin niya lang na natutunan niya na kong mahalin ay handa ulit akong kalimutan ang sarili ko para lamang maniwala sa kanya.
Kung sasabihin niya lang na mahal niya ako ay handa ulit akong sumubok.
Masaktan.
At sumubok muli.
Pero hanggang sa maubos na ang boses ko sa paghagulgol ay hindi ko pa rin narinig.
Tinipon ko ang natitira ko pang lakas bago tumayo at tuluyang lumayo sa kanya.
Paalam, Mahal.
BINABASA MO ANG
Tanong - A Short Story Compilation
Short StoryTulad ng mga naunang compilation na naisulat ko, nagawa ko ito para sa isang malapit na kaibigan. Ang theme na binigay niya ay mga Tanong. :)