Episode 02: Husband and Wife
"Rod, Inaantok na ko."
Pagkarinig niyon ay agad niya itong binuhat at dinala sa kanilang silid. Tumabi at umakap na rin siya rito.
"Matulog ka na Mahal, babantayan lang kita." Maamong wika niya sa asawang si Lea at saka nito inihilig ang sarili sa dibdib niya't tuluyang pumikit.
Sa araw-araw na nagdaan, hindi niya ipagkakailang nahihirapan na siya sa lagay ng asawa. Malala na kasi ang sakit nito sa baga at tuluyan na itong naging Stage 4 Lung Cancer. Ngunit kahit nahihirapan siya'y patuloy pa ring nagpapakatatag para rito. Alam niya kasing lumalaban ito upang patuloy na mabuhay at makasama pa siya ng matagal.
Mahal na mahal ni Rod ang asawa kung kaya't masakit sa kanyang makita itong naghihirap ng dahil lang sa malubhang sakit.
"Matulog ka lang. babantayan kita." Bulong niyang muli saka ito hinalikan sa noo, at hinele na parang bata habang sinusuklay ang naglalagas nitong buhok gamit ang kanyang daliri.
Hanggang sa unti-unti na rin siyang hinila ng antok at nakatulog habang yakap ang pinakamamahal na asawa.
***
"Rod, gusto ko ng tubig."
Sa mahinang ungot sa kanya ni Lea ay mabilis siyang nagkusot ng mga mata't bumangon upang sundin ang inuutos ng asawa. Mabilis siyang nagtungo sa kusina't kumuha ng tubig na maiinom nito.
"Ito na ang tubig mo mahal." Ngunit sa kanyang pagbalik ay mahimbing na ulit itong natutulog.
Nilapag niya ang pitsel at basong hawak sa lamesita sa may gilid ng kama at hindi na siya nag-abalang gisingin ito. Naupo siya sa tabi ni Lea at tinitigan itong matulog. Hinawi niya ang iilang hibla ng buhok nito, na tumatabing sa kagandahang mukha ng asawa.
Habang pinagmamasdan ang asawa'y di niya maiwasang malungkot. Para bang ayaw niya na ng mga nangyayari sa kanilang buhay. Suko na siya at hindi na niya kayang pagtiisan ang ganitong klase ng pagsasama. Hindi na siya masaya dahil pakiramdam niya wala ng silbi sa buhay niya si Lea at pahirap lang ito.
Kasabay sa pag-iisip ng kung anu-ano'y hinablot niya ang katabing unan ng natutulog na babae at mabilis niya itong inilapat sa mukha ng asawa.
"Ro---"
Biglang napadilat si Lea, ngunit huli na ng maisipan niyang magsalita. Nakadagan na sa kanya si Rod habang nakalagay ang unan sa mukha niya. Dahilan upang hindi siya makahinga.
Nararamdaman naman ni Rod ang pagpupumiglas nito, kaya mas lalo pa niyang pinangigilan ang unan at diniinan ang pagkakadagan rito. Naririnig niya ang paghahabol hininga nito ngunit hindi siya naaawa. Para sa kanya ay ito ang nararapat, upang hindi na siya mahirapan pang mag-alaga rito.
Hanggang sa unti-unting nabibitawan ni Lea ang pagkakakapit sa unan. Hindi na kinaya at tuluyan nang bumigay at bawian ng buhay.
***
Mabilis na napadilat si Rod mula sa isang bangungot. Nagpakawala siya ng napakalalim na buntong hininga't nagpasalamat na panaginip lang ang lahat. Ramdam niyang halos naubusan siya ng hangin dahil sa pagkakahingal. Dali-dali siyang kumalas sa pagkakayakap sa asawa at bahagyang lumayo upang tingnan ito.
Natigilan siya't ilang beses napalunok ng makitang may nakaharang na unan sa pagitan nila. Kinakabahan niyang inalis ito sa mukha ni Lea at nanlaki ang mga mata niyang makitang halos hindi na ito gumagalaw o humihinga man lang.
"Le...Lea?" Nanginginig ang kalamnan niyang tawag dito habang mahina itong niyuyugyog. Ngunit hindi umiimik ang huli.
"Mahal gumising ka... Lea!" Halos maalarma na ang buo niyang sistema. Kinapa niya ang palapulsuhan nito at pinakinggan ang tibok ng puso nito. Ngunit bigo siya at napagtantong wala na itong buhay.
Ang pinakamasakit ay iniisip niyang siya ang pumatay dito at may kinalaman ang panaginip sa pagkawala ng minamahal.
"Lea!!!" ilang oras din niyang sinisigaw ang pangalan nito, habang patuloy niyuyugyog.
Hindi niya matanggap na siya ang pumatay sa sariling asawa. Kaya mabilis niyang kinuha ang baril sa drawer at agad kinasa.
"Hindi ako makakapayag Lea... Hindi ako makakapayag." Agad niyang tinutok sa kanyang sentido ang baril. "Kaya magsasama pa rin tayo sa kabilang buhay..."
Ngunit di niya naituloy ang binabalak at humagulgol na lang sa tabi ng walang buhay na asawa.
BINABASA MO ANG
666 Words: Nightmare
Paranormal"Anim (6) na pares, Anim (6) na panaginip, Anim (6) din ang mamamatay. Paano ka makakaligtas?" Copyright © 2016 by Derl028 All Rights Reserved.