Hinog na Kalayaan: Bonifacio

17 2 9
                                    

-;-;-;-

~

"Bitawan niyo ako! Sino ba kayo?" tanong ko.

"Pilipinong sundalo kami. At nandito kami upang dakpin ka." Nangunot ang aking noo, ano ba ang kanilang ginagawa? Hindi ba dapat ay kakampi namin ang mga ito? Kasama naming lumalaban sa mga Kastilang ipinagkait ang lupang tinubuan na para sa aming mga kababayan.

"Sa anong dahilan? Wala akong natatandaan na may nilabag ako sa kasunduan!" inis kong saad habang pinipilit kong magpumiglas.

"Andres!" Napalingon ako sa aking kapatid na ngayo'y nakagapos na ang mga kamay at binti.

"Protacio!" pagtawag ko sa aking kapatid.

Tiningnan ko ang mga sundalong nakahawak kay Protacio, "Bakit niyo iginapos ang aking kapatid? Sino ang nag-utos sa inyo?" tanong ko ngunit hindi nila ako sinagot. Nagsisimula na akong makaramdam ng galit, bakit nila ito ginagawa sa amin?

"Bakit hindi niyo sinasagot ang tanong ko? Sino ba ang nag-utos sa inyo?"

"Ako." Bago pa ako makalingon, naramdaman kong may humampas sa likod ko at doon na ako nawalan ng malay.

~

"Pakiusap, pakawalan niyo na kami ni Andres! Wala kaming nilabag na kahit ano! Isinusumpa ko iyan sa Diyos at sa ating bansa—ahhh! Tama na!" rinig kong sigaw ng aking kapatid.

Protacio?

Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, nasaan ako?

Napatingin ako sa paligid ko. Kahit madilim, marami akong puno at damong nakikita—teka, parang pamilyar ang lugar na ito, bakit nasa bundok Buntis ako?

"Tama na—ahhhh! Pakiusap, tumigil na kayo!"

Napatingin ako sa gilid ko kung saan nanggagaling ang boses na 'yon at doon ko nakita ang kaawa-awa kong kapatid na walang awang nilalatigo ng mga sundalo.

"Itigil niyo 'yan! Huwag niyong saktan ang kapatid ko! Wala kaming nilabag sa kasunduan!" sigaw ko, pero tila wala silang mga tainga, patuloy pa rin nilang nilalatigo ang aking kapatid.

Ano ba talaga ang nangyayari?

"Gising ka na pala." Napatingin ako sa nagsalita.

"Emilio?" Hindi ako sigurado kung siya nga 'yon, sapagkat nakapwesto siya sa madilim na parte ng malaking puno.

Lumapit pa siya sa akin dahilan para makita ko nang maayos ang kaniyang mukha.

"Ako nga," nakangising saad niya, nagpanting ang tenga ko sa narinig, ikinuyom ko ang aking kamay.

"Bakit mo ito ginagawa?"

Imbis na sagutin niya ako, tumingin siya sa sundalong katabi niya, "Bigyan niyo ako ng latigo," utos niya na kaagad sinunod ng sundalo.

"Emilio, maayos tayong nagkasundo. Wala akong nilabag sa kasunduan!" galit kong turan, ngunit hindi niya ako pinakinggan. Sa halip ay nilatigo niya ako bilang tugon.

Napadaing ako sa sakit. Hindi ko akalain na sa dinami-rami ng taong hahamakin ako, siya pa! Na siyang kaibigan at kapanalig ko sa aking nag-iisang layunin, ang mapalaya ang aming bansa.

Sa oras na makalagan ko ang aking sarili, papatayin ko siya! Sapat na ang ikinikilos niya ngayon para gawin ko iyon sa kaniya. Isa man itong kaanak o kaibigan ay hindi ako magdadalawang isip na patayin ang mga ito sa oras na magtaksil sila sa aming inang bayan. Hinding-hindi ko siya mapapatawad!

"Wala nga ba? E, ano pala itong naririnig ko na plano mong tanggapin ang alok ng konseho bilang presidente ng bansa?" aniya bago niya ako nilatigong muli.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Feb 07, 2022 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hinog na KalayaanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon