“Pero kuhanin na natin!” sigaw ng isang bata habang nakatingin sa itaas ng puno ng mangga.
“Ikaw ang aakyat, o ako?” sagot naman ng isa pabalik dito.
Napakagat sa labi ang batang nakasuot ng kulay asul na kamiseta at saka umiling. “Ayoko, ikaw na lang kaya?” sabi nito nang may pangamba sa mukha na hindi niya kakayanin ang pag-akyat ng puno.
Napangiti na lamang ako habang pinagmamasdan ang dalawang bata na nagtatalo kung sino ang kukuha ng pulang lobo na nakasabit sa puno ng mangga.
“Bakit mo kasi nabitawan eh? Ayan tuloy, mukhang hindi na natin makukuha.” Pagrereklamo ng kasama niya. “Tara nga, tawagin natin si Kuya at magpatulong sa kanya na kuhanin yung lobo!” saka sila naghawak kamay at naglakad papalayo sa kinaroroonan ng pulang lobo. Pinagmasdan ko na lamang silang maglakad hanggang sa sila’y tuluyang maglaho sa aking paningin.
Agad naman akong lumapit sa kaninang pwesto ng dalawang bata. Tumingala ako at nakita ang pulang lobo na nakasabit dito. Ang dulo ng tali nito ay dalawang dangkal lang ang layo sa dulo ng daliri ko kung ako’y tatalon para ito’y abutin kaya naman ginawa ko na.
Tumalon ako at naabot ko ang lobo.
Isang ala-ala ang bumalik nang mapasakamay ko ang kaninang tinitingala ko lamang.
“Uy,” lumingon ako sa batang nasa kaliwa ko, nakangiti siya sa akin. At hindi lang ang mga labi niya ang nakangiti, kundi pati na rin ang kanyang mapupungay na mga mata.
“Uy,” sagot ko sa kanya pabalik at naupo na rin siya sa aking tabi.
Dumukot siya sa bulsa ng kanyang bistida at ipinakita ito sa akin. “Tignan mo, binigyan ako ni tatay ng piso dahil sinunod ko ang utos niya kanina,” kwento niya nang hindi inaalis ang kanyang ngiti, pero ngayon hindi na ito buo. “Sabi ko kasi may gusto akong bilhin, kaya sabi niya, bibigyan niya ako ng pambili kung susundin ko raw ang utos niya.”
“Eh ano ba ang gusto mong bilhin?” tanong ko sa kanya.
Tumuro naman siya sa bandang likuran ko at nakita ang mama na may hawak hawak na mga lobo. “Gusto ko no’n. Tara bumili tayo!”
Dali dali kaming tumayo at tumakbo sa direksyon ng lalaking may hawak na mga lobo. Nang makalapit na kami ay tinanong niya kung ilan ang pwedeng mabili sa dala niyang pera. Sinagot naman ito ng lalaki at sinabing isa lang, dahil sitentay singko sentabo ang isa. Napatingin ako sa kanya at nakita kong medyo nalungkot siya dahil siguro isa lang ang pwede naming mabili. Kaya naman ngumiti ako sa kanya at sinabing, “Ayos na iyan, ikaw lang naman ang bibili.”
“Ngunit paano ka? Gusto ko mayroon ka rin.” Pero sabi ko ayos lang. At bumili na siya ng lobo.
Doon ko nalaman na mabait siyang kaibigan. Palagi siyang gumagawa ng paraan para magkaroon din ako ng kung anong mayroon siya. Minsan naitanong ko sa kanya kung ano ang dahilan, at ang sagot niya sa akin ay, “Para na kasi kitang kapatid!” at doon napangiti ako.
Naging magkaibigan kami nang makita ko siya sa ilalim ng puno ng mangga habang nagsusulat ng kung ano sa isang kwaderno. Nakatingin lamang ako sa kanya noon at laking gulat ko nang bigla siyang tumingin pabalik sa akin at saka ako nginitian. Noong mga panahon na iyon ay gusto kong umalis sa pwesto ko dahil nahihiya ako na nahuli niya akong nakatingin sa kanya. Pero hindi ko na nagawa dahil bigla na niya akong nilapitan at kinuha ang kamay ko para ayaing maupo sa kanyang tabi. Simula noon ay palagi na kaming nagkikita sa lugar na iyon tuwing hapon pagkagaling sa paaralan para magkuwentuhan, maglaro ng kung anong pwedeng laruin, pati na rin ang pagmasdan at pagtawanan ang mga tao.
Lumaki kaming magkasama, sabay kaming nasugatan dahil sa pagtakbo, nakita ko kung paano siya paluin sa puwet dahil sa hindi niya pagsunod sa magulang niya, at nasaksihan ko rin ang kanyang pag-iyak sa hindi ko alam na dahilan. Nakita ko kung gaano siya katatag, at lahat ng iyon ay magkasama naming pinagdaanan.
Kinuwento niya sa akin lahat ng mga pangarap niya sa buhay – na gusto niyang makaalis sa lugar kung nasaan kami at magtungo sa malayo; na gusto niyang maging malaya sa ilang tao; na gusto niyang makalipad gaya ng kung paanong nakakalipad ang mga lobo. Gaya ng palagi niyang sinasabi, gusto niyang kasama rin ako sa mga pangarap niyang iyon.
Ngunit nang tumuntong kami sa huling taon sa sekondarya ay unti unti siyang nagbago. Hindi na siya madalas nagpapakita sa akin at madalang na siyang pumasok sa eskwela. Kapag naman pumupunta ako sa kanila ay ang tatay niya lang ang humaharap sa akin, sinasabi na wala raw doon ang kaibigan ko. Minsan naman, nakikita ko siya sa klase pero hindi ko siya malapitan dahil maraming lalaki ang nakapalibot sa kanya, kabarkada ng kanyang kasintahan. Madalang nang magtama ang mga mata namin, at kapag nangyayari iyon, agad siyang umiiwas ng tingin. Ang dating ay parang hindi ko na siya kilala. . . at minsan naiisip ko na baka hindi nga talaga.
Dahil gustong gusto kong malaman ang dahilan ng kanyang pagbabago ay nilakasan ko ang loob ko para makausap siya. Uwian no’n at sakto naman aynakabuntot sa kanya ang kasintahan niya’t mga kaibigan nito.
“Uy,” bati niya sa akin nang harangin ko siya sa paglalakad, subalit dama ko ang ilang sa kanyang boses.
Bumuntong hininga ako. “Pwede ba tayong mag-usap?” at sa tanong na iyon ay nakita kong muli ang mga ngiting kay tagal ko nang hindi nakikita.
Nagtungo kami sa dating tambayan. Hindi pa man ako nagtatanong ay bigla na siyang umiyak pagka-upong pagka-upo namin sa ilalim ng puno. Sa pang-ilang ulit na pagkakataon ay nakita ko na naman ang mga luha niya, pero hindi ko pa rin alam kung bakit ito tumutulo. Ngunit hindi ako nag-atubiling magtanong, hinintay ko ang pagkakataon na siya mismo ang magsabi sa akin.
“Patawad,” ani niya matapos ang ilang minuto sabay hawak sa kamay ko. “Hindi na kita pwedeng isama pa sa akin. Hindi na pwedeng magkaroon ka rin ng kung anong mayroon ako. Hindi na.” Pinagmasdan ko siya nang tahimik. Tumingin ako sa kanyang mga mata at doon ay naintindihan ko na kung bakit. Ang dahilan ng mga luha niya, ang rason kung bakit hindi siya palaging naglalagi sa kanilang tahanan. “Patawad.” Sabi niya uli. Ito na rin ang huling salita na narinig ko mula sa kanya.
Kinabukasan ay nabalitaan ko na lamang na umalis na siya sa kanilang bahay, nagtanan daw, ayon sa mga tsismosa at tsismoso sa kanto. Ilang linggo naman ang lumipas ay nabakante na rin ng tuluyan ang bahay nila at ang may ari no’n ay nagsabit na ng “for rent” sa berdeng gate nito.
Nagkatotoo ang isa sa kanyang pangarap. Nakaalis siya sa lugar namin, ngunit ang totoo ay hindi siya nakaalis ng tuluyan sa kadahilanang laman pa rin siya ng usap-usapan sa araw-araw. Hindi pa rin siya malaya.
Maraming nagsasabi na sayang siya dahil sa ginawa niya, pero hindi nila batid kung ano ang tunay na dahilan.
Ako’y nainis, ako’y nagalit, hindi dahil sa naging mahina siya. Ako’y nainis, ako’y nagalit . . . sa sarili ko. Dahil wala man lang akong nagawa para sa isang taong mahalaga sa akin. Kung sinabi niya lang sana, kung nagtanong lang ako.
Pinagmasdan ko ang pulang lobo na aking hawak. Ilang oras na ang nakakalipas pero hindi pa rin bumabalik ang dalawang bata na nakita ko. Nais ko sana itong ibigay sa kanila. Tumingin ako sa aking relo, lagpas alas singko na ng hapon. Apat na oras na akong naghihintay sa pagbabalik nung dalawang bata.
Hindi nagtagal ay tumayo na ako at nagtatangka nang umalis pero naalala ko na mayroon pa pala akong hawak. Tumingala uli ako at pinagmasdan ito. Ang pulang lobo ay may halo nang kulay kahel dahil nasisinagan ito ng papalubog na araw. Ang pulang lobo ay nais nang makalipad.
Pumikit ako at inisip siya, sa huling pagkakataon.
“Para sa iyong mga pangarap, para sa iyong ala-ala,” sambit ko.
At binitawan ko ang pulang lobo para mahagkan nito ang mga ulap.