TININGALA ko ang matatarik na bundok at iilang lupain na natatanaw ko mula rito sa balkonahe ng kaniyang kuwarto. Unti-unti nang bumababa ang araw kaya makulimlim na ang buong kapaligiran. Iyon ang nagpaalala sa akin na kailangan ko nang umalis at umuwi sa amin.Paniguradong hinahanap na ako ng mga kapatid ko. Magluluto pa ako. Iyon ay kung may mailuluto pa sa bahay.
Bumalik ako sa loob ng kaniyang kuwarto habang hawak pa rin ang parteng itaas ng kumot na nakabalot sa katawan ko. Muli kong napagmasdan ang lalaking payapang natutulog sa malaking kama na hinagaan ko rin kani-kanina lang.
Medyo magulo ang buhok ni Innocencio Contejo ngayong nakalapat ang likod ng ulo sa unan. Muli akong nabigyan ng laya na pagmasdan ang magandang hubog ng kaniyang katawan. Wala kasi siyang suot pang-itaas habang ang ibabang bahagi ay natatakpan lang din ng kumot.
Hindi ko talaga masisisi ang maraming babaeng nagkakagusto sa kaniya. Sa matipuno pa lamang niyang dibdib ay tila papanawan na ng hininga ang iilang kababaihan. Paano pa kaya kung mapagmasdan nila nang ganito kalapit ang abs niyang biyaya yata mula sa langit?
Tamang-tama lang din ang height niya para sa isang lalaki. Ang mga braso ay matitigas at medyo maugat magmula sa likod ng kamay. Hindi siya maputi ngunit hindi rin naman maitim. Katamtaman lang ang kulay ng balat.
Pinagsawa ko ang mga mata ko sa kaniyang katawan bago ito unti-unting itinaas sa kaniyang payapang mukha. Sinusulit ko na ang pagkakataong ito. Hangga't maaari ay gusto kong mamemorya ang bawat detalye ng kabuoan niya dahil . . . baka ito na rin ang huli na makikita ko siya.
Pikit na pikit ang mga mata niya sa paghimbing ngunit alam na alam ko kung gaano ito kaganda sa tuwing nakadilat. Bahagyang bilugan ang mga mata niya at para bang palaging bagong gising at namamangha. Itim na itim ang mga kilay ngunit hindi naman sobrang kapal. Ang ilong ay napaka-ideal dahil sa tangos at ganda ng pagkakahulma. Ang maninipis niyang mga labi ay para akong palaging inaakit sa sobrang lambot ng itsura.
Sa kanilang magpipinsan na Contejo, isa siya sa mga mukhang suplado at para bang mabilis magalit o mainis. Inaamin kong hindi siya mukhang mabait o marunong magpakalambot noong unang beses ko siyang makita, pero habang tumatagal na nakikilala ko siya . . . unti-unti akong nahulog dahil isa siya sa mababait na taong nakilala ko.
Mukha lang siyang hindi mabait pero kapag naumpisahan na siyang makasama o makausap nang matagal, doon mo lang mapagtatanto na sobrang bait niya at marespeto.
Mabigat akong nagpakawala ng buntonghininga at pinagpupulot ang mga damit kong nagkalat sa sahig. Dahan-dahan at sobrang tahimik ko iyong ginawa dahil ayaw kong magising siya. Gusto ko sanang umalis na hangga't hindi pa siya nagigising dahil alam kong babalik na naman ang usapan namin sa pinag-uusapan namin kanina. Ayoko nang pag-usapan 'yon dahil wala rin namang mangyayari. Wala na rin naman kaming magagawa.
Pinilit kong huwag gumawa ng ingay habang isinusuot kong muli ang mga damit ko. Kasalukuyan kong isinusuot ang bra ko nang unti-unti siyang gumalaw, nag-inat ng mga braso at nagmulat ng mata. Mabigat na lamang akong nagpakawala ng hininga dahil wala rin palang saysay na kumikilos ako ng tahimik dito.
Mabilis na nahanap ng mga mata niya ang mga mata ko. Unti-unting nagdikit ang mga kilay niya habang pinanonood akong isinusuot na ang t-shirt ko.
"Where are you going?" matigas niyang tanong sabay bangon mula sa pagkakahiga.
"Uuwi na ako," tipid kong sagot.
Hindi nakatakas sa paningin ko ang paglungkot ng ekspresyon niya.
"Puwede bang mamaya na? Just stay here for another hour," malambing niyang saad.
Umiling ako. "Hindi puwede, Inno. Hinahanap na 'ko ng mga kapatid ko. Wala pang pagkain sa bahay. Magugutom 'yong mga 'yon."
BINABASA MO ANG
Burning Pages of Adoration (Isla Contejo #4)
RomanceIsla Contejo Series #4 (4/5) Poverty is probably the worst root of desperation and greediness for other people. Catrisse Vecina has been living with poverty all her life, but it is never a reason for her to be greedy and desperate for money. Hindi k...