Matalik na Kaibigan 1

2.3K 6 0
                                    

Si Capt. Roger Salas ay isa sa mga magigiting nating sundalo na nakikipagdigma sa parteng south ng Pilipinas upang lupigin ang mga bandido doon. Marami na rin siyang natanggap na medalya at citation sa kanyang pagiging kawal. Subalit bago niya narating ang kinaroroonan niya ngayon ay nagdaan din siya sa pangungutya ng mga taong nakapaligid sa kanya at ang masama pa dito ay mula na rin sa kanyang sariling ama.


Lumaki si Roger sa isang military camp sa Gitnang Luzon. Anak siya ng isang militar. Ang kanyang mga nakagisnan na kalaro ay mga anak din ng militar. Sa murang edad niya ay mas kinagaanan niya ng loob ang makipaglaro sa mga kababaihan. Madalas siya noong tuksuhin na bakla ng mga kababata nitong kalalakihan. Pinilit niyang makipagkaibigan sa kapwa niya lalaki dahil sa tuwing makikita siya ng kanyang ama na nakikipaglaro sa mga babae ay tiyak makakatikim siya ng sinturon pag-uwi niya sa bahay.

Labag man sa kalooban niya ay natuto siyang maglakwatsa kasama ang mga kalaro niyang lalaki. Natuto siyang magtirador ng ibon, manghuli ng gagamba at umakyat sa mga puno upang mamitas ng bunga ng mangga, santol, bayabas at kung anu-ano pa sa paanan ng bundok na malapit sa kampo. Kahit papaano ay naranasan niya ang mga gawain ng mga kalalakihan sa kanilang lugar.

Nang mag-teenager si Roger ay nahilig siya sa pagsasayaw. Lingid sa kaalaman ng tatay niya ay sumali siya sa isang group dance contest sa kanilang lugar. Kasama niya sa grupo ang tatlong babae at dalawang bading na classmates niya. Bago dumating ang gabi ng contest ay nalaman ng tatay ni Roger na kasama siya sa dance contest na ang kasama niya ay mga bading at babae kaya naman hindi niya ito pinalabas ng bahay sa araw ng paligsahan. Bugbog sarado si Roger sa kanyang tatay kaya naman ilang araw din siyang hindi lumabas ng bahay para walang makakita sa kanyang mga pasa.

Mahal na mahal si Roger ng kanyang ina subalit wala itong magawa sa tuwing sasaktan siya ng kanyang tatay. Tanging mga payo na lamang ng kanyang ina ang sundin na lamang ang gusto ng kanyang tatay para hindi na siya masaktan. Ipinaliwanag din sa kanya ng kanyang ina na mataas kasi ang pangarap ng kanyang ama sa sarili kaya lamang ay di na niya ito matutupad. Si Roger ang nag-iisang anak nila ang inaasahan niyang magiging heneral balang araw.

Pilit itinago ni Roger sa kanilang school ang kanyang tunay na pagkatao. Subalit pinagdududahan pa rin siya dahil di pa rin siya nagkakasyota o di man lang nanliligaw ng babae. Sa halip na bigyang pansin ni Roger ang mga bagay na iyon ay ibinuhos na lamang niya sa pag-aaral ang kanyang panahon. Naging consistent topnotcher si Roger sa kanilang klase. Dahil dito ay dumami pa ang naging kaibigan ni Roger mapababae man o lalaki. Marami ring nagkaka-crush na babae sa kanya dahil may itsura naman si Roger. Subalit talagang di niya type ang magkasyota.

Fourth year high school si Roger noon nang makilala niya ang transferee sa kanilang school na si Mark. Galing sa private school si Mark at anak din ng opisyal na militar. Nakick-out daw si Mark sa dating school nito at wala ng private school na gustong tumanggap sa kanya. Palibhasa opisyal sa kampo ang ama ni Mark kaya natanggap siya sa school ni Roger. Gwapo at napakalinis tignan ni Mark lalo sa sa kasuotan niyang puting polo at itim na pantalon. Halos lahat ng kababaihan sa school ay nagkaka-crush kay Mark. Kay Roger siya unang nakipagkaibigan ng malaman niyang top notcher ng klase nila si Roger.

Noong nasa private school pa si Mark ay style na niya ang magdididikit sa mga matatalinong classmate niya upang sa oras na mangailangan siya ng tulong sa mga assignment niya ay may malalapitan siya. Ganoon din ang ginawa ni Mark kay Roger. Mabait naman si Roger kaya sa tuwing kailangan ni Mark ng tulong niya ay hindi niya ito binibigo. Sa pagsama-sama ni Mark kay Roger ay di niya inalintana ang mga panunukso sa kanila na magsyota silang dalawa. Kahit aminado si Roger kay Mark na totoo ang panunukso ng kanilang mga classmates sa kanya na siya'y may pagkasilahis ay binalewala lamang ito ni Mark basta huwag lang daw siyang papatusin nito.

M2M Kwentong KalibuganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon