02: Brian

87 9 1
                                    

02

nag-iisa sa table na pang-dalawa.


//


"Ano nga ang pangalan no'n?" tanong ko sa sarili habang pilit inaalala ang minemorize kong mga pangalan para sa quiz namin ngayon.



Ilang saglit pa akong nag-isip bago ako tuluyang sumuko. Wala nang patutunguhan 'to kaya kinuha ko ang mga libro sa ibabaw ng lamesa at inilagay sa loob ng bag. Pagkatapos ay buong tapang na naglakad palabas ng school, papunta sa Karinderya ni Aling Carol.



Hindi pa ganoon karami ang nare-review ko para sa quiz. Nakakatamad din mag-review mag-isa, late kasi kung magsidatingan ang tropa ko. Pero bahala na, huhulaan ko na lang siguro mamaya. Hindi ko sigurado ang kalalabasan. Ang sigurado ko lang ay nagugutom ako.



Matapos makuha ang order na tapsilog, dumiretso ako sa paborito kong puwesto rito sa Karinderya. Sa ilalim ng puno. Ang kaso, nang hihilahin ko na sana ang upuan, may isang kamay pang nakahawak dito.



"Sorry, Miss. Sige, sa'yo na," sambit ko kasabay ang isang tahimik na dasal na sana... sana tanggihan n'ya dahil gusto ko talaga ang lamesa na 'to.



"Thank you," ang sabi n'ya.



Agad natunaw ang sana ko. Hindi man lang nag-insist. Kaya naman dismayado na lang akong umalis at humanap ng ibang lamesa.



Prente na akong naka-upo. Ready na rin ang toyo't kalamansi. Kaso nakalimutan ko pa lang kumuha ng tubig. Ayoko namang mamaya na kumuha, baka hindi sinasadyang mabulunan ako. Wala pa naman akong kasama, wala akong taga-rescue.



Nang makakuha ako ng tubig, umupo na ulit ako. At walang pagdadalawang-isip na sinimulang kumain. Ngayon ko lang na-try iyong tapsilog dito. At sa unang subo ko, napa-inom agad ako ng tubig. Ang alat, sobra.



Nakarinig ako ng tawa sa kung saan kaya agad ko naman iyong nilingon. Isang praning na nilalang siguro. Schoolmate ko pero hindi ko naman kilala kaya hindi ko na lang pinansin kahit halatang ako ang pinagtatawanan n'ya.



Nagulat na lang ako nang nasa harapan ko na s'ya hawak ang tray kung saan nakalagay ang order n'yang pansit bihon.



"Ano 'yon, Miss?" buong pagtataka kong tanong. Medyo natatakot na ako sa presensya n'ya.



"P'wedeng maki-share ng table?" buong ngiti naman niyang tanong.



Umiling ako. "Dami pang bakanteng lamesa, oh."



"Kuya, hindi mo ba naisip? Sayang sa table. Kaya pumayag ka na, may kailangan din ako sa'yo."



Hindi pa ako nakakasagot ay umupo na s'ya. Napa-iling na lang ako. Pagtapos akong tawanan kanina, ang kapal naman ng mukha n'ya.



"Bakit kasi tapsilog?"



"Bakit hindi?"



"Maalat, 'di ba?" natatawa n'yang sambit. "Nasubukan ko na 'yan dati, eh. I mean, may alat naman talaga dapat 'yung tapa, pero hindi gan'yan. Kaya ayon, hindi na ako umulit."



Bahagya akong natawa. Pagtitiisan ko tuloy 'tong maalat na tapa ngayon.



"Hindi ka ba nagtataka kung bakit marami pa ring kumakain dito kahit minsan palpak iyong luto nila?" tanong n'ya.



"Kasi mura."



"Nadali mo!" sabi n'ya at pinalakpakan pa ako. Hindi ko alam kung anong dahilan at tuwang-tuwa ang isang 'to. "At saka hindi naman lahat palpak, minsan ayos naman. May specialty lang siguro talaga si Aling Carol. Masarap 'yung Kaldereta, kasama sa menu 'yun pag lunch. Na-try mo na ba?"



Tumango ako. Hindi ko yata kayang tapatan ang kadaldalan nito.



"Ano nga pala ang kailangan mo sa akin?"



"Actually... wala," sabi n'ya na may alanganing ngiti. "Gusto ko lang talagang may kasabay kumain. Sakto naman ikaw lang iyong nakita ko na mag-isa rin. Ang lungkot kaya kumain mag-isa."



"Eh, bakit ka ba mag-isa?"



"Tumakas lang kasi ako. Nagre-review iyong mga kaibigan ko, masyado silang seryoso, 'di ko na kinakaya. Kaya ayun, umalis muna ako. At saka nagugutom din ako."



Muntik pa akong masamid nang matawa ako sa kwento n'ya.



"'Wag mo akong tularan."



"Wala na, nagawa ko na, eh. Nagre-review rin ako bago ako magpunta rito. Walang pumapasok sa utak ko kaya tinigilan ko na."



"Totoo ba?" natatawa niyang tanong.



Natatawa naman akong tumango.



"Grabe. Astig naman," sabi niya habang pinupunasan ang luha na dulot ng pagtawa. "HUMSS Student ka?" tanong n'ya habang nakatingin sa ID lace ko.



Tumango na lang ako. Kahit nga hindi ako sumagot ay alam na rin naman n'ya ang sagot.



"Ikaw?" tanong ko dahil kasalukuyan niyang hindi suot ang ID n'ya.



"STEM. Kita mo 'yon?" tanong n'ya at itinuro iyong babae at lalaki sa lamesa sa ilalim ng puno. "Kaklase ko 'yun."



"Bakit hindi ka na lang doon naki-table?"



Kung ako naman kasi ang tatanungin, ayos lang sa akin na mag-isa ako sa table. Hindi naman malungkot gaya ng sabi n'ya.



"Moment na nila 'yan. Halata namang crush ni Ross si Andy."



Tumango na lang ako. Wala naman akong alam tungkol sa kanila. Ang alam ko lang, dapat talaga ako ang nakaupo roon ngayon sa ilalim ng puno.



"Wala ka bang kaibigan sa STEM?"



"Meron. Sa section E, kaibigan ko pa nung junior high."



"Ahh. Fourth floor ang HUMSS, 'no?" tanong n'ya, tumango ako. "Kaya siguro 'di ka familiar. Bukod sa transferee ako last year, ang layo n'yo sa amin, eh."



"Swerte n'yo, 'no? First at second floor sa STEM."



"Huy, swerte rin kaya kayo. Exercise kaya ang pag-akyat ng hagdan."



"Subukan mong ikaw ang umakyat araw-araw."



"No, thanks," natatawa n'yang sabi. "Pero... hindi naman siguro tayo tamad na estudyante, 'no? May mga panahon lang talagang napapagod tayo at kailangang magpahinga.



Tumango ako tanda ng pag-sang-ayon. "At may panahon din na nagugutom lang tayo at kailangang kumain."



"Tama. Tama ka d'yan," nakangiti niyang sambit habang nakaturo pa sa akin ang kutsara n'ya. "Hala ka! 8:50 na pala..." sabi n'ya, tapos ay lumingon sa akin. "Babalik ka na ba sa school?"



"Sabay na tayo?"



Tumango s'ya. Tumayo na s'ya at tatalon-talon pang bumaba sa tatlong baitang na hagdan. Napahinto ako nang bigla s'yang lumingon sa akin habang nakangiti.



"Busog!"



Hindi ko naman maiwasang mapangiti. May kung anong nakakahawa sa ngiti n'ya.



Hindi rin naman pala masamang may kasama sa lamesang pang-dalawa.



Sabay naming binagtas ang daan papunta sa building ng SHS. Sa first floor lang pala s'ya. Swerte nga naman. Mukhang matutunaw agad ang kinain ko sa oras na umakyat ako sa itaas.



Hindi pa rin nawawala ang ngiti n'ya nang magpaalam s'ya sa akin hanggang sa makapasok s'ya sa classroom nila at mawala sa paningin ko.



"Brian, nag-review ka?" tanong ni Peter, isa sa kaibigan ko, nang makasabay ko s'ya sa hagdan.



"Hindi. Ikaw ba?"



"Hindi rin, pre. Tara, review. May five minutes pa," sabi niya sabay takbo paakyat ng hagdan, tumakbo na rin tuloy ako.



Habol ko ang hininga nang makaakyat sa ika-apat na palapag nang may bigla akong maalala. Sinubukan ko pang tumanaw sa ibaba, umaasang makikita ko siya kahit imposible dahil nakita ko mismo s'yang pumasok sa classroom nila.



Ano nga ang pangalan no'n?

uuwi sa walaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon