DUMERETSO si Martina sa clinic saka humingi ng band aid para sa sugat niya. Paglabas niya ng clinic ay napahinto siya sa kanyang kinatatayuan nang masalubong ang campus heartthrob na si Jake Valenzuela. Isang fifth year student sa kursong Civil Engineering. Kaklase niya ito noong high school at kababayan.
Nagkunwari siyang hindi ito nakita at tumuloy siya sa paglalakad ngunit hindi niya akalaing susundan siya nito hanggang sa tapat ng botany garden.
"Martina!" awat nito at bigla na lamang hinapit ang kanang braso niya.
Napilitan siyang huminto at hinarap ito. Iniwaksi niya ang kamay nito. "May next subject pa ako," aniya.
"Alam ko. Bakit ba umiiwas ka sa akin? Wala naman akong ginagawa sa iyo, ah," anito.
"Wala na akong oras para makipag-usap sa 'yo." Gusto lang talaga niya itong iwasan.
Ngumisi ang lalaki. "Ang sabihin mo, ayaw mo akong makausap. Hey! Ano ba ang problema mo sa akin? Okay ka naman sa akin noong high school, ah? Sino ba'ng nakita mo rito sa campus at mukhang hindi mo na ako kilala?" sabi pa nito.
Naalala na naman niya ang panahong abot langit ang paghanga niya kay Jake. Hinangaan niya ito bukod sa ito ang pinakamatalino sa klase nila, ito ang pinakamayaman, guwapo at malakas ang sex appeal. Katunayan gumawa pa siya ng fans club nito sa basketball. Magkakilala ang parents nila kaya sa tuwing may okasyon sino man sa pamilya nila ay imbitado sila at nagkikita sila nito madalas. Pero ibang-iba ang ugali ni Jake kapag nasa school sila. Parang hindi siya nito kilala. Kapag nasa labas naman at wala na ang mga high profile nitong barkada at wala na ang mga babaeng baliw dito ay saka lamang siya pinapansin. Palibhasa, wala siyang pakialam sa pisikal niyang anyo noon. Ni tamad siyang magsuklay ng buhok at iniwasan pa siya ng ibang estudiyante dahil mukha raw siyang mangkukulam. Ni hindi niya kilala ang perfume o cologne. Isa pa si Jake sa mga bumu-bully sa kanya at binansagan siyang manananggal dahil mahilig magpahid ng langis sa buhok kaya amoy langis siya.
Pero noong fourth year high school sila ay natuto siyang mag-ayos sa sarili. Kung kailan malapit na silang magtapos ay saka naman nahumaling sa kanya si Jake. Madalas siya nitong hinahatid sa bahay nila. Palagi siya nitong binibigyan ng puting rosas at tsokolate. Naging malapit sila sa isa't-isa pero hindi pormal na magkarelasyon dahil bantay-sarado si Martina ng Kuya Mark niya. Pinagbawalan siyang mag-boyfriend. Katunayan, si Jake ang dahilan kung bakit gusto niyang kumuha ng kursong architecture. Sinabi nito noon pa na engineering ang kukunin nitong kurso.
Subalit biglang nagbago si Jake pagdating ng kolehiyo. Parang bumalik sila sa dati na balewala siya rito at parang wala silang pinagsamahan. Nilimitahan na rin niya ang sarili sa paglapit dito dahil insecure siya sa naggagandahan at mayayamang babae na umaaligid dito. Nobya pa nito ang apo ng Dean na si Kassy Garcia, na nag-aaral din ng nursing.
"Ibinabalik ko sa 'yo ang tanong mo, Jake. Isa pa, matagal na panahon na ang nakalipas. Panahon na para mag-move-on," aniya pagkuwan.
"Fine. I understand. Pero wala namang puwedeng mabago. Ang ganda nga ng usapan natin na architecture ang kukunin mo para kahit papano ay magkasama tayo sa trabaho. Nasaan na ang magandang usapan na iyon, ha?" tila naniningil na sabi nito.
Bumuga siya ng hangin. "Nursing ang kinukuha ko at hindi architecture. Hindi mo ba naiintindihan kung bakit hindi ako natuloy sa kurso na 'yon?" mataray na sabi niya.
"Okay. Wala nang kinalaman ang courses natin dito. Napapansin ko kasi na magmula noong nag-aral ka rito sa university ay hindi mo na ako pinapansin. May nagawa ba akong masama sa 'yo?"
"Wala naman. Naging busy lang ako sa pag-aaral," aniya. Pero marami siyang dahilan at ayaw lang niyang ipaalam dito baka magmalaki pa ito dahil hindi niya ito basta nakalimutan.