PAPASOK na sa gate ng La Estania University si Martina. Dito siya nag-aaral ng kolehiyo sa kursong "Bachelor of Science in Nursing". Pinili niya ang night class dahil mas aktibo siya sa gabi. Huminto siya sa paghakbang nang mapansin ang kamumukadkad na puting rosas na nakatanim sa plant box sa gilid ng pader ng eskuwelahan.
"Wow!" sambit niya habang papalapit sa naturang bulaklak.
Isang dipa na lang ang lapit niya sa bulaklak nang biglang may tumawid sa harapan niya. Sinundan niya ng tingin ang lalaking dumaan. Suot nito ay itim na pulo at itim na pantalong maong. May bitbit itong maliit na maleta. Hindi naman ito mukhang estudyante. Matangkad ito at malaki ang pangangatawan. Barber cut ang buhok nito at halatang bagong ligo. Likod lamang nito ang nakita niya dahil pumasok na ito sa gate ng paaralan. Nanuot sa iling niya ang matapang na pabangong ginamit nito.
Kaagad ding nawaglit sa kukoti niya ang lalaki. Pinitas niya ang puting rosas saka inipit sa kaliwang tainga niya. Wala siyang pakialam kahit late na siya sa klase. Huminto siya sa pasilyo sa ground floor ng limang palapag na gusali nang masalubong ang grupo ng kalalakihan. Kilala niya ang ilan sa mga ito. Mga estudyante ito sa kursong "Bachelor of Science in Criminology".
"Ang dalagang pilipina ay nakita ko na naman. Napakaganda talaga ng mga mata mo, Martina. Saan mo ba nakuha ang abuhin mong mga mata at katamtamang laki nito na naliligiran ng mayayabong na pilik? Sa tuwing nakikita kita ay para akong dinuduyan sa ulap. Nakakaagaw ka ng atensiyon," puno ng paghangang pahayag ni Deon. Ang leader ng sikat na fraternity sa unibersidad.
Umismid siya. "Late na ako kaya paraain ninyo ako!" galit niyang wika.
Ngumisi si Deon. "So what? Hayaan mong tapusin ko ang tula ko para sa 'yo," anito.
"Tumula kang mag-isa!" Inihagis niya ang rosas sa mukha nito saka niya tinagkang tumakbo ngunit hinawakan ng isang lalaki ang kanang braso niya.
"Ano ba! Bitawan mo ako!" asik niya.
Pinagtawanan pa siya ng mga lalaki habang nagpupumiglas siya. Akmang hahawakan ni Deon ang pisngi niya nang biglang may nagsalita.
"Let her go!" Nanggaling ang boses sa likuran nila.
Lahat silang napatingin sa nagmamay-ari ng makapangyarihang boses na iyon. Mabilis pa sa kidlat na pinakawalan siya ng grupo ni Deon. Parang nakakita ng multo ang mga ito at nag-uunahan sa pagtakbo.
Nang mag-isa na lang si Martina ay tumitig siya sa lalaking may sampung talampakan ang layo sa kanya. May dalawang dangkal ang tangkad nito sa kanya. Nakasuot ito ng itim na polo at itim na pantalong maong. Halatang bagong gupit ang buhok na sinuklay lahat ng hibla sa direksiyon ng likod. May hinala siya na ito ang lalaking dumaan sa harapan niya kanina sa gate. Seryoso ito at kapansin-pansin ang banyagang mga mata nitong bumagay sa katamtamang kapal ng kilay nito. Kahit may kalayuan ay makikita ang light brown nitong eyeballs. Matangos ang ilong nito na makitid. Ang mga labi nito ay katamtaman ang nipis na mayroong natural na pamumula.
"Uhm, s-salamat," balisang sabi niya. Hindi niya maawat ang mabilis na tibok ng kanyang puso.
Nakatitig lang sa kanyang mukha ang estrangherong lalaki. Wala siyang narinig mula rito. Pagkabawi nito ng tingin sa kanya ay saka lamang siya nito iniwan. Pumasok na ito sa elevator.
May ilang segundong tulala si Martina bago siya patakbong nagtungo sa kanilang silid-aralan. Nagpasalamat siya dahil hindi pa dumarating ang kanilang guro. Unang araw iyon ng pasukan para sa first semester ng taon.
Third year na si Martina sa kanyang kurso pero may binabalikan siyang subject na hindi niya naipasa sa first year. Ang "Human anatomy". Late na nga siyang nag-aral ay may ibinagsak pa siyang subject. Twenty-three years old na siya pero may isang taon pa bago siya makaka-graduate, depende kung maipasa niya lahat ng subjects niya. Hindi kasi siya komportable sa guro nila noon. Bukod sa mahirap sundan ang paraan ng pagtuturo nito, napakasungit din niyon kaya lalo siyang nahirapan. Hindi na nga siya katalinuhan, ganoon pa ang guro niya.