Matapos ang kanilang hapunan, natanaw ni Mayari sa liwanag ng buwan ang dalawang anyong papalapit sa kanilang bahay. “Inang, nariyan sina Apo Danum at Liway,” sambit ng dalaga.
“Magandang gabi, Bengi.” pagbati ni Danum babaylan at tumango rin ito bilang pagbati kay Mayari. Labag man sa kalooban ni Bengi ay bumati siya sa matandang babaylan at sa mas nakababatang babaylan na kasama nito.
“Batid ko ang dahilan ng pagtungo ninyo sa aming balay. Ikinalulungkot kong hindi nagbago ang aking pasiya,” ani Bengi. “Bengi, aking nauunawaan na ikaw ang nag-silang kay Mayari, ngunit hindi ang iyong pasiya ang aming susundin kundi ang sa iyong anak.” Ikinagulat ni Bengi ang kaniyang narinig. Tumingin ang dalawang babaylan kay Mayari.
“Inang? Ano ang kanilang sinasabi?” Napakunot ang noo ng dalaga at tila nalilito at walang alam sa pinag-uusapan ng matatanda. “ Nais lamang naming hingin ang iyong tulong, Mayari.” Papalapit na si Apo Danum nang pinigilan siya ni Bengi na agad namang pinagsisihan ng babae.
“Paumanhin, Apo Danum. Hindi ko nais na tayo’y magka-alitan. Ngunit lumilikha kayo ng kalituhan.” Tumayo si Bengi sa harap ni Danum babaylan upang pigilan itong makalapit kay Mayari.
“Mahina na si Bathala. Hindi pa man siya pumapanaw ay nag-uumpisa nang mag-hasik ng lagim ang mga alagad ni Sitan sa ibang puod. Patungo na sila rito! Ang kapangyarihan ni Mayari na nagmula sa kaniyang amang si…” at hindi na pinatapos pa ni Bengi ang babaylan. “Apo Danum! Magandang gabi.” Nagngangalit ang mga ngipin ni Bengi. Hudyat para umalis na ang mga babaylan. “Pag-isipan mo ito, Mayari," ani Liway sa kaniyang kababata bago ito umanib at naging babaylan.
Nang makaalis ang dalawang balian, bumaling si Mayari kay Bengi. “Inang, hindi ko maunawaan. Ano ang aking kinalaman kay Bathala? At ang aking amang? Batid ni Apo Danum ang lahat. Bakit hindi ninyo ako pahintulutang tumulog sa ating mga ka-puod?” Ang mga tanong na gumagambala sa kapayapaan ng isip ni Mayari ay siyang pilit na iniiwasan ni Bengi. "Hindi maayos ang aking pakiramdam. Sa ibang panahon na lamang natin ito pag-usapan."
Mahimbing na sa pagkakatulog si Bengi, ngunit naiwang nagmumuni-muni si Mayari. "Tama ka inang," bulong nito. "Hindi ako halintulad sa ibang bayi." Minasdan nito ang tahimik na paghimlay ng kanyang ina at mabilis na nag-pandong at ikinabit ang gintong gansing sa may leeg.
Dahan-dahan itong pumanaog mula sa kanilang balay. Hindi pa man nakalalayo ang dalaga ay may nakasalubong itong isang anyo sa dilim. "Sino ka?" Ngumiti ito sa ilalim ng liwanag ng buwan at dagling naglikha ng bolang apoy ang mga kamay nito. Ang malakas boses ng umalokohan at pag-tambol ang sumunod sumakop sa paligid at nagbabadya ng panganib sa puod. "Isang bayi sa kaparangang balot ng dagim," sambit ng anyong ito kay Mayari. "Mangkukulam!" Sigaw ni Mayari na inihahanda ang sarili sa kasamaang nasa kaniyang harapan.
Humina ang bolang apoy at napaluhod si Mangkukulam. "Dakila!" Pagbawa ng hinakot ng dalaga. Nakita nitong itinarak ang sokot ng kampilan sa likod ni Mangkukulam.
Lumapit ang binatang nakasuot ng bahag at alampay. "Batid ni Apo Danum na pipiliin mo ang nakabubuti kaya ako'y kaniyang isinugo upang sunduin ka." Dagling hinablot ni Dakila ang dalaga at giniyahan ito patungo sa kinaroroonan ng mga babaylan.
BINABASA MO ANG
Bulan
FantasíaIto ay isang maikling kwento ng pagbabalik ng nawawalang anak ni Bathala at kung paano niya natuklasan ang tunay niyang kapangyarihan