"Masaya akong ligtas kayo," sambit ng matandang babaylan. "Ako'y dinalulungan ni Dakila," saad ni Mayari sa babaylan. "Salamat." Taos niyang sinabi sa binata.
"Nakasalubong namin si Mangkukulam. Halap kong hindi niya kami masusuog." Kita sa mukha ni Dakila ang pag-aalaala. "Kinitil mo na siya. Hindi ba?" Pagtataka ni Mayari. "Hindi basta mauutas si Mangkukulam. Siya'y alagad ni Sitan at diwata ng apoy," saad ni Apo Danum. "Pawiin ang iyong pangamba, ato. May enkanto ang baler naming mga balian." Pag-papanatag nito kay Dakila.
"Maging ikaw Mayari ay huwag mangamba. May ilang babaylan akong isinugo upang dalulungan ang iyong inang." Ngiti ng makapangyarihang babaylan sa dalaga.
"Paumanhin Apo Danum, Mayari." Yukod ng mandirigmang si Sigwa. "Nabalaan na ang lahat na magkubli sa kanilang balay. Si Datu Lakan sampu ng iba pang mandirigma ay patungo na rito upang pagplanuhan ang pagkikipag-muok sa mga kasamaan." Tumango ang babaylan at bumalik na sa pag-tataliba si Sigwa.
Makalipas ang ilan pang sandali ay may dumating na dalawang babaylan na tila'y nasaktan. Kasunod nito si Sigwa na may akay na isang babae. "Inang!" Sigaw ni Mayari.
"Ano'ng nangyari?" Gulat na balayag ni Apo Danum. "Apo, dinalumog kami ni Mangkukulam. Pinilit namin maadyahan si Kang Bengi," sambit ni Liway. "Walang galos ang aking inang, ngunit siya'y nagtitigab!" Pag-aalalang puna ni Mayari. Agad na nilapitan ni Apo Danum ang bayi at inilapat sa noo nito ang kaniyang palad. "Ang ganitong pinsala ay magagawa lamang ni Manggagaway," malungkot na sambit ni Apo Danum.
"Tama kayo, Apo. Ginamitan siya ng salamangka ni Manggagaway habang kami'y nakikipag-babagan kay Mangkukulam." Pagsasalaysay ni Dakit.
"Maniwala ka, Mayari. Pilit naming pinawi ang salamangka ngunit hindi kami nagtagumpay," sambit ng luhaang si Liway. Bumaling kay Apo Danum ang tumatangis na si Mayari. Walang tinig o salita ngunit puno ng pagsusumamo.
Sa atas ni Apo Danum ay inilipat si Bengi sa mas maginhawang katre. Ilang sandaling pinilit lunasan ni Apo Danum si Bengi. "Mayari." Lumapit siya sa dalagang puno ng pag-aalala. "Pilingan mo na ang iyong inang. Gahol na siya." Di nito makuhang masdan ang dalaga. "Apo, ba-bakit?" Hilakbot ni Mayari. "Dulugan mo ang iyong ina. Dali!" Pagalit na sagot ng babaylan at iniwan na nito ang mag-ina.
"Anak ko, Mayari," sambit ni Bengi. Nagkukulay abo ang mga labi at humahapo si Bengi. "Mahusay na ba ang inyong pakiramdam?" Pilit na ngumiti si Mayari. "Huwag kang magnuynoy sa aking lagay." Ngiti ni Bengi sa anak habang nangingilid ang kaniyang luha. "Hindi ko ubos lingapin na makikita kitang lumaki, Mayari." Gustong pigilin ni Mayari ang ina na magsalita pa ngunit ibinuhos na ni Bengi ang kaniyang lakas. "Nais kong ituga ang aking kabulaanan," saad ni Bengi."Inang."
"Mayari, ang iyong amang," sambit ni Bengi na hindi mapigilan kahit humahapo. "Inang, nangako ako sa'yo na di na muli siyang hahanapin." Pagtangis ni Mayari na mahigpit ang hawak sa kamay niya. "Ang iyong mga kapatid." Pagtutuloy ni Bengi na tila hindi na nauunawaan ang sinasambit ng anak. "May mga kapatid ako?"
Nais pa mang ituloy ni Bengi ay hindi na kaya ng kaniyang katawan. Minasdan na lamang niya ang mayuming mukha ni Mayari. "Mahal kita, Mayari." Bumaling ang tingin nito mula kay Mayari patungo kay Apo Danum at tuluyan nang pumanaw ang kaniyang lagyo.
BINABASA MO ANG
Bulan
FantasyIto ay isang maikling kwento ng pagbabalik ng nawawalang anak ni Bathala at kung paano niya natuklasan ang tunay niyang kapangyarihan