[Kabanata 14]
"DITO na kayo!" Malalakas ang sigaw ng mga tindera sa mga iba't-ibang pwesto sa pamilihan na animo'y nagkokompitensya na makahikayat ng mga mamimili. Marami ang mga mamimili ngayon ngunit iilan lamang ang mga bukas na pwesto."Saan ba tayo pupunta, Ate?" Laking-gulat ko nang agad na hinawakan ng aking kapatid ang aking pulsuhan. Marami pa naman akong bitbit na mga produktong aming binili, kaya't nababahala ako na sila'y aking mabitawan. "Dahan-dahan lang, Ate!"
"Ano ka ba? Malapit na tayo!" Tila ba isa siyang bata na sabik na sabik na makita ang kanyang ina, kumikinang pa ang kanyang mga mata. Hinila niya ako sa isang masikip na eskinita, maraming mga pulubi ang aming nadaraanan. Ang ilang pulubi ay nakayuko lamang na animo'y nawalan na ng pag-asa sa buhay. Maalikabok na ang paligid dahil sa dalawang araw na walang ulan.
"Sa tingin ko ay napakalayo na ng nalakad natin, At-" Napatigil ako nang mapagtanto kong huminto siya sa paglalakad. Nasa harapan namin ang isang pwesto na sa tingin ko ay ngayon ko lang rin nakita. "At kailan mo pa nalaman ang mga lugar na ito, ha?" Nagtataka ako dahil hindi naman siya gano'n lumalabas sa bahay.
"Pumasok na tayo," kinikilig na saad ni Ate Saira ngunit tinaasan ko siya ng kilay. Hinawi niya ang mga tela na nagsisilbing panakip sa pwesto. Pagkapasok ko pa lang ay tanging mga matatalas na patalim na ang bumungad sa amin. Mula sa mahahabang espada hanggang sa maliliit na kutsilyo, kaliwa't kanan ang hile-hilera ng mga ito.
May ilan ding mga mamimili ang naglalakad-lakad at taimtim na nagsusuri ng mga produkto, karamihan sa kanila ay mga kalalakihan.
"S-sino ba siya? Nasaan ang lalaking iyong naiibi-"
"Shhh," pagputol niya sa akin, takot na marinig ng ilang mga mamimili. Tinaasan pa niya ako ng kilay at muling tumingin sa paligid. Hindi ko batid kung matagal na silang magkakilala, bagama't hindi naman ganoon lumalabas si Ate. Napapaisip ako kung minsan ay siya'y tumatakas sa bahay, ngunit hindi ko naman siya nasusumpungan.
Napatingin ang lahat sa isang lalaking matipuno ang pangangatawan, maputi ang balat, at may katangkaran. Maligaya nitong sinalubong ang mga mamimili na animo'y kanina pa siya hinihintay.
"Ano po sa inyo, Lolo?" tanong ng lalaki sa isang matandang lalaking kanyang kausap. Napatingin ako kay Ate Saira at siya naman ang aking tinaasan ng kilay. Ngunit nakatitig lang siya sa lalaking ngiti nang ngiti sa mga tao, para bang nagising ang kanyang kaluluwa nang siya'y aking sinagi.
"Kailan pa kayo magkakilala?" tanong ko, plano kong tanungin ang lahat ng maliliit na detalye kung paano, saan, at kailan sila nagkita. At hindi naman masama sa amin iyon ng aking kapatid, talagang ganito lamang kaming dalawa, kung minsan ay kinikilig sa kwentong pag-ibig ng bawat-isa.
"Nakaraang buwan?" sagot niya habang tila ba naging estatwa kakatitig sa 'kanyang' naiibigan.
"Naiibigan mo siya, ngunit naiibigan ka rin kaya niya?" Napatingin siya sa akin sa dahil sa aking katanungan. Muli ko siyang kinurot sa kanyang baywang, at halos pabulong na simabi, "At bakit hindi mo sinabi sakin, ang tagal na pala!"
Napatingin ang lalaki sa amin nang may ngiti sa labi, nagkatinginan pa sila ni Ate Saira na ngayo'y para bang kumikislap na ang mga mata. Maraming mga mamimili na rin ang natapos nang magbayad ng kanilang mga biniling patalim, pagkatapos, ay nagsilabasan na sa pwesto.
BINABASA MO ANG
Crowns And Chaos
Ficción históricaA blood-thirsty royal family, a wise and elegant twin princes, the battle for power and crown. When the old kingdom rules the land, nothing is safe in the eyes of the rich, no one will let you tell the truth. Elersa, a lady who serves for the famil...