[Kabanata 11]
"DITO na tayo."
Napahinto kami sa isang bahay na may dalawang palapag. May maliit na balkonahe ito at tila walang taong naninirahan dahil sa katahimikan na naghahari rito. May puno ng igos sa gitna ng hardin na nasa katamtamang laki.
"Tayo'y pumasok na," paanyaya sa akin ni Prinsipe Jobel. Lumapit siya sa pinto at walang pag-aalinlangang binuksan ito. Pumasok siya sa walang katao-taong bahay, tinanggal ang kanyang sumbrero at ginamit na pamaypay sa kanyang sarili.
"Lazaro! Gumising ka na!"
Umaalingawngaw ang kanyang sigaw sa loob ng bahay. Naglakad-lakad pa siya sa loob habang magkahawak ang kanyang kamay sa kanyang likuran na animo'y pagmamay-ari niya ang tahanan. Lumingon siya sa akin.
"Wala ka bang balak na pumasok?" Napakamot pa siya sa kanyang ulo. "Maghapon kang magbilad sa araw kung iyan ang iyong nais."
Parang gusto ko nang pumulot ng bato at ihagis sa kanyang bibig, ngunit hindi ito kanais-nais na pag-uugali sa loob ng tahanan ng isang abogado. Dahan-dahan akong pumasok sa loob at hindi ko maiwasang mamangha dahil rito. Napansin ko ang palanggana ng tubig sa gilid ng pinto ngunit huli na upang ito'y gamitin.
Inilibot ko pa ang aking tingin sa loob.
Nagulat ako nang may lumabas na isang lalaki sa isang silid na walang pantaas. Nanlaki rin ang kanyang nga mata at napahinto sa paglalakad. Nagpalipat-lipat ang kanyang tingin sa amin ni Prinsipe Jobel. Basa at magulo pa ang kanyang buhok at halatang kaliligo lamang. Kumaripas siya ng takbo pabalik sa kanyang silid.
"Jobel!" Rinig na rinig namin ang malakas niyang sigaw mula sa kanyang silid. "Bakit naman kayo pumapasok nang hindi man lang kumakatok?!" Halatang naiinis siya sa amin na tila anumang oras ay maaari niya kaming palabasin ng kanyang bahay.
"Wala ka bang kasama ngayon, Lazaro?" tanong ni Prinsipe Jobel. Umupo ako sa isang mababang upuan habang inililibot ko ang aking tingin sa malawak niyang bahay. Lumabas si Lazaro sa kanyang silid at maayos na ang kanyang tindig, maayos na ang kanyang pananamit, at ang kanyang mukha'y naging maaliwalas na. Hawak niya ang isang malaking pinggan na puno ng tinapay, karne, at tsokolate. Bitbit rin niya ang isang pitsel at tatlong baso. Inilapag niya ito lahat sa mesa.
"Sila'y nagtungo sa Bermisa, isang linggo na ang nakalilipas. Ang aking bunsong anak lamang ang hindi sumama." Tumango siya sa akin. "Nag-almusal na ba kayo? Halina't tikman niyo ang aking luto."
"Kami ay natapos na, ngunit asahan mong mauubos ko iyan." Hinarap ni Prinsipe Jobel ang mga pagkain at ito'y kanyang linantakan. Napatingin ang abogado sa akin.
"Ikaw, Binibini? Saluhan mo ang prinsipe. Ihahanda ko lamang ang mga manuskrito upang masimulan na natin maya-maya." Tumango ako, nakakahiya naman kung hindi ko tatanggapin ang kanyang alok. Kinuha ko ang pitsel at nagbuhos ng maiinom sa baso. "Hindi iyan nakalalasing."
May isang batang lalaki ang lumabas sa isang silid at dali-daling yumakap sa mga binti ni Lazaro. Sumilip pa ito sa pagitan ng kanyang mga binti at sinisiyasat ang aming nga mukha. Nginitian ko ang bata ngunit muli nitong itinago ang kanyang mukha.
BINABASA MO ANG
Crowns And Chaos
Fiksi SejarahA blood-thirsty royal family, a wise and elegant twin princes, the battle for power and crown. When the old kingdom rules the land, nothing is safe in the eyes of the rich, no one will let you tell the truth. Elersa, a lady who serves for the famil...