Mga Tanong Habang Lumalaki
Kapag ano, may sagot o paliwanag
Kapag saan, may lugar o pinangyarihan
Kapag kalian, may oras o panahon
Kapag bakit, masasabing may dahilan
Kapag paano, hahanap ng paraan
Kapag sino, ang sagot ay kadalasang tao
Ano po ang ulam natin ngayong umaga?
Saan kaya kami maglalaro mamaya?
Kailan kaya uuwi si Nanay?
Bakit pag hapon dapat matulog at manatili sa bahay?
Paano kaya magbisikleta? Gusto kong matuto
Sino kaya ang mga magiging kaibigan ko?
Ano pa ang dahilan ng pag aaral
Kung di naman tiyak ang kinabukasan?
Saan kaya tutungo matapos ang ilang taon
Kung hindi naman tiyak ang kinabukasan at ang ngayon?
Kailan matatapos ang mga problemang ito
Kung maya't maya may suliraning binubuno?
Bakit may tanong na di mabigyan ng kasagutan
Kung lahat ng bagay ay may kadahilanan?
Paano makakatulong sa iba
Kung ang sariling problema ay di makaya?
Sino kaya mahihingan ng saklolo
Para masolusyunan ang lahat ng ito?
Ano pa ba ang sa iyo bumabagabag
Kung lahat ng sagot sa harapan mo nakalatag?
Saan makikita ang hinahanap na katiyakan?
Sa ngayon na iyong kinatatayuan
Kailan matatapos ang mga problemang ito?
Sa oras na ikaw ay kumilos at tumayo
Bakit kailangang sagutin ang mga katanungan
Kung wala pa naman talaga ang kasagutan?
Paano matatapos ang mga pasaning ito?
Sa iyo matatapos, sa sarili mo
Sino ang makakatulong sa akin tungkol dito?
Wala. Ikaw lang mismo
Bakit Di Nakukuntento Ang Tao?
Kapag bakasyon, nababagot sa bahay
Kapag may pasok, gusto namang tumambay.
Kapag may pera, naghahangad pa ng marami
Kapag natupad ang pangarap, may bago pang minimithi
Pag bata pa, gusto nang tumanda
Pag matanda na, gusto bumalik sa pagkabata
Patapos na, gusto pang magsimula muli
Nasa paroroonan na, gusto pang bumalik
Ang tanong ay ang sagot
Ang sagot ay ang tanong
Bakit di nakukuntento ang tao?
Dahil di nakukuntento ang tao
Lumalakas at umaasenso
Nangangarap at nananalo
YOU ARE READING
Halo halo at Fruit Salad Poetry and Prose
PoetryA collection of Filipino and English poems and essays about life.