"ITO ba ang naririnig ko sa ating probinsya na Simbahan ng San Agustin, Maria?"
Labis ang pagkamangha ko nang makita ang Simbahan ng San Agustin. Isa ito sa mga pangarap kong puntahan dito sa Intramuros maliban sa Fort Santiago. Napakaganda ng simbahan at napakalinis ng paligid. May mga mangilan-ngilan na nagtitinda ng kung ano-ano sa gilid at mangilan-ngilan ding mga tao na papasok at palabas ng simbahan. At syempre, hindi nawawala ang mga guwardiyang Espanyol.
Tumango siya at ngumiti habang nakatingin sa... kalangitan. Ang akala ko ay namamangha siya sa ganda ng simbahang nasa harapan namin. Nagkamali ako dahil mas nabighani na naman pala siya sa kalangitan kaysa sa simbahan.
"Walang misa ngayon pero magdadasal tayo kaya halika na." Hiningi niya ang kamay ko pero mahigpit akong yumakap sa kanya.
"Maraming salamat, Maria!" masayang ani ko sa kanya.
"Dalagang Filipina, Cielo," tumawa siya nang mahina habang kayakap ko siya kaya naman nang tumawa siya ay tumama ang hininga niya sa leeg at balikat ko.
Mabilis akong humiwalay sa kanya sa gulat.
"Bakit?" kunot ang noong tanong niya.
"W-Wala, paumanhin sa aking inasal, Binibini." Napayuko ako sa hiya at gulat na dumaloy sa buong sistema ko.
"Huwag ka nang mahiya sa akin, kilala ko na ang takbo ng utak mo, Cielo. Magkakilala na tayo simula pagkabata kaya huwag na huwag kang mahihiya sa akin."
Napangiti ako at yumakap sa kanyang bewang. Yumakap siya pabalik at sabay kaming naglakad papasok sa simbahan.
Nang makapasok kami sa loob ay kakaibang itsura ang tumambad sa akin. Hindi ito katulad ng ibang simbahan sa amin sa probinsya. Bakit gano'n? Tila hindi napapanahon ang disenyo ng simbahang ito. Mukha itong gawa sa mga umiilaw na dyamante. Kulay kayumanggi ang buong lugar. Napakaganda ng simbahang ito!
"Magandang araw sa inyo, Binibining Maria at Binibining... Cielo," mabagal na sambit ng isang Padre na lumapit sa amin nang makaupo kami sa loob ng simbahan.
Nagpalipat-lipat nang dalawang beses ang tingin ni Maria sa akin at kay Padre. Ako naman ay gulat na napataas ang dalawang kilay. Paano niya nalaman ang pangalan ko?
"Magandang araw din po sa inyo, Padre Nicolas. Kilala niyo na po pala ang aking--"
"Kaibigan po ako ni Maria, Padre." Natawa si Padre. "Magandang araw din po, ikinagagalak ko pong makila--" natahimik ako nang magsalita si Padre Nicolas.
"Paumanhin mga Binibini ngunit kailangan ko nang umalis. Ikinagagalak ko rin na makita kayong muli, lalo na ikaw...Binibining Cielo," makahulugan ang mga tingin na kanyang ipinukol sa akin.
"Kailan pa kayo nagkakilala ni Padre Nicolas, Cielo? Hindi ba't ngayon ka pa lamang nakarating dito sa Maynila?" nagtatakang tanong ni Maria sa akin.
Hindi ako nakasagot. Naguguluhan din ako sa nangyari dahil ito ang unang beses na nakita ko si Padre Nicolas.
Hinagod ni Maria ang aking likod. "Napagod ka ba?" tanong niya.
Pinilit kong ngumiti sa kanya. "Hindi naman, ayos lang ako, Maria. Magdasal na tayo."
"Sigurado ka ba na walang masakit sa iyo? Maaari naman nating ipagpabukas ang pamamasyal, magpahinga ka muna--"
BINABASA MO ANG
A Sense of Hiraeth
Historical Fiction𝗮 𝘀𝘁𝗼𝗿𝘆 𝗼𝗳 𝗮 𝗱𝗲𝗮𝗱 𝗹𝗼𝘃𝗲 sol, march 2022 | finished, editing