"ANG paghihirap ay may katumbas na ginhawa. Hindi man ngayon, maaaring bukas, sa makalawa, sa susunod na buwan o sa susunod na taon, maging sa susunod na panahon o pagkakataon."
"Paumanhin, Padre Nicolas, ngunit ang susunod na panahon o pagkakataon na iyong tinuran ay hindi sapat upang pagaanin ang aking loob ngayon," sagot ko kay Padre Nicolas na nagsalita na naman sa aking isip. Hindi na rin ako nag-abalang luminga-linga sa paligid dahil bukod sa madilim ay batid ko naman na hindi ko rin makikita si Padre.
Humikbi lang nang humikbi sa gilid habang yakap ang aking tuhod. Labis na bigat ng pakiramdam ang aking nararamdaman ngayon. Idagdag pa ang katotohanan na hindi ko batid kung saan dinala si Maria.
Ilang minuto na paghagulgol at nakatulog ako sa aking kinauupuan. Nagising lamang ako nang marinig na may tumatawag sa aking pangalan.
"Binibini! Binibining Cielo!" pasigaw na bulong ng isang pamilyar na tinig.
"L-Leon?" napalapit ako sa pintuan ng selda.
"Ako nga, Binibini. Halika ka na, kailangan na kitang itakas sa lugar na ito," aniya at sinimulang buksan ang bakal na pintuan gamit ang isang susi.
"Saan mo nakuha ang susi na iyan?" nagtataka kong tanong sa kanya.
"Ibinigay ito sa akin ni Binibining Maria nang mapadaan ako sa selda niya dahil inutusan ako ni Donya Victorina na siguraduhing nasa magkaibamg bilangguan, Binibini. Ngunit hindi ko kayang gawin iyon kaya't narito ako ngayon at sinusunod ang utos ni Binibining Maria," paliwanag niya na nagmamadaling buksan ang pinto.
"Inutos ni Maria? Bakit hindi niya inuna ang sarili niya?!" inis kong singhal.
"Wala na tayong panahon, Binibini, halika na." Hinila ni Leon ang aking palapulsuhan ngunit bumitaw ako.
"Hindi ko maaaring iwan si Maria--" Naputol ang pagsasalita ko nang magsimulang umikot ang paningin ko at mga bagay sa paligid ko.
May kung anong puting liwanag ang sumulpot sa aking harapan. Labis na pagkahilo ang aking naramdaman kaya't nawalan ako ng malay.
--
NAGISING ako sa isang madilim selda na iba sa pinagdalhan sa akin kanina. Masakit pa ang katawan ko kung kaya't nanatili akong nakapikit at nakahiga sa malamig sa semento.
"Ang dalawang dalisay na kaluluwa na may magagandang loob ay hindi kailanman hahayaang maghirap nang lubos sa gitna ng bagyo nang walang bahaghari na naghihintay sa kanila sa dulo. Ingatan mo ang iyong sarili, Cielo," ani Padre Nicolas sa aking isip.
Napamulat ako nang may marinig akong umubo nang umubo sa loob ng kulungan na aking kinaroroonan. Kaya napilitan akong tumayo at tingnan ito.
"Maria?" gulat kong sambit nang maaninag siya sa isang sulok.
"Bakit hindi ka sumama kay Leon?" aniya at umubo ulit.
"Hindi kita maaaring iwan dito nang mag-isa. Bakit ba mas inuna mo pa ako at hindi mo man lang inalala ang sarili mo?" kunot noo at malungkot kong tanong.
"Ako lang ang dapat magdusa rito, Cielo, dahil sa akin lang may malaking galit si Ina. Kung aalis ako kasama ka ay hindi makabubuti para sa iyo. Hindi ko nais na maghirap ka pa lalo nang dahil sa akin lalo pa't sinabi sa akin ni Leon na malubha ang iyong sakit na hindi mo man lang inisip ipaalam sa akin. Sana'y intindihin mo ang ginawa kong desisyon, Cielo," mahabang paliwanag niya.
BINABASA MO ANG
A Sense of Hiraeth
Historical Fiction𝗮 𝘀𝘁𝗼𝗿𝘆 𝗼𝗳 𝗮 𝗱𝗲𝗮𝗱 𝗹𝗼𝘃𝗲 sol, march 2022 | finished, editing