Prologue

44 4 0
                                    

Tumakbo ang sampung taong gulang na si Niana upang sagipin ang isang batang lalaki sa loob ng parke, pinalilibutan ito ng mga kapwa nila bata, tila kinukutya ito. Naririnig na rin ni Niana ang mahinang paghagulgol ng bata, pinipilit makawala ng batang lalaki mula sa pagkakakulong niya, pero mas lalo pa siyang hinaharangan ng mga ito.

"Hoy! Tigilan niyo na 'yan!" matapang na asik ni Niana at saka pinamaywangan ang mga batang 'yon. Napatingin silang lahat sa kaniya, hindi siya nagpatinig sa matatalim na titig nila, bagkus mas lalo pa niyang tinapangan ang awra ng kaniyang mukha.

"Sino ka ba? Eh wala ka ngang mata!" kutya ng batang lalaki sa kabilang banda. Singkit kasi si Niana dahil nga sa may lahi siyang haponesa.

Napahalukipkip ng braso si Niana at saka siya muling bumaling ng tingin sa grupo ng mga batang 'yon. "Pulis ang Nanay ko, maging ang Tatay ko, may magagawa ba 'yang panlalait ninyo kung isusumbong ko kayo. Ano? Ano?" paghahamon niya.

Napatahimik ang mga batang kaharap niya at ilang sandali pa'y isa-isa at sunod-sunod na silang nagtakbuhan, lubhang natakot ang mga ito ng husto sa banta ni Niana. Nilingon ni Niana ang batang nakaupo sa damuhan, yakap-yakap ang mga tuhod, naririnig pa rin ni Niana ang mahinang iyak nitong kumakawala. Huminga si Niana ng malalim at saka inilahad ang kamay sa ere, upang tulungan ang bata sa pagtayo, dahan-dahan namang itinaas ng bata ang kaniyang ulo, nagtama ang inosente at luhaan niyang mga mata sa singkit na mata ni Niana.

"Tumayo ka na diyan, wala na sila, tinakot ko na." ani Niana, na animo'y ilang taon na kung umasta.

Hindi sumagot ang batang lalaki, at patuloy lang na pinagmasdan ang kamay ni Niana na nakaabang sa ere, mukhang wala siyang balak na tanggapin ito.

"Ayaw ko nga, baka isumbong mo ako sa mga magulang mong pulis."

Napahalakhak ng malakas si Niana, umabot sa puntong napahawak na ito sa tiyan niya.

"Hindi 'yon totoo, panakot ko lang." Napailing pa ito ng bahagya. "Tumayo ka na diyan, libre kita ng ice cream, ayon si Manong Sorbetero, paparating." Inginuso nito ang labasan.

Namilog ang mga mata ng batang lalaki, at sa pagkakataong ito'y walang alinlangan niyang tinanggap ang mga kamay ni Niana. Pinagpag nito ang likod ng maong niya, napansin din ni Niana ang mga kumapit na damo sa tee-shirt nito, kaya pinagpag niya na rin 'yon ng boluntaryo. Napatingin ang batang lalaki kay Niana nang gawin niya 'yon, nag-thumbs-up na lamang pabalik sa kaniya si Niana.

"Bakit mo pala ako ipinagtanggol kanina?" tanong ng batang lalaki, sabay dila sa strawberry ice cream na binili nila.

"Bakit ayaw mo ba?" pabalang na tugon ni Niana.

"Hindi naman, nagtatanong lang kaya ako." anang bata sabay kamot sa ulo.

"Sabi ni mama, kung gusto mong maging abogada, dapat kapag may inaapi ipagtanggol mo, kaya ipinagtanggol kita."

"Wow! Ang tapang mo naman, salamat ha." ngumiti ng abot-tainga ang batang lalaki, lumitaw ang maliliit, ngunit mapuputi at kumpleto nitong mga ngipin.

"Walang anuman, sa susunod, matuto ka nang lumaban, huwag puro iyak."

Tumayo ang batang lalaki, itinapon nito ang cone ng ice cream niya sa lupa at matapang na iniangat ang magkabilang braso nito.

Napatawa na lang si Niana. "Baka nga mas malakas pa ako sumuntok sa'yo."

"O sige na nga, ano pa lang pangalan mo?" Umupo muli ang bata sa bench, sa tabi ni Niana.

"Niana, ikaw?"

"Jashin, ang ganda naman pala ng pangalan mo." aniya, sabay lahad ng kamay nito.

Tinanggap ni Niana ang nakalahad niyang kamay. "Mas maganda ako, nice to meet you." nagkamayan ang dalawa, sabay ngiti sa isa't isa.

Sa mga sumunod na araw, mas naging malapit ang dalawa sa isa't-isa, napag-alaman nilang matagal na silang magkapit-bahay, pero ngayon lang nagtagpo dahil hindi naman palalabas ng bahay si Jashin, ayon sa kuwento niya kay Niana. Nakilala nila ang mga magulang ng isa't-isa, at hindi na nakakagulat na ang mga ito'y magkakaibigan lang din sa business field, kaya naging masaya ang mga ito na naglapit ang kanilang mga anak, at inaasahan na ng mga ito na sila ang susunod na successors ng kani-kanilang pamilya.





Isa.

Dalawa.

Tatlo.

Tatlong buwan, naging mas malapit si Niana at Jashin sa isa't-isa, naging matalik silang magkaibigan, dumating sa puntong natutulog na sila sa bahay ng isa't-isa, dahil hindi sila mapaghiwalay.

Hanggang sa nalaman nilang matagal na pa lang diagnosed sa Stage 2 lung cancer ang Mama ni Jashin. Napagdesisyunan ng Papa ni Jashin na mag-migrate na sila sa US upang doon na ituloy ang gamutan ng mama niya, dahil doon, mas magagaling ang mga manggagamot, mas madami at advanced ang mga gamit. Hindi maikakailang mahina na ang mama ni Jashin, kaya habang maaga pa'y, lilipad na ang mga ito paroon.

"Mag-iingat ka roon ha? Hanap ka ng mabait na kaibigan, 'yong hindi ka papaiyakin." habilin ni Niana kay Jashin, nasa garage sila ng bahay nila Jashin at ilang minuto na lang ay lalarga na ang pamilya ni Jashin patungong airport.

"Ayaw ko, ikaw lang ang kaibigan ko, puwede bang sumama ka na lang sa amin?" may halong pagmamakaawa si Jashin.

"Hindi puwede eh, nandito ang mga magulang ko, saka ang sabi nila matatagalan kayo roon, ayaw ko iwan si mama at papa."

"Ano ba 'yan, parang ang hirap mo naman iwan." napakamot si Jashin sa ulo.

Mas lalong nalungkot si Niana, at sumimangot na lang ito bigla.

"Halika nga rito." hinila ni Jashin ang kamay ni Niana at niyakap niya ito ng napakahigpit.

"Huwag kang malungkot, dahil babalik naman ako, babalikan naman kita." pag-alo nito kay Niana na naiiyak na.

"Paano kapag hindi ka na bumalik? Paano kapag makahanap ka na ng ibang Niana roon?"

"Puwede ba 'yon? Eh, ikaw lang naman ang nag-iisang Niana para sa akin." ginulo-gulo ni Jashin ang naka-ponytail na buhok ni Niana.

"Sabi mo 'yan ha, babalik ka?" nagliwanag muli ang mukha ni Niana.

"Oo, promise." Inilahad ni Jashin ang hinliliit niya.

"Pinky promise, babalikan kita."

"Pinky promise, maghihintay ako."

FadedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon