01; Gulaman

24 0 0
                                    

"May kagrupo ka na sa math?"

Umangat ang tingin ko sa lalaki. May hawak itong ballpen at 1/4 paper sa kaliwang kamay. Ang mahaba nyang buhok ay nakatirintas sa dalawang bahagi sa tuktok ng ulo. Nakabukas pa ang unang dalawang butones ng polo kaya't kita ang suot nyang manipis na sando sa loob. "Wala pa."

Tumango ito. "Sige, tayo na lang. Lalagay ko na pangalan mo rito."

Hinila nya ang isang monoblock na upuan at inilipat sa harap ko. Ginamit nya ang desk ko para isulat ang pangalan namin. Nagpatuloy ako sa pag-aayos ng gamit sa bag habang ginagawa nya iyon.

"Pwede bang—" kinalabit nya ako bago ituro ang nakasabit na ID sa leeg ko. Tumango ako at hinubad iyon para iabot sa kanya.

Narinig ko ang mahina nyang pagtawa nang makita iyon. Hindi ko alam kung pangalan ko ba ang pinagtatawanan nya o ang ben10 sticker na nakalagay sa mukha ko roon, pero bago pa man nya matapos isulat ang buong pangalan ko ay hinila ko na ang ID at isinuksok sa bag.

"Hindi pa ako tapos ah."

"Tinatawanan mo lang yung pangalan ko." naiinis kong sabi.

Umiling sya. "Hindi! Tignan mo kase." pinakita nya sa akin ang sarili nyang ID at tulad ng sa akin ay may nakatakip din na sticker sa mukha nya, ang pinagkaiba lang ay naruto sticker iyon. "Ano na? Paalis na si ma'am oh."

Inagaw ko ang papel at ballpen nya at ako na mismo ang naglagay ng pangalan ko doon. Hindi na ako nag-abala pang alamin ang pangalan nya at ipinasa ko na agad iyon sa gurong nagmamadaling lumabas ng silid.

Mataas ang sikat ng araw sa labas habang nagsisitakbuhan ang ibang mga estudyante sa gitna ng grounds. Hindi aakalain na puro high school students iyon dahil sa malakas na tawanan at sigawan nila sa labas na parang mga elementaryang nagtatakbuhan.

Ang kulay kahel na langit ang tanda ng pagtatapos ng klase sa araw na iyon. Halos buong taon kong hindi nakita ang paaralan dahil mas pinili kong tumigil saglit. Hindi ko nakayanan ang pagkamatay ng Papa at lubos ko iyong dinamdam.

Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ako makapaniwala na wala na sya. Minsan sa araw na iyon ay lagi kong iniisip na pag-uwi ko ng bahay ay sasalubungin nya ako ng yakap at halik nya, habang may hawak na plastik ng monay sa isang kamay at bote naman ng alak sa kabila para sa kanyang sarili. Hindi ko na pinansin iyon dahil alam ko namang iyon lang ang makakapagpasaya sa kanya. Kahit si Mama, hindi sya mapigilan, dahil bago pa man sila magkakilala at bago pa man ako mabuo, isa na iyon sa mga bisyo nya.

Tinanggap sya ni Mama nang buong-buo dahil aniya ay mahal nya ito, pero hindi naman namin akalain na iyon din pala mismo ang dahilan kaya nya kami iniwan nang maaga.

Ngayong wala na sya, hindi ko na alam kung ano pa ba ang uuwian ko, kung sino pa ba ang uuwian ko.

Nasanay ako palaging tumatakbo papunta sa kanya sa tuwing may kaunti akong problemang nararanasan. Imbis na pagalitan nya ako dahil sa pagiging mahina ko, aaluhin nya lang ang bawat patak ng luhang dumadausdos sa aking pisngi habang nakayakap sa akin nang mahigpit. Ramdam na ramdam ko pa rin kung paano nya hinihimas ang likod ko at binubulong ang mga salitang naglalaro sa 'magiging okay din ang lahat' at 'nandito lang ang Papa'.

Hindi ko maiwasang mapayuko nang maalala ang lahat ng iyon. Hindi pa nakatulong ang malakas na sigawan ng mga estudyante sa labas kaya't kung sakaling umiyak ako ay alam kong walang makakarinig sa akin. Kung hindi ko lang marinig ang boses ni Mama na pinagsasabihan akong huwag umiyak sa eskwelahan ay tuluyan na nga akong humagulgol sa corridor.

Mula sa ikaapat na palapag ay pinasadahan ko ng tingin sa huling pagkakataon ang kabuuan ng paaralan bago ako bumalik sa silid upang magsimulang maglinis dahil isa ako sa mga naatasang maglinis sa araw na iyon.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 20, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Drunk Thoughts and Night WalksWhere stories live. Discover now