Chapter TWO

172 4 1
                                    


MULA nang gabing naging "wild" si Crystal ay tila walang nagbago. Kagaya ng dati niyang ginagawa, buong linggo na siyang nagkukulong sa kanyang kuwarto, kaharap ang laptop at patuloy sa pagtatrabaho. Sigurado siyang wala namang nangyari sa kanila ng lalaking hindi niya kilala at ayaw na niyang makilala pa. Kung may nangyari man ay dapat niyang naramdaman iyon. Ngunit wala namang kakaiba sa kanyang katawan kaya wala siyang dapat ipag-alala. Mabuti na lang at hindi niya nakita ang mukha ng lalaki dahil kung nagkataon, siguradong mahihirapan siyang kalimutan ang gabing iyon. Itinatak niya sa kanyang isip na wala lang ang gabing iyon at dapat na niyang kalimutan.

Araw ng Lunes at kasama niya ang publisher niyang si Sir Bob na pumunta sa kompanya ng Bright Star Films, ang kompanyang naging interesado sa pagsasapelikula ng nobela niyang The Life We Shared. Para sa isang manunulat na kagaya niya, isang making karangalan iyon. Ang akala niya ay uso lang ang ganoon sa ibang bansa, lalo na sa Amerika, pero hindi pala. Ang sabi ni Boss Gene, ang presidente ng Bright Star Films, nakitaan daw nito ng potensiyal ang kanyang nobela matapos iyong ikuwento ng anak at misis nito. Na-curious daw ito kaya binasa ang libro, pagkatapos ay naisip agad na i-adapt sa movie ang kuwento. Idagdag pang gumawa rin ng ingay ang nobela niya online. She was flattered. Nakakatuwang malamang maraming tumatangkilik sa gawa at talent niya.

Hanggang ngayon na ilang taon na siya sa larangan ng pagsusulat, hindi pa rin makapaniwala si Crystal sa kanyang naabot. Nang mahilig siya sa pagsusulat noong nasa kolehiyo pa lang siya, tanging ang pinsan niyang si Colette at malalapit na kaibigan lang ang nagbabasa ng mga gawa niya. Ang mga ito rin ang nagsilbi niyang kritiko at tagahanga. Ilang nobela na ang natapos niya at nabasa ng mga ito nang pilitin siya ng mga kaibigan at pinsan na magpasa ng gawa niya sa isang kilalang publishing house—ang QueenBee na gumagawa ng mga sikat na pocketbook mula noon hanggang ngayon.

Noong una ay inakala ni Crystal na hindi papasa sa pamantayan ng QueenBee ang nobela niya hanggang makatanggap siya isang araw ng tawag mula kay Sir Bob. Dali-dali siyang pinapunta nito sa publishing house at doon niya nalaman na nagustuhan nito ang kanyang ginawa. Dahil doon ay niyaya siya ni Sir Bob na sumali sa workshop kasama ang iba pang mga aspiring writers. Doon ay natuto siya ng maraming bagay na nakatulong upang lalong mahasa ang kakayahan niya sa pagsusulat.

Nang maging opisyal na siyang nobelista ng QueenBee, nagsimula nang makilala ng mga mambabasa ang mga nobela at ang pangalan niya. Pero sa dami ng blessing na nakukuha niya ng dahil sa pagsusulat, hindi pa rin nakakalimutan na Crystal na gumagawa siya ng kuwento para makapagpasaya at maging inspirasyon sa mga tao. Naranasan na rin kasi siyang maging malungkot at masaktan nang sobra ng dahil sa pag-ibig.

Pagkatapos ng meeting ni Crystal sa Bright Star Films ay dumeretso siya sa bagong bahay nina Eliza at Marc. Kakauwi lang ng dalawa galing sa France para sa honeymoon ng mga ito. Inimbitahan silang malalapit na kaibigan para sa isang hapunan.

"Oh, she's here," anunsiyo ni Eliza habang inaayos ang hapag-kainan.

"Hey, gorgeous," bati niya kay Eliza."Na-miss kita.Kumusta ang honeymoon?"

She giggled like a teenager.

"Kung makakumusta ka naman, parang k-in-idnap ko 'tong kaibigan mo," nakangiting biro ni Marc.

"And look at you, houseband."

"Thanks," nakangiting sagot ni Marc. Naka-apron kasi ito, may hawak na dalawang pot holder at isang ceramic bowl galing sa kusina.

"Ang ganda sa France, Crys. And thank you, kasi sinulat mo sa novel 'yong part na nag-propose siya sa 'kin sa tapat ng Eiffel Tower. The book is really awesome. The best wedding gift we received." Niyakap siya ni Eliza nang mahigpit.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 20, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

ANG CHINITO NG BUHAY KO (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon