Nanginginig pa rin ang aking katawan. Hindi masukat ang kabang nararamdaman. Hindi ko lubos-maisip kung bakit nagkaganito ang aking buhay. Bakit ko napasok ang ganitong gulo? Bakit ko nga ba pinagdaraanan ang matinding takot na ito?
Nagsimula ang lahat noong ako ay nasa unang taon sa kolehiyo.
Palibhasa ay bago sa aking pakiramdam ang pumasok sa isang dekalidad na unibersidad, naging agresibo akong sumubok ng maraming bagay.
Pilit kong binago ang aking sarili, upang maging ‘in’ sa aking mga kamag-aral.
Ang Ana Montoya na dating tahimik at mahinhin, binura ko na at pinalitan ng isang maingay na dalaga.
Engineering ang kinuha kong kurso, Sanitary and Environmental Engineering, to be exact.
Hindi ko alam kung bakit ba iyon ang aking kinuha, Ni hindi ko nga maintindihan kung ano ba ang aking kababagsakan kapag natapos ko na ang nasabing kurso.
Sinita pa nga ako ng aking mga magulang, pero ipinilit ko pa rin ang aking gusto.
Papaano ay pakiramdam ko, masaya sa departamentong iyon, at maraming kaklaseng guwapo.
Nagkaroon kaagad ako ng mga barkada sa loob ng departamento, puro mayayaman at mga sosyal, sila
Misha, Julia at Maxene.
Unti-unting nakilala ang grupo namin sa pagiging maingay, pero matatalinong mga estudyante.
Buwan noon ng Oktubre, bago matapos ang unang semestre, naglakad-lakad kaming magkakaibigan sa loob ng malawak na unibersidad.
Makahoy ang lugar kaya masarap mamasyal.
Malalim at sariwa ang hangin.
Nang mapagod, naupo kami sa mesang nasa ilalim ng malaking puno ng akasya.
Habang nag kukuwentuhan, napansin ni Misha ang mga salitang nakaukit sa katawan ng puno.
Parang ginamitan ito ng matalim na bagay, na ang sabi ay
“Maari ba kitang maging reyna?”
“Hala, ang weird naman nito guys! Bad guy ang gumawa nito, as in!” - sabi ni misha.
Ganoon din naman ang naging reakiyon ng dalawa ko pang mga kaibigan.
Masyado kasing environmentalist ang mga iyon kaya isang krimen na sa kanila ang umukit ng kung ano-ano sa katawan ng isang puno o halaman.
Ako naman, palibhasa ay may pagka-epal, kumuha ng matalim-talim na bato saka umukit sa ibaba niyon ng salitang,
“YES”
Asar na asar ang tatlo sa aking ginawa.
Ako naman ay panay ang tawa.
“masyado kayong mga seryoso” - sabi ko pa noon.
Nang balikan namin kinabukasan ang nasabing puno, pare-pareho kaming nagulat nang may makitang sagot sa ilalim.
Mas maliit ang mga letra at ang sabi ay,
“Salamat, Ana. Subalit bata ka pa. Hihintayin ko ang iyong ikalabing-walong kaarawan, aking reyna.”
"Grabe ang trip ng isang ito, effort kung effort!” - komento ni maxene.
Napailing lang ang dalawa kong kasama.
Pero ako noon ay biglang nilamon ng kaba.
Nagsunod-sunod ang mga tanong sa aking isipan.
Papaanong nalaman ng umukit na Ana ang pangalan ko? Maging ang aking edad ay mukhang alam na alam.
Sa ibang banda, naisip ko rin na baka isang estudyanteng nakakakilala sa akin ang may gawa nito.
Baka nang umukit ako ng " YES”, nakatago lang sya sa ibang puno.
Para mapanatag ang aking kalooban, muli akong pumulot ng bato at umukit ng salitang,
“Joke lang po.”
Subalit kinabukasan ay may sagot uli ito at ang sabi ay,
“Hindi ako nagbibiro!”
Mensaheng ikinatakot ko, maging ng aking mga kaibigan.
Kaya mula noon ay hindi na kami lumapit pa sa punong iyon.
Lumipas ang mga araw, buwan, at taon.
Nakalimutan na naming apat ang tungkol sa nakaukit na mga mensaheng iyon sa puno ng akasya, bukod pa sa sinandya talaga naming iwasan na ang nasabing lugar.
Naglaho na ang aming takot.
Pero, tatlong araw bago ang aking ikalabing-walong kaarawan, muli kaming nakabasa ng mga nakaukit na mensahe sa apat na punong aming nadaanan.
Binabati ako sa aking nalalapit na kaarawan.
“Maligayang kaarawan, aking Ana. Ilang araw na lang, aking reyna,” - saad nito.
“Oh, my gosh, nabuhay sya! Naku, girl, feeling ko kaklase lang natin ang may pakana n’yan. Lakas lang mang-trip!” - sabi saakin ni julia.
Naisip ko, baka tama nga siya kaya pare-pareho naming ipinagkibit-balikat ang mga mensaheng iyon.
Kinabukasan,