dalawang araw bago ang aking kaarawan, may panibagong mga mensahe kaming nabasa sa halos lahat ng punong aming nadaraanan.
Mga mensaheng sinipat ng ibang mga estudyante’t pinagkaguluhan.
Mga mensaheng nagdulot sa akin ng matinding kilabot, sa halip na karangalan.
“Hala, this is insane! Ana we should report this to the police. O, kahit man lang sa security ng school. My goodness, lahat ng puno may nakasulat? Kaya bang gawin ito ng isang tao sa loob lang ng isang gabi? Wala pa ito kahapon, remember?” - natatandaan ko pang sabi ni Misha.
Naghisterya na sya.
Iniligid ko noon ang aking mga mata, kasabay ng paglusob ng matinding kaba.
“Dalawang araw na lang, aking Ana, maaangkin na rin kita,” - ang nakaukit sa isang puno.
“Naghihintay na sa iyo ang korona, aking reyna,” - nakalagay naman sa isa.
“Maligayang kaarawan, aking mahal.” - nakasulat sa iba pa.
Dahil na rin sa panghihikayat ng tatlo kong kaibigan, ini-report namin ang pangyayari sa Security Department ng unibersidad.
Kaagad naman nilang tiningnan ang mga kuha ng ilang CCTV na nakasabit sa mga posteng malapit sa mga daanan, kung saan nahagip ang ilang punong may nakaukit na kung ano-anong mensahe.
Halos nanlaki ang aking ulo nang makitang ang gumawa ng mga pag-ukit, kung kumilos ay simbilis ng ipo-ipo.
Kitang-kita namin na nagpalipat-lipat ito sa apat na puno sa loob lamang ng tatlumpong segundo.
May talukbong itong kapang itim kaya hindi namin mapagsino.
Dahil sa nakitang CCTV footage, nang araw ding iyon ay sinamahan kami ng ilang personnel ng unibersidad para mag-report na sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.
Maging ang mga ito ay hindi rin makapaniwala sa nakita, pero binigyan naman ako ng dalawang pansamantalang police bodyguards para masiguro ang aking kaligtasan.
Sang-ayon na rin aa kahilingan ng aking mga magulang.
Nag-aalala rin ang mga ito ng husto.
Kinabukasan, isang araw bago ang aking kaarawan, pinilit ko pa ring pumasok kahit pa nga takot na takot.
Naisip ko, baka may sa demonyo ang taong gumagawa ng mga inukit sa mensahe para sa akin.
Subalit, natapos ang araw na iyon nang tahimik at walang ni ano pa manh bagong mensahe sa mga puno.
Kinabukasan, sa aking kaarawan, masaya akong binati ng aking mga kamag-aral.
Natuwa naman ako dahil kahit na walang handa ay naalala nila ang espesyal na araw ng aking kapanganakan.
Sa kabilang banda ay malungkot din ako dahil sabay-sabay pang lumiban sa klase ang tatlo kong matatalik na kaibigan.
Ni hindi ko rin makontak ang kani-kanilang mga cell phone.
Naisip ko, siguro ay may inihahanda silang suprise party para sa akin.
Hindi man nakapagtataka dahil may kaya ang tatlong iyon.
Nang oras na ng uwian, habang naglalakad kasama ang dalawa kong police bodyguards, may natamaan akong grupo ng mga estudyanteng nag-uumpukan sa isang puno ng akasya.
“O, heto na pala si Queen Ana, eh! Ana, may bago ka na namang message galing sa secret admirer mong maligno!” - pabirong sigaw ng isa.
Unti-unti akong lumapit sa puno.
Sinipat ang mga nakaukit na mensahe.
Ang ilan ay mga lumang mensahe na, subalit napansin ko sa gawing itaas ang sariwang pagkakaukit ng mga letra.
Ang sabi nito ay,
“Aking Ana, maligayang kaarawan. Ang handog ko ay naroroon na sa iyong tahanan. Nawa, ito'y iyong magustuhan.”
“Ana, picture-an mo kung ano ‘yong gift sa ‘yo ah? Tapos post mo kaagad sa Facebook! Malay mo, kotse ‘yon or titulo ng bahay at lupa!” - muling biro sa akin ng isang estudyante.
Hindi ko naman iyon pinansin.
Papaano ay hindi naman ako natutuwa.
Nang maihatid ako sa bahay, nagsiuwi na rin ang mga kasama kong police, Palagay kasi nila ay wala naman nang makakapanakit sa akin sa loob mismo ng aming bahay lalo pa at naroon ang aking mga magulang.
