0901-XXX-friendzone

141 9 7
                                    

PLUG:
Keeno Villarama (0906*******)Isa sa mga poging problemado. Dotaboy. Tropa. Text niyo na lang siya. Medyo chicboy lang 'yan, pero gentleman naman. #PlugDone


Hindi kami sa plug nagkakilala, dahil kilala ko na siya bago ko pa makuha ang number niya (salamat sa nag-plug sa kanya). Nakilala ko siya tatlong taon bago ko matanggap 'yung text message na iyon.

"Yes! Sa wakas, may number na ako ni Keeno."

Tandang-tanda ko pa nga 'yung petsa kung kailan kami unang nagkita: February 13, isang araw bago sumapit ang araw ng mga puso.

Kasasagot lang noon ng kaibigan kong si Donnalyn sa manliligaw niyang si Karlo. At bilang pagdiriwang ng Valentine's day, niyaya kami ni Karlo sa inuman nilang magkakaibigan. Nagkakilala kami ni Keeno nung gabing iyon. Badtrip nga lang talaga, dahil ang pangit ng simula naming dalawa. Paano ba naman, simula pa lang ng istorya... tinanggalan na agad ako ng potential bilang jowa material.

"Hali ka na nga" hila ni Donnalyn sa akin, pasakay sa tricycle. Sa likuran dapat ako uupo dahil iyon ang paborito kong puwesto, pero naunahan na ako nina Celine at Dorina.

Unang beses pa lang namin makakapunta sa hideout nina Karlo, kaya si Donnalyn lang ang nakaaalam kung saang lupalop man iyon ng Anonas. Pagdating sa Chico street, pumara si Donnalyn sa 7/11. At mula doon ay naglakad pa kami nang kaunti, bago huminto si Donnalyn sa tapat ng isang brown na gate.

"Uy mauna kayo" sabi niya sa amin paglingon niya.

"Nahihiya ako."

"Mas lalo naman ako 'no," sabi ni Celine na totoo namang mahiyain. At bago pa mauwi sa mahabang usapan 'yung pagtuturuan nila, nagprisinta na ako. Para rin hindi na ako magmukhang tanga doon.

"Hay naku. Ang lalakas ng loob niyong pumunta dito, tapos ngayong mahihiya-hiya kayo," sermon ko sa kanila, saka itinulak 'yung gate na hindi naman pala naka-lock.

"Pasok lang kayo, 'wag kayong mahiya" sabi nung kaklase kong si Joseph na may dalang mga naka-plastic na yelo sa magkabilaan niyang kamay. Kinuha ko 'yung isang plastic na hawak niya saka siya sinundan papasok. Sa loob, bumungad sa amin 'yung mga lamesang inayos sa garahe, isang videoke machine at tatlong babae na nakapuwesto sa isang table malapit sa pintuan nung mismong bahay.

Nung una, nagpapakiramdaman pa kaming apat nina Donnalyn kung saan kami pupuwesto... Hanggang sa 'yung isa sa mga babae na ang magpaupo sa amin.

"Upo, uy." Sakto naman nun, may isang matangkad na lalaking lumabas mula sa bahay. Bumati lang siya sa amin, sumigaw ng

"Oy Karlo! Nandito na 'yung gerpren mo!" at saka tuloy-tuloy nang naglagay ng mga baso sa mga lamesa.

"Kuya ni Karlo, si EJ" bulong sa akin ni Donnalyn habang nakatingin sa lalaki.

"Upo kayo" sabi ni EJ sa amin. "Baka sabihin ni Karlo, pinababayaan namin 'yung mga tropa ng syota niya." Pagkasabi niya nun, umupo na kami agad-agad. Para hindi na humaba. Baka kasi mag-MMK pa si kuya.

"Baby!!!" napatingin kami kay Karlo na nasa bandang pinto nung bahay. Nakasilip siya sa pinto pero ulo lang niya ang kita namin. At sa ibabaw ng ulo niya, sumulpot naman bigla si Keeno. Pero bago iyon, kilala ko na si Keeno dahil palagi ko siyang nakakasalubong sa campus.

Aaminin ko, interesado ako sa kanya. Ang linis-linis niya kasi tignan at astig din pumostura. Hindi nga lang siya namamansin. Ewan ko ba. Pero tuwing makikita ko siya, para bang natataon palagi na nasa ibang direksyon ang tingin niya. Balak ko pa namang ngitian siya at doon simulan ang pagpapa-cute sa kanya. Kaso balil-balita rin sa amin na chicboy siya at papalit-palit ng girlfriend.

PLUG END (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon