KABANATA 2

12 4 9
                                    



"Aeolus, Atlas!" Malakas na kinalampag ko ang pinto ng kuwarto ng dalawa.

Mag-aalas siyete na nang umaga pero hindi pa rin sila bumabangon. Natapos na akong mag-ayos at maghanda ng agahan pero tulog pa rin ang dalawang 'to.

"Kaaayos ko lang ng pinto, Hemera," paalala ni Ares na kalalabas lang ng banyo at nagpupunas pa ng basa n'yang buhok.

Napairap ako sa kaniya, "Ikaw ang may kasalanan kaya napuyat ang dalawang 'to kaya 'wag kang bumoses diyan, Ares."

Muli kong kinalampag ang pinto ng dalawa at ramdam ko na ang inis dahil halos limang minuto na akong nakatayo sa tapat ng pinto nila, maging ang palad ko ay namamanhid na sa kahahampas sa pinto pero kahit isang tugon ay wala akong natanggap.

Malilintikan talaga ang dalawang 'to sa'kin.

"Aeolus, Atlas! Kapag hindi pa kayo bumangon walang makakapag laro sa PC!"

Nakarinig ako ng kalabog at mabibilis na yabag bago bumukas ang pinto at bumungad sa'kin ang humahangos na si Aeolus kasunod n'ya si Atlas na pikit pa ang isang mata.

"Good morning Ate!" masiglang bati ni Atlas na may panis pang laway sa gilid ng labi at gulo-gulo ang buhok.

"Anong oras ang pasok niyo?" taas ang kilay na tanong ko.

"7:45 AM," sabay nilang sagot bago bumaling sa orasan para tignan kung anong oras na.

Tinalikuran ko sila, "Walang gagamit ng PC pag-uwi."

Sumunod sa'kin ang dalawa papuntang kusina habang nagpapaliwanag ng kaniya-kaniyang palusot na kabisadong-kabisado ko na.

"Era, nakita mo ba 'yung ID ko?" Salubong sa'kin ni Apollo na kalalabas lang sa kwarto n'ya.

"Nasa bag mo na, at please lang 'wag mo kung saan-saan hinahagis ang mga gamit mo! Ikaw na ang ihahagis ko sa susunod," singhal ko nang lagpasan ko siya.

"Roger that!"

Pagpasok sa kusina ay naabutan kong nag-uusap sila Papa at Ares kasama si Isagani na hindi na umuwi kagabi, kasunod ko pa rin ang kambal na hindi pa rin ako tinitigilan.

"Hindi naman ako nag-inom ate bakit pati ako damay?"

"Nagpuyat ka pa rin, 'wag ka nang lumusot, Aeolus."

Umupo ako sa katapat na upuan ni Ares habang ang dalawa ay umupo sa tabi n'ya. Kanina ko pa naihain agahan sa lamesa maging ang mga plato ay nakalatag na rin. Tumayo s'ya sa upuan n'ya bago pa man ako makapag tanong kung ano ang pinag-uusapan nila ni Papa.

"Hindi na ulit ako magpupuyat, Ate." Binalingan ko si Aeolus na nakataas pa ang kamay na tila nanunumpa.

Hindi talaga ako titigilan ng dalawang 'to.

Ngumiti ako sa kaniya na saglit na ikinabuhay ng kaniyang mata, "Hindi. Kumain ka na," masungit kong sambit na ikinalukot ng mukha n'ya bago humarap sa sariling plato.

Naglapag naman si Ares nang tig-iisang baso ng gatas sa tapat namin bago muling bumalik sa upuan n'ya, umupo na rin si Atlas na tapos nang mag hilamos at pangiti-ngiti pa sa'kin pero hindi ko s'ya pinansin.

Mukhang ayos na ang loko.

"Kumain na kayong dalawa at maligo, mala-late na kayo," pagpapaalala ni Papa sa dalawa na parehong nakanguso.

"Opo," matamlay nilang tugon na sinusulyapan pa ako.

Tinaasan ko naman sila ng kilay at sumenyas na kumain na, wala namang nagawa ang dalawa kung hindi ang tahimik na sumunod.

After the Rain (ESS#1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon