Prologue: The Necklace (05/17/2015)

15K 201 14
                                    

Prologue: The Necklace

Written By: CDLiNKPh

ILANG LINGGO na rin simula no'ng mailibing ang mama at papa niya. Isang pangyayari ang naganap na tuluyang nagpabago sa buhay niya. Parehong namatay ang mga ito sa isang sunog na pinagtatrabahuhan ng mga ito bilang factory worker kaya napilitan siyang isanla ang bahay at lupa nila para lang may maipalibing ang mga ito. Malapit na rin siyang pumunta sa Manila para roon mag-trabaho. Aalis siya sa lugar na ito dahil wala na rin naman siya ritong matitirhan. Ang lugar na kinalakhan niya...

Muling nagbalik sa ala-ala niya ang masayang pamilya na mayroon siya noon. Napakabait ng mga magulang niya no'ng nabubuhay pa ang mga ito. Kailan man ay hindi nag-away ang mga ito at sa kabila ng edad ay napaka-sweet pa rin sa isa't-isa. Naging mabuti ring mga magulang ang mga ito para sa kanya kahit na mahirap lang sila. Sa tuwing maiisip niya ang mga ito ay hindi niya maiwasang mapaiyak. Lalaki nga siya pero hindi bato ang puso niya sa katotohanan na wala na siyang mga magulang kahit na isa. Sabay na nawala ang dalawa sa kanya at napasakit talaga niyon...

Doon na dumating si Nikki. Nakita niyang nalungkot din ito nang makitang umiiyak din siya. Parang napapahiyang nagpunas siya ng mga luha.

"Huwag mo nang pigilan ang pag-iyak mo, Kuya Christian. Normal lang naman 'yan dahil hindi madaling mawalan ng mga magulang. Alam ko na malungkot ka kaya bakit hindi ka lang umiyak? Nandito lang ako para sa'yo. Nandito lang ako para yakapin at damayan ka. Kahit na kailan ay hinding-hindi kita iiwan." Umiyak na rin si Nikki na parang ramdam din nito ang pagdurugo ng puso niya.

Doon na siya tuluyang napaiyak nang malakas. Hindi na alintana kung lalaki man siya. Ibinuhos niya ang lahat-lahat ng sakit na nararamdaman niya sa yakap ni Nikki na kahit papaano ay nakakapagpagaan ng loob niya. Hinahaplos pa ni Nikki ang likuran niya na pinababatid sa kanya na naiintindihan siya nito. Na hindi siya nag-iisa...

Nang gumaan na ang loob niya ay saka sila naghiwalay ng yakap. Tumitig sila sa dagat at kahit walang pag-uusap na namamagitan ay para bang naiintindihan nila ang isa't-isa.

Maya-maya ay nagsalita rin si Nikki na sa tingin niya ay siyang bumabagabag sa loob nito. "Kuya Christian, totoo ba na aalis ka na raw?" Narinig niyang malungkot na tanong nito. Hindi naman na siya nagtaka na nalaman nito. Mabilis namang kumalat ang balita sa lugar na iyon.

Mahinahon na siyang sumagot. "Oo, Nikki, totoo..." malungkot din na sagot niya.

"Pero paano na ako kung aalis ka? Sino nang magtuturo ng mga assignments ko? Sino na rin ang makakasama kong magsimba tuwing linggo? Sino na ang magpapasaya sa akin kapag malungkot ako? At kailangan mo rin ako, Kuya Christian. Kailangan natin ang isa't-isa kaya hindi tayo pwedeng maghiwalay..." Nag-uumpisa na namang tumulo ang luha sa mga mata ni Nikki. Dahilan para bumigat na naman ang dibdib niya. Sa lahat ng ayaw niya ay makitang umiiyak si Nikki pero siya pa ngayon ang nagiging dahilan ng pag-iyak nito.

"Babalik naman ako, Nikki. Hindi ko rin kayang malayo sa 'yo..."

"Pero kailan pa? Huwag ka nang umalis dito! Alam kong nabenta mo na ang bahay ninyo at wala ka nang iba pang kamag-anak dito pero kung gusto mo, pwede namang doon ka na lang muna sa hacienda namin tumira. Basta huwag ka lang aalis, Kuya Christian. Huwag dahil hindi ko talaga kakayaning mawala ka sa akin!" Para nang desperadang si Nikki. Para bang handa nitong gawin ang lahat huwag lang siyang umalis. Pero handa rin siyang gawin ang lahat para lang mapatunayan niya ang sarili niya rito. Kaya siya aalis ay para rin dito...

2. The Necklace (SELF PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon