DESPERADO—este, desperada ang drama ni Rachel Tamayo, pintor ng mga gumamela na kasalukuyang nakatambak sa studio na dating bodega ng kapeng Barako. Inuupahan niya ng 800 pesos kada buwan ang art studio. Murang-mura. Pero kung wala kang trabaho maliban sa pagpipinta, mahihirapan ka pa ring makabayad ng renta.
Kaya tinanggap niya ang komisyong trabaho mula sa isang resort owner.
Hindi lang renta ang bayarin niya kada buwan, may cell phone din siyang kailangan ng load, may sikmura din siyang kailangang punuin maski twice a day lang. May pangarap din siyang inaasam na matupad—ang magkaroon ng sapat na pera upang makaupa ng sarili niyang apartment sa halip na nakikitira sa kaibigang walang-wala rin.
Hulog ng langit kay Rachel si Desiree, nakilala niya ang kaibigan wala pang isang taon ang nakararaan sa seminar ng isang famous life coach. Dumalo siya sa seminar dahil libre naman. Acquaintance of an acquaintance niya ang assistant ni Life Coach at minsan na niyang niregaluhan ng portrait.
Seatmate niya si Desiree sa seminar. Halos magkasintaas sila pero mas mabigat ang timbang sa kanya ni Desiree. Noong hindi pa nagsasalita, akala niya ay mataray kaya hindi niya pinagtangkaang kausapin. Nang mag-joke si Life Coach hinggil sa ugali ng mga Pinoy sa pananalapi, nagulat si Rachel sa lakas ng tawa ni Desiree, sabay baling sa kanya at nakipag-high five. Nagtama ang mga mata nila at nanatili silang nakangiti sa isa't isa kahit expired na ang impact ng joke. Pagdating ng breaktime, sila ang magkasabay na nag-CR.
By the end of the seminar, they were friends. Thirty-one si Desiree, dalaga, at dating OFW sa Hong Kong pero wala raw naipon. Wala itong trabaho sa kasalukuyan kaya nagba-buy and sell na lamang ng kung ano-ano.
Ngayon, ampon siya ni Desiree sa silong ng lumang bahay sa San Juan, Batangas. Pag-aari daw ang bahay ng kapatid ng lola ni Desiree. Wala nang tumitira dahil OFW na ang buong angkan. Nakiusap na lang daw si Desiree sa kamag-anak na nasa Italya kung pupuwedeng makitira pansamantala sa lumang bahay. Pumayag naman si Kamag-anak.
Pero kung mukhang patong-patong ang multo sa bahay mo, maghahagilap ka ng housemate na buhay. At kung tumakas ka lang sa dati mong inuupahan dahil wala ka nang pambayad, magpiprisinta kang housemate ng kaibigan mong takot sa multo.
Basta libre, katwiran ni Rachel, kesehodang may naglalakad na paring pugot ang ulo gabi-gabi, kesehodang may umiiyak kapag madaling-araw, kesehodang kapag nananalamin siya ay may dumadaang anino sa likuran niya.
Mas marami pang mas nakakatakot na bagay kaysa mga multo.
Naging housemates sila ni Desiree.
Nang makita niyang may lumang bodega sa likuran ng bahay, nagpasya siyang iyon ang gawing studio. Magpipinta siya ng mga gumamela at iba pang tropical flowers para maibenta sa mga resorts sa katabing bayan ng Laiya.
Pero sa buhay ni Rachel, hindi nawawala ang mga kontrabida. Isang malayong kamag-anak ng kamag-anak ni Desiree ang nakaalam na ginagamit niya ang bodega. Nagsumbong ang kontrabida sa nasa Italya. Pinagalitan si Desiree, wala raw sa usapan na may iba pang patitirahin sa bahay ang babae, etcetera, etcetera. Pero napakiusapan naman ni Desiree ang nasa Italya na payagan nang may kasama ito dahil sangkatutak ang multo sa bahay. Okay. Pero kung ginagamit daw ang bodega, kailangan, magbayad ng renta.
800 pesos monthly.
Presyo iyon ng isang ten by twelve na canvas ni Rachel. No choice kasi barat ang mga beach goers, kaysa walang kitain.