TEN BY ten ang pader at hindi malaman ni Rachel kung matatawa o matatawa nang dalhin siya ni Malen sa kinaroroonan niyon. Ang "pader" ay nasa loob ng silid na nasa likuran lamang ng reception counter at nasa kanan ng hagdan. Ang inaasahan niya ay bakod na may mga bubog pa sa ibabaw. Turned out, Mrs. Principe's "pader" was a wall.
Dingding.
A backwall, to be precise. Eggshell white. May nakatusok pang hook sa pinakagitna at hindi na kailangang maging Sherlock para mahulaan kung ano ang isinabit at kalaunan ay tinanggal sa hook.
Her Gumamelas in the Sun.
Nasa sahig na iyon, nakasandal sa tabi ng glass door, may katabing basurahan.
Mga lapastangan!
Dinampot ni Rachel ang obra. "Sino'ng nagbaba nito?" Hindi niya itinago kay Malen ang inis.
"Ewan, baka si Sir Ben. Office niya nga ito," ulit nito, akala mo ay tanga ang kausap. Malen reminded her of another secretary who was as irritating, pero bahagi na iyon ng nakaraan, ayaw na niyang isipin.
"Sino ba 'yon?" tanong na lang niya. Una, tutol daw sa mural. Ngayon, nilapastangan ang obra niya—parang balak isilid sa basurahan, hindi lang kasya. Hindi pa man niya nakikilala ang Ben na iyon, mainit na ang dugo niya.
"Si Sir? Anak ni Ma'am Pearl."
"Ah..." Anak na nagmamarunong, konklusyon niya. "Ano 'yon dito?"
"Manager."
"Ah..." Medyo naligalig si Rachel. Medyo lang. Manager lang pala. Si Mrs. Principe pa rin ang masusunod. Ibinalik niya sa hook ang Gumamelas. "Kailangan ko ng ladder," aniya kay Malen. "'Yong matibay, ha."
"Ngayon na?"
"Hindi. Kahapon pa." Kinuha ni Rachel sa sling bag ang retractable measuring tape, hinaltak, "Susukatin ko ito." Sinubukan niyang paabutin hanggang kisame ang panukat pero natupi na iyon after a certain length. Itinago niya ang panukat at naupo sa itim na couch sa katapat na dingding. Humingi siya ng papel at ballpen kay Malen, pagkatapos ay inilista ang mga kailangan niya. "Kailangan ko ng ten-thousand para mabili ko na 'yang mga 'yan," aniya pagkaabot kay Malen ng listahan. "Asikasuhin mo na. Saka 'yong ladder, please."
Lumabas si Malen. Pinagmasdan ni Rachel ang dingding , inilalarawan sa isip ang gagawin niyang mural. Kaparis ng iba niyang paintings, bird's eye view rin iyon ng mga bulaklak ng tag-araw. Iyon ang trademark niya. Bird's eyeview of everything. Kaya ang mga bulaklak niya, tila nakapatong sa mga luntiang dahon.
Gumawa siya ng sketch sa papel na ibinigay ni Malen. Wildflowers and leaves in various shapes, and butterflies. Huwag kalimutan ang butterflies.
Bumalik si Malen.
Ang bilis naman yata?
"Miss Rachel, punta ka na lang daw sa Soliman Hardware, sa town proper lang 'yon. Doon mo na lang daw kunin ang mga supplies, ipakita mo lang itong list, pinirmahan na ni Sir Ben."
Napamulagat si Rachel sa listahan. May lagda nga sa bandang ibaba: B... chicken scratch... N... P... chicken scratch... E
"Ano ito? Credit card?"