CHAPTER 05

46 25 1
                                    

《《 》》

THE PSYCHOPATH'S JOURNAL

A Novel By Purple_Tips

Chapter 05 || MEMORIES

Francis' Point of View

Dalawang taon na ang nakalipas magmula no'ng mangyari ang insidenteng iyon. Maraming nagbago mula sa aming kasuotan, estado ng buhay, sa pag-aaral at sa relasyon naming magkakapatid. Nasa ika-labing dalawang baitang na ako ngayon na napabibilang sa strand ng STEM, dito na din sa St. Montessori Cathedral orphanage kung saan ito na ang aming naging permanenteng tahanan. Inaalagaan kaming mabuti nina sister Raquel at sister Marife, isa lamang ang masasabi ko kundi napakabait nila. Samantala, naging mas malapit din ang loob ko kay Reign. Siya ang tumulong sa akin para magpatuloy sa laban ng buhay.

<A memory from the past>

"Francis, bakit ka nandito at bakit umiiyak ka na naman?" Ani niya na parang nanay na nagagalit sa akin. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kanya kung ano ang dahilan ng aking pag-iyak. Ang sakit kasi ng mga salitang binitawan ni Alex, parang umasta siya hindi niya ako kuya. Kailan ba kami magkakapalagayan ng loob ni Alex?

"Hoy, Francis bingi ka ba? Bakit ka umiiyak?" Hindi pa din ako umiimik at nagulat ako nang umupo ito sa harapan ko. Tinitigan niya ang aking mga namumugtong mata at bigla niyang hinawakan ang aking baba. Sinusuri niya ang bawat detalye ng aking mukha na para bang kinakabisado niya ito. Napalunok ako ng masilayan ko na naman ang kanyang mga mata at ang kanyang mga labi na para bang tinatawag ako nito. Bumilis na naman ang pagkalabog ng aking puso na parang nagwawalang ibon sa hawla.

"Francis, sinisira mo lang ang gwapo mong mukha." Komento nito at bahagya pang bumusangot. "Kung dahil na naman ito kay Alex, pagpasensyahan mo na siya kahit na alam kong nakakapagod na siyang intindihin. Kailangan mong kayanin, para kanila Carlo at Yannie. Magkakabati din kayo ni Alex, pero hindi pa sa ngayon. Tandaan mo may plano ang Diyos, hinding hindi niya kayo papababayaan ng mga kapatid mo." Ang mga nangungusap nitong mata'y nabalutan ng kalungkutan nang dahil sa akin. Subalit, dahil sa kanyang mga sinabi ay gumaan ang pakiramdam ko at para akong may kausap na anghel.

"Salamat, Reign." Mahina kong tugon. Nahihiya akong makita ni Reign ang ganitong sitwasyon ko. Para akong patapon na basura sa harapan ng isang anghel. Tumayo si Reign sa pagkakaupo at inalalayan din niya akong tumayo.

"Ano ka ba wala 'yon. Kaibigan kita hindi ba?" Wika niya kasabay ng kanyang pagngiti sa akin. Nabigla ako ng yumakap si Reign sa akin. Bakit ba ang hilig yumakap ng babaeng ito?

<End of memory>



Bahagya naman akong napangiti ng maalala ko ang mga pangyayari na kasama ko Reign. Hindi ko mawari kung ano ba ang tunay kong nararamdaman kay Reign sa ngayon. Basta ang alam ko, masaya ako kapag nasa tabi ko siya habang nakikinig sa aking mga walang kwentang kwento. Abala ako sa paghuhugas ng mga plato nang biglang may nagsalita sa aking likuran.

"Kuya." Napamulat ako nang tawagin niya akong kuya. Totoo ba ang aking naririnig o guni guni ko lang ito?

"A-Alex?" Muntikan ko pang mabitawan ang hawak kong pinggan ng ngumiti ito. Tama ba ang nakikita ko?

"Kuya, sorry. Alam kong hindi maganda ang naging simula natin, sana mapatawad mo ako." Hinugasan ko ang kamay ko at saka ko ipinunas sa aking apron. Nilapitan ko si Alex at hinawakan siya sa kanyang balikat.

"Alex, matagal na kitang pinatawad. Kapatid kita, kaya hindi ko kayang magtanim ng sama ng loob sa'yo." Nangingilid ang kanyang mga luha. Nararamdaman ko na sincere siya sa kanyang paghingi ng tawad. Finally, ang pinakahihintay kong mangyari sa buhay ko.

THE PSYCHOPATH'S JOURNALTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon