Maaga si Armi nang araw na iyon. Naabutan ito ni Melissa na nag-aayos ng mga gamit at brochures sa ibabaw ng reception desk.
"Good morning, Ate Missy," bati nito.
"Good morning din. Salamat maaga ka. Sabi ko tatao muna ako habang hinihintay ka," sabi niya sa dalaga.
"Maliligo ka sa dagat, Ate?" tanong nito.
Umiling siya. "Maglalakad lang. Sabihin mo kay Josie hanapin agad ako pag nagising si Maya," ulit niya. Ang reception kasi ang paboritong tambayan ni Josie.
"Sige, Ate," sagot nito.
Gumamit muna siya ng CR sa reception bago tuluyang umalis para baybayin ang tabing-dagat. Mayamaya pa ay sumikat na ang araw. Humarap si Melissa sa silangan para pagmasdan iyon. Huminga siya nang malalim at sinamyo ang amoy ng dagat—parang pinaghalong malinis na hangin, sariwang isda, maalat na tubig, at luntiang seaweed.
Nang magsawa ang mga mata sa pagtanaw sa pinaghalong kahel at pulang langit ay itinuloy niya ang paglalakad.
Napatigil siya nang may mga daliring pumitik sa harapan niya. Awtomatikong iniatras niya ang mukha.
"Uy! Ano ba ang iniisip mo? Kung di siguro kita nasalubong, eh, nakaabot ka na sementeryo sa dulo." Si Dex.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong ni Melissa.
Tumawa ito. "Nasa boundary ka na ng El Territorio."
Napatingin siya sa paligid at na-realize na niloloko siya nito. "Wala pa, ah!"
Ngumiti ito. "Oo na. Ginigising lang kita."
"Trespassing ka na naman," sabi niya sa lalaki. "Dapat talaga sinisingil na kita ng entrance fee. At malabong makaabot ako sa sementeryo dahil sa kabilang dulo iyon."
Kung sa ibang turista ay attraction ang nasabing sementeryo na nasa tabing dagat, takot at tumatanggi naman ang ibang dayo na magpa-reserve sa resorts na malapit doon.
Sinabayan siya ni Dex sa paglalakad. "Puwede ba kitang imbitahang mag-breakfast sa Binangi?" tukoy ng lalaki sa pangalan ng restaurant sa resort nito.
"Bukas ka na ng ganito kaaga?" nasorpresang tanong niya.
Tumawa ito. "Siyempre. Para makuha ko iyong mga guests mo at iba pang turista na gutom na."
Natawa na lang din siya. "Baka magising na si Maya, eh. Saka na lang pag kasama ko siya. Magla-lunch kami d'un."
"Aasahan ko 'yan," sabi nito. "Mag-iisip ako ng special at healthy na lunch para kay Maya."
Hindi naman siya sa nangangako. "Bilhan mo na lang kaya ng gatas?" biro niya. Pero hindi ito tumawa.
"Ano ba talagang iniisip mo kanina?" pangungulit nito.
Umiling siya. "Hindi naman importante."
"Naaasiwa ka ba na nasa Mariquit si Abe?"
"Bakit naman... bakit naman ako maaasiwa? It's a free country. Magbabayad naman siya." Pero nahalata na marahil ni Dex ang panginginig sa boses niya, ang bahagyang patlang bago siya nakasagot.
Hindi agad nagsalita si Dex. "Alam kong si Ace Altamira ang ama ni Maya."
Parang may naghagis ng granada sa paanan ni Melissa at sumabog iyon sa kabuuan niya. Ilan pa kaya sa bayan nila ang nag-iisip ng ganoon?
"Ha?" Nakaawang ang mga labing napatingin siya sa binata. "A-ano'ng alam mo?" dugtong niya nang tumigil din ito sa paglalakad para harapin siya.
"Noong birthday ni Maya, narinig kong nag-aaway si Ace at iyong asawa niya. Papalitan ko sana sila sa pag-iihaw ng barbecue..."
BINABASA MO ANG
His Other Woman
RomanceAbe promised to marry her, but when his ex fiancee called, he dropped her like a hot potato...