Naalimpungatan ako at napagtanto kong nakatulog na pala ako sa lapag. Ilang minuto akong nakapikit habang hinihintay na tuluyang magising ang diwa ko.
"Anong oras na ba?" bulong ko sa sarili ko at sinubukang kapain ang cellphone ko. Nang hindi ko 'yon maramdaman ay mabilis akong napabukas ng mga mata. Nangunot ang noo ko nang mapagtantong wala ako sa kwarto ko. Wala ang carpet at kahoy ang sahig.
Mabilis na nalipat ang atensyon ko sa mga gamit pamburda na nasa sahig. Nagulat ako nang makarinig ng pagkaluskos na nanggagaling sa kabilang parte ng kama. "Sinong nandiyan?" tanong ko.
Nag-angat ng ulo ang isang dalaga at halos takasan ako ng kaluluwa ko nang mapagtanto kung sino iyon. Celine? Anong ginagawa mo rito?
"Ate? Ako lamang ito, si Veronica," ani nito at itinaas ang papel na may guhit. "Pinapunta ako ni ina para sunduin ka para sa meryenda ngunit napansin kong mukhang nakatulugan mo ang iyong ibinuburda. Pasensya ka na kung napakialaman ko itong mga gamit mo. Naisip ko kasing hintayin ka na lang na magising nang sa gayon ay may kasama kang kakain," sambit niya at ngumiti.
Mabilis niyang ipinatong sa lamesa sa hindi kalayuan ang mga hawak niya. "Dito ko na lamang iiwan ang papel at brotsa. Lilinisin ko na lamang mamaya pagkatapos nating mag-meryenda. Halika na, ate Luciana!" sabi niya at hinila ako patayo.
Dahil hindi ko pa tuluyang naiintindihan ang mga nangyayari, wala akong magawa kundi ang sumunod na lamang sa kaniya. Nang pababa na kami ng hagdan, napansin ko ang pagdadalawang-isip ni Veronica, at sa hindi malamang dahilan ay parang may takot sa mga mata niya.
"Gusto mo bang tawagin ko si ama para alalayan ka?" tanong niya sa akin. Nangunot ang noo ko sa tanong niya. "Hindi na kailangan, kaya ko naman bumaba mag-isa," sagot ko. Nakita ko kung paano nanalaki ang mga mat ani Veronica sa gulat.
"Ate... nakakapagsalita ka na?" tanong niya na parang hindi kami nag-usap kanina sa silid.
Halos hindi magkandaugaga ang mga tao sa mansion. Unti-unti ko nang napagtatanto kung nasaan ako. Nasa panahon ako kung saan nabubuhay sila Lola Luciana. At sa pagkakataong ito, ako ang nasa katawan niya. Noong una ay hindi ko maintindihan kung ano ang ginagawa ko rito. Hindi rin ako makapaniwala na posible palang mangyari ang ganitong mga bagay. At hindi ko naman itatanggi na may nararamdaman akong takot, pero sa tuwing lumilingon ako sa batang si Lola Veronica na kamukhang-kamukha ni Celine, nakakampante ang puso ko.
Pakiramdam ko ay may dahilan kung bakit ako nandito sa lugar na 'to.
"Doktor, ano ho ang nangyayari kay Luciana?" tanong ng pinaka-lolo sa angkan namin, si Don Benedicto. Sinubukan nila akong tanungin ng mga bagay-bagay ngunit hindi ako makapagsalita dahil hindi ko alam kung anong sagot.
"Mukhang nakakapagsalita na ulit si Senyorita Luciana. Ngunit hindi ko rin lubos na mapagtanto kung anong naging rason para makalimutan niyang bigla ang kaniyang mga alaala."
Kasi hindi naman si Luciana ang nasa katawang 'to. Pigil na pigil akong magsalita dahil baka kung ano lang ang masabi ko. Hindi ko pa lubos na maintindihan kung bakit ako nandito sa panahon na 'to kaya naman hindi ako gagawa ng kahit anong ikapapahamak ko.
Lumayo ng ilang hakbang ang doktor at ang mga magulang namin para pribadong makapag-usap.
"Basta ako, masaya ako na makakausap na kita sa wakas, ate Luciana!" bulong ni Veronica sa akin at mahinang humagikhik. Napangiti ako sa kaniya. Hindi lang sila magkamukha ni Celine, magka-ugali rin sila.
"Basta ako, masaya ako na tinulungan mo akong makatakas kagabi, ate," bulong ni Celine sa akin at kumindat. Kinabig ko ang braso niya dahil kasalukuyan kaming pinapagalitan nila Mommy at Daddy dahil sa ginawa namin kagabi.
"Hindi ka na naman ba ulit makapagsalita, ate?" tanong niya sa akin. Umiling ako at hinaplos ang buhok niya. "Masaya lang ako na nandito ka," sagot ko at niyakap siya.
"Hindi naman ako nawala. At hindi ako mawawala kasi kahit kailan, hindi kita iiwan, ate," bulong niya at niyakap ako pabalik. Pagbitaw niya, napansin naming nakatitig sa amin ang mga magulang namin. Nginitian lang namin sila ni Veronica.
Inaya niya ako na mag-meryenda kaya naman nagpunta kami sa kusina at sinalubong kami ng isang matandang kasambahay. "Manang Sitang, magme-meryenda na ho kami ni ate Luciana," sabi niya. Mabilis namang sumunod ang tinawag ni Veronica na Manang Sitang.
"Ate, siya ang pinakamatagal na tagapagsilbi sa mansyong ito. Pati ang mga anak at apo niya ay naninilbihan din sa atin. Ang iba ay nagtatrabaho sa kuwadra habang ang iba ay nasa mga taniman at sakahan na pag-aari ng pamilya natin."
Marahan akong tumango bilang sagot sa mga sinabi ni Veronica.
"Senyorita Veronica, maaari ho ba akong magtanong? Totoo ba ang nabanggit nila na nakakapagsalita na si Senyorita Luciana?" ani Manang Sitang habang inaabot ang iniluto niyang ginataang bilo-bilo.
Lumingon si Veronica sa akin. Pagkatapos ay ibinalik niya ang mga tingin kay Manang Sitang. "Opo, nakakapagsalita na po ulit siya. Pero ---"
"Sitang," pagtawag ni Don Benedicto, dahilan para maputol ang usapan namin.
Nilingon niya kaming dalawa ni Veronica na pansamantalan natigil sa pagkain. Nginitian niya kami at pagkatapos ay tumuloy na upang kausapin si Manang Sitang. Pinanood naman namin sila mula sa pwesto namin ni Veronica. Pagkatapos ay lumingon ito sa akin at nagsalita.
"Sa tingin ko ay maghahanda ng piging sila ama dahil sa paggaling mo, Ate," sabi ni Veronica.
"Pero wala naman akong maalala. Hindi kaya maipapahiya ko lamang ang ating pamilya sa piging na iyon?" nag-aalalang tanong ko. Masyadong big step ang pagharap sa mga tao gamit ang katawan ni Lola Luciana. Wala akong ideya kung anong klaseng tao siya at kung paano siya makitungo sa ibang mga tao.
"Dati na ba akong hindi nagsasalita?" tanong ko kay Veronica.
"Hindi ko alam, ate. Pero nung nagkamuwang na ako ay hindi na kita makausap. Halos hindi ka na lumabas ng iyong silid at bihira ka ring makisalamuha sa amin. Kami ni Manang Sitang ang madalas na dumalaw sa iyong silid para kwentuhan ka at kausapin."
"Hindi ka ba napagod na makipag-usap sa akin?" takang tanong ko.
Natawa naman si Veronica at umiling. "Bakit naman ako mahahapo, ate? Hindi mo naman kailangang magsalita para makipag-usap sa akin," sabi niya at itinuloy na ang pagkain.
Habang nakatingin kay Veronica, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili ko kung bakit halos ni isa sa pamilya namin, walang nagkwento ng tungkol sa kaniya.
Nang mapansin niyang nakatingin ako sa kaniya ay nginitian niya ako at pagkatapos ay hinawi ang buhok na nakaharang sa mukha ko. "Pero masaya ako na nakakapagsalita ka na. Sa wakas ay malalaman ko na rin kung anong mga tumatakbo sa iyong isipan, ate."
BINABASA MO ANG
Cada Momento
Historical FictionAfter the death of her younger sister Celine, Catherine Ramones gets the chance to save her by undoing a cruel incident that occurred in the past. Through the magical antique pocket watch gifted by their Lola to her on her 18th birthday, Catherine g...