Panimula

2 0 0
                                    

Nagbabantang bumuhos ang malakas na ulan, madilim ang kalangitan. Ala una y media pa lamang sa hapon, ngunit tila'y gabi na dahil sa makakapal na ulap. Bahagya akong nanginig nang marahang dumaan ang malamig na hangin, tumindig ang mga balahibo ko nang dumampi ito sa balat ko.

Kailangan kong magmadali.

Hindi ko nais maranasang sa kasagsagan ng paroo't parito na mga tao ay aabutan ako ng bagyo sa gitna ng daan. Marami akong kailangang gawin kung kaya't dapat lamang na bilisan ko ang aking paglalakad. At iyon nga ang ginawa ko.

Kagaya ko, karamihan ng nakakasabayan ko at nagmamadali na tila ba takot na takot maabutan sa pagbagsak ng malakas na ulan. Ang iilan ay may dalang payong na kahit sa gitna ng nag nagmamadaling mga mamamayan ay kampante at kalmado lang na naglalakad. Dahil may pangsangga sila. Napasinghap ako nang maramdaman ang paunang tulong butil ng ulan, agaran akong napatingala at napakagat sa labi.

Malapit na.

Bumuntong-hininga muna ako at mabilis na tumakbo papunta sa kalapit na kainan upang sumilong. Sakto lang ang dating ko nang biglang bumuhos ang ulan, may iilang nahuli kaya labis ang pagkataranta na maghanap at lumapit sa kalapit na estante upang protektahan ang sarili laban sa ulan at upang Hindi tuluyang mabasa. Bahagya akong lumayo malapit sa daan, dahil nasisiguro kong matatamaan ako ng iilang butil ng ulan at putik.

Alam kong babagyo pero lumabas pa rin ako, sapagkat kailangan. Kailangan kong maipasa ang aking proyekto, kung minamalas nga naman ako'y sira ang nag-iisang payong ko at kulang ako sa salapi upang makabili ng bago. Kakaalis ko lang sa pinagtatrabahuan ko, ang rason ay masyado silang makautos at kulang naman ang sahod. Tatanggapin ko naman na maraming gagawin basta sakto rin ang sahod, kaya mas pinili kong tumigil at maghanap ng panibago. Ako lang rin naman ang kawawa kung ipagpapatuloy ko pa.

Batid kong matagal pa bago tumila ang ulan kaya'y inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid ng kainan. Halos ang kabuuan ng kainan ay gawa sa matitibay na kahoy, ito ay madulas, puro at maigi ang pagkagawa. Sa kanan ay nakahilera ang mga mesa't upuan, sa kaliwa naman ay ang estante para sa mga ulam, inumin at kanin. Sakto lamang ang sukat ng kainan para makapagserbisyo sa mahigit trenta hanggang kwarenta katao.

Marahan kong sinuri ang isang haligi malapit sa akin at hinimas ito. Walang bakas na anumang dumi mula dito, pansin ko na ang buong paligid ay masyadong malinis. Kumikintab ang sementadong sahig at mesa sa kalinisan. Napaangat ako ng tingin nang magbukas ang mga gasera upang magbigay ng liwanag sa kadiliman. Iba't-ibang uri ng mga palamuti ang makikita sa itaas na bahagi, may mga muwebles na gawa sa mga kabibe. Napangiti ako nang makita ang mga maliliit na ilaw, ang pinakatanyag na makabagong ilaw na nagmula mismo sa aming bayan.

Ang ilaw na bombanilya.

Ito ay gawa sa maliliit na salamin na hinulma pabilog, sa loob nito ay ang dalawang maliit na ilaw. Lahat ng klase ng kulay ay mayroon ang bombanilya, bagong produkto ito, bagong gawa at talaga namang naging patok at nakilala dahil nakakaengganyo ang iba't-ibang kulay nito na nagmula pa mismo sa mga natural na kulay ng mga bulaklak. Ibinabad ang pabilog na salamin sa mga katas ng mga bulaklak, hinayaang matuyo at hinaluan ng tubig-alat upang ang kulay ay maging permanente. Baterya ang nagpapagana rito. Alam ko ang lahat kung paano ito gawin.

Dahil ako mismo ang nakatuklas at gumawa nito. Iyon ay aking isang sikreto.

"Iho. Libreng kape para sa iyo." Napatingin ako sa nagsalita. Nahihiya man ay tinanggap ko ang alok ng isang ginang at nagpasalamat.

Conquerors Of The PastTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon