Chapter 20 - Tigmo Challenge

40 5 0
                                    

OLIN

Samot-saring kuwestiyon ang naglalaro sa 'king isipan habang tinitingnan sina Prinsesa Madani at Langas o Lubani na nag-uusap nang masinsinan sa isang sulok. Gusto ko sanang lumapit para magpaulan ng mga katanungan pero dinispatsa ko na lamang ang mga ito at inilibing sa 'king lalamunan.

Parang naitsipwera na kaming apat dito.

Dumapo ang mga mata ko kina Solci, Cormac, at Talay na nakapuwesto sa tabi ko. Nagningning ang mga mata ni Solci habang nakatuon ang atensyon sa mga hayop-dagat na lumalangoy sa malinaw na tubig. Nakapangalumbaba naman si Talay habang kinakausap sina Saya, Alog, at Lish. Samantala, si Cormac naman ay mukhang aburido at kasalukuyang ginagawang pamaypay ang kaniyang kanang kamay. Palipat-lipat siya ng lugar dahil nanggagalaiti na siya sa init ng araw.

Naulinigan ko ang bulong-bulungan ng mga Horian sa tapat namin. Parte sa diskusyon nila kung ano ang koneksyon ng kanilang prinsesa sa kasama namin. Pagkatapos, dumako ang atensyon ko kay Rayna Nagwa nang hatiran ito ng kaniyang nasasakupan ng mga damong-dagat tulad ng guso na kulay berde 'tapos maraming sanga at saka lato na binansagang ubas ng karagatan.

Pihikan ako sa pagkain noon pero ngayong nandito na ako sa Kahadras, isang mundong malayo sa 'king kinagisnan, parang gusto ko nang kainin ang kahit ano. 'Wag lang 'yong hindi naman nakakain o 'di kaya'y nakalalason. Mindset ba, mindset!

Nagitla kami nang maglakad si Prinsesa Madani papalapit sa kinalulugaran namin, dala-dala ang malaking kabibe na may lamang mga damong-dagat. Hawak pa rin niya hanggang ngayon ang kaniyang sibat na may tatlong talim. 'Tapos, nakasuot na siya ngayon ng asul na bestida.

Pero pa'no siya nagkaroon ng mga paa?

Paghinto niya sa harapan namin ay ibinigay niya ang kaniyang dala kay Talay. "Kumain na kayo. Alam kong kanina pa kayo nagugutom," sabi ni Madani, ang kulay-dalandan na mga labi ay nakainat.

Kumikinang sa saya ang mga mata ng mga kasama ko sanhi ng pagkatakam sa pagkain. Pinaulanan namin siya ng pasasalamat dahil sa kaniyang kabutihan. Dali-dali kaming umupo, inilagay ang kabibe sa bato, at nilantakan namin ang biyayang inihandog sa 'min ng mahal na prinsesa. Para kaming mga batang ngayon lang nakatitikim ng pagkain 'pagkat panay ang ungot namin ng, "Sarap!"

Pagkaraan ng ilang minuto, sabay kaming sumandal sa pader na yari sa bato, hinihimas namin ang aming tiyan, at saka napadighay pa kami sa sobrang pagkabusog.

"Prinsesa Madani, pa'no ka nagkaroon ng ibang kasuotan at mga paa?" Sinira ni Cormac ang katahimikan sa pagitan namin.

Ininguso lang ni Madani ang hawak niyang sibat na may tatlong talim at napatango-tango naman si Cormac na mukhang kuntento na sa natanggap na sagot.

"Bago mag-umpisa ang hamon, may sasabihin ako sa inyo," pagsingit ni Langas.

"Ano naman?" sabay naming sabi.

Klinaro niya muna ang kaniyang lalamunan bago sagutin ang isinaboy naming kuwestiyon. "Ikaw ang makakalaban ni Prinsesa Madani, Olin."

Awtomatikong nanlaki ang mga mata ko. "Ano?"

* * *

Napuno ng ingay ang buong gingharian ng Horia. May paulit-ulit na sumisigaw ng "Prinsesa Madani! Prinsesa Madani!" at humalo rin ang mga boses na nagsasabing "Ipakain ang mga 'yan sa dambuhalang ahas!"

Ang lokasyon namin ni Prinsesa Madani ay nasa gitna ng tubig habang napapalibutan naman kami ng mga Kataw, Siyokoy, at ng mga kasama ko.

Paulit-ulit kong minumura si Langas sa isip ko kasi siya itong nakaisip ng hamong ito 'tapos ako ang gagawin niyang representante sa grupo namin! Alam ko naman kung bakit ayaw niyang makalaban si Madani. Lintik na pag-ibig 'yan! Nakakain ba 'yan? Maililigtas ba kami niyan? Huhu.

Olin in Kahadras [Volume 1 & 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon